Chapter 3

14 0 0
                                    

Halos malula si Merimee sa presyo ng mga damit at gamit sa bahay na pinamili nila ni Raegan sa shopping mall na 'yon. Hindi siya magkandatuto halos kung alin ang pipiliin niya sa mga nasa harapan niya kanina dahil nag-aalangan siya sa presyo. Subalit dahil sinabihan siya ng lalaki na hindi niya dapat intindihin ang halaga ng mga damit at sapatos at iba pa, hinayaan na lamang niya ang sarili na piliin ang mga nababagay sa kanya, at natutuwa naman siya dahil nagustuhan naman lahat ni Raegan ang mga napili niya. 

Pagkatapos ay dinala siya nito sa isang kilalang beauty salon. Kinausap sandali ang manager at ilang saglit pa'y tatlong tauhan ang agad na lumapit sa kanya at inayusan siya. May kumukutingting sa mga kamay at paa niya, at bukod rin ang nag-aayos sa kanyang buhok. Ayaw sana niyang ipagalaw 'yon ngunit nang sinabi ni Raegan na sobrang dull at unhealthy na ng kanyang buhok ay wala siyang nagawa sa desisyon nitong ipagalaw 'yon sa parlor.

Hindi naman sa sobrang nagtitipid siya sa sarili kaya 'di na rin niya maasikaso ang magpa-parlor. Ngunit naisip niyang isang treat na rin ito para sa sarili niya na halos napapabayaan na niya dahil sa labis na trabaho.

Isang matamis na ngiti ang sinalubong ni Raegan sa kanya nang matapos ang make-over na ginawa sa kanya. Kahit siya ay halos nanibago sa kanyang hitsura. Nagustuhan rin niya ang kanyang bagong gupit. Bumagay iyon sa hugis ng kanyang mukha at lalong umangat ang kanyang kagandahan dahil doon.

"You look great," wika ni Raegan nang nasa kotse na sila.

"Maraming salamat," nahihiyang tugon niya.

"Ihahatid na kita sa condo unit mo para maihatid na do'n ang mga gamit na pinamili natin," maya'y wika nito at pinaandar na ang sasakyan.

Tahimik lang sila sa loob ng kotse. Kapwa sila magpapakiramdaman. Ngunit si Raegan ang unang bumasag ng katahimikan.

"May boyfriend ka na ba?" tanong nito 'pagdaka. "It's okay if you don't want to answer," ang dugtong nito.

"W-Wala. Wala... hindi naman ako papayag sa alok mo kung may boyfriend ako, 'di ba?" nahihiya niyang tugon.

"I can't believe na a beautiful woman like you, ay walang nobyo," sabi nito. "Pero maraming manliligaw, I'm sure?"

"Meron din naman..." aniya.

Tumango-tango ito. Medyo traffic na ang kalsada patungo sa Makati kaya halis magtatakip-silim na nang makarating sila sa condo unit ni Merimee.

"Maraming salamat sa paghatid mo sa 'kin, sir," wika niya.

"Anong sir?"

"I mean, Rae..."

Tumawa ito.

"Hindi ka rin ba sanay na may ka-endearment?" tanong nito nang makapasok sila sa loob. Naupo agad ito sa malambot na sofa.

"Parang gano'n na nga..."

"Ako kasi, kung ano-ano na ang mga narinig kong tawag ng mga babae sa 'kin eh. May honey, may sweetheart, may love, may babes... nakakaumay na ang mga gano'ng common na endearment 'di ba?" wika nito. "Think of something uncommon, yet something sweet and romantic," sabi pa.

Napapangiti siya tuwing naiisip na may soft side rin pala itong tinatago. Na deep inside, he also wants to be pampered and loved. 'Yon nga lang, tila isang sumpa na sa tulad nitong mayaman na pagnasaan ng mga babae ang pera nito. Sad to say, hindi man tuwirang gano'n siyang uri ng babae, ngunit the mere fact na kaya sila magkasama nito ay dahil rin sa pera, hindi niya maalis sa sarili na makadama ng hiya at pagkadismaya.

Hinding-hindi siya magugustuhan nito dahil ang tingin nito sa kanya ay manggagamit. Kahit sabihin pang ito ang nag-alok at ginagamit rin naman siya nito, still, ang katotohanang may perang involved dito ay hindi niya maikakaila.

"Wala rin akong maisip eh... kung meron man, parang nako-kornihan ako," aniya.

"Sige, ano 'yon? Tell me. Baka magustuhan ko."

"Hmm.... heart?"

"Heart?" Nag-isip ito sandali. "Heart..." sabay maya-maya ay ngumiti. "I like that... if only it's true..." sabay tumawa rin ito sa sariling kalokohan. "Tatanda na siguro ako na hindi makakatagpo ng babaeng tapat sa 'kin," ang sabi 'pagdaka.

Nakadama siya ng kaunting awa para dito. Akala niya kasi, mga mahihirap lang na tulad niya ang may problema sa pag-ibig.

Parang ang laki-laki kasi ng problema nito. Sabagay, dahil kasi nagkaka-edad na rin ito kaya siguro desperado na rin na makahanap ng mapapangasawa.

"Alam mo, sa ginagawa natin, lalo kang hindi makakatagpo ng para sa 'yo. Kasi iisipin nila na tayo ay totoong mag-boyfriend," maya'y wika niya.

Hindi ito umimik. Tahimik lang itong nakaupo sa sofa at nilalaro ang keychain ng hawak na susi ng kotse.

"Pagkatapos ng palabas natin, pa'no ka na?"

Bumuntong-hininga ito.

"Huwag mo 'kong alalahanin. Matanda na 'ko... Ikaw, ano'ng mangyayari sa 'yo 'pagkatapos nito?" balik-tanong nito sa kanya.

Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko rin alam... P'wedeng bumalik ako sa dati kong trabaho, p'wede rin makapag-aral ako uli," aniya.

"Ano ba'ng kurso mo?"

"Dati? Hotel and Restaurant Management."

Tumango-tango ito. "Ano'ng trabaho ng magulang mo?"

"Mananahi ang nanay ko. Ang tatay ko naman ay taxi driver. May kapatid akong nag-aaral ng kolehiyo... kaya nga tinanggap ko ang alok mo, dahil sa kanya."

"Napakabait mo palang anak at kapatid."

"Gusto ko lang makatulong sa magulang ko... kahit na nga alam kong hindi tama ang ginagawa ko," mahina niyang wika.

Bahagya itong natawa. "Huwag mong isiping mali ang ginagawa mo dahil sa pag-alok ko sa 'yo na magpanggap. Nagkataon lang na pareho tayong nangangailangan... kailangan mo ng pera, kailangan ko rin ng tulad mo."

Bumuntong-hininga siya.

"Gusto mo bang dito na mag-dinner? Ipagluluto kita ng gusto mong ulam. Ano ba'ng gusto mo?"

"Marunong kang magluto?"

"Oo naman," may pagmamalaki niyang tugon.

"Sige. Kaya mo bang magluto ng afritada?"

"Chicken o pork?"

"Chicken."

"Sige. Pero kailangan natin mamili muna," aniya.

Sinipat nito ang relong pambisig. Mag-iika-pito na noon ng gabi.

"Alright. Maaga pa naman. Baka may bukas pang market sa labas," anitong nakangiti.

Magkasama silang naghanap ng pinakamalapit na market. Nakipagtawaran pa si Merimee sa mga tindera, bagay na ikinatutuwa ni Raegan.

"First time kong makasama sa pamimili. Ganyan pala ang ginagawa n'yo?" halos 'di makapaniwalang wika nito nang palabas na sila ng lugar na 'yon. Bitbit nito ang mga pinamili nila at inilagay sa compartment ng kotse.

"Oo naman. Kailangan marunong ka rin mag-budget at makipagtawaran sa mga paninda para magkasya ang dala mong pera," paliwanag niya. "Natuto ako sa nanay ko kapag isinasama niya 'ko sa palengke," dagdag pa niya.

"Nakakatuwa naman. Ako kasi sanay nang kakain na lang sa lamesa. Ni hindi ko alam kung pa'no niluto ang kinakain ko at kung pa'no ba 'yon napunta sa harapan ko," sabay tumawa ito. "Mas focus kasi ako sa business. 'Yon kasi ang bilin ng papa bago siya namatay."

"Sorry to hear that," aniya.

"It's okay. It's been three years since he passed away."

Namagitan muli ang katahimikan sa kanila hanggang nakabalik sila sa condo unit ni Merimee.

Ipinagluto nga niya ito ng ulam na gusto nito at nasiyahan naman ito sa inihain niya.

"Kapag ganitong laging masarap ang nakahain sa lamesa, mapaparami ang kain ko," nakangiting wika nito.

"I'll take that as a compliment," aniya.

"Honestly, masarap ang luto mo."

"Salamat."

Mag-iika-sampu na noon ng gabi nang magpaalam si Raegan na uuwi na.

Hindi siya agad dinalaw ng antok nang mapag-isa na siya. Marahil ay namamahay siya, at marahil ay hindi pa rin siya kasi makapaniwala sa kinalalagyan niya ngayon. Naiisip rin naman niya kung hanggang kailan ang ganitong set-up nila ni Raegan. Hindi rin magtatagal ay kailangan rin nila itigil ang kanilang pagpapanggap.

"Ma'am, may pa-dinner po ang mama ni sir Raegan sa makalawa. Kailangan mo pong maghanda sa pagharap sa kanyang ina," ang sabi ni Missy nang umagang 'yon. "Marami pong mga business associates na darating, and mind you, siguradong darating si Crystal Sandoval, kaya pinag-iingat ka ni sir."

"Sino si Crystal?" usisa niya.

"Siya po ang dalagang anak ng business partner ni sir. At malaki po ang interes nito kay sir. Kaya magiging competition ang tingin nito sa 'yo sa puso ni sir Raegan," pahayag nito.

Ngayon pa lang ay tila dinudunggol na ng kaba ang dibdib ni Merimee. Paano kung makaharap niya sa dinner ang Crystal na 'yon? Paano kung hindi siya magustuhan nito at laitin siya?

Ngunit sa isang banda, yama't rin lamang at pinag-iingat siya ni Raegan sa babaeng 'yon, gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang hindi magpatalo rito.

"Humanda ka Crystal Sandoval," may pilyang ngiting sumungaw sa kanyang labi.

LOVE FOOLWhere stories live. Discover now