"Bessang, kumusta ka na diyan? Mukhang nag-e-enjoy ka na sa pagkukunwari na 'yan ah," nanunudyong wika ni Joyce kay Merimee nang minsang tawagan siya nito. "Nami-miss ka na namin dito sa store," dagdag pa nito.
"Loka ka. Ginagawa ko lang ang dapat kong gawin para sa palabas namin. Nakakahiya naman kung 'di sulit ang pag-arte ko sa binabayad sa 'kin ni Raegan," pahayag naman niya.
"Pero ano na nga ba'ng score sa inyong dalawa?"
"Uy, tigilan mo nga ako bessang ha. Trabaho lang 'to at walang personalan ha," kaila niya dito kahit ang totoo ay kinikilig na siya at gustong-gusto na niyang ik'wento rito ang mga ganap sa kanila ni Raegan. Ngunit nangangamba siyang walang patutunguhan ang kakiligan niya dahil batid niyang hindi siya magugustuhan ng lalaking 'yon. Bayaran lang ang magiging turing niyon sa kanya 'pag nagkataon.
"Basta ha, balitaan mo 'ko kapag nadevelop na ang feelings n'yo sa isa't isa para wala nang palabas na maganap," umagik-ik pa ito nang tawa.
Gusto niyang mangarap na minsan ay sumagi sa isip ni Raegan na desirable rin naman siyang maging tunay na nobya nito. Ngunit iwinaksi rin niya ang isiping 'yon dahil batid niyang malabo rin mangyari ang pinapangarap niya. Ayaw niya man aminin sa sarili, dahil nahihirapan siya, ngunit hindi niya kayang itanggi na unti-unti na siyang nahuhulog kay Raegan.
Pilit niyang nilalabanan ang sutil niyang damdamin na kusang umusbong na lang. Ilang ulit niyang pinigilan ang sarili na huwag tuluyang mahulog ang loob sa lalaking 'yon dahil alam na alam niyang masasaktan lang siya kapag ipinagpatuloy niya ang kanyang kahibangan.
"Ma'am, birthday po ni sir bukas. Gusto po niyang maghanda ka para sa party na gaganapin sa isang five star hotel. Lahat po ng business tycoon at mga kilalang pangalan ay dadalo. Sir wants you to look your best," isang umaga ay wika sa kanya ni Missy.
Tumango-tango lang siya dito. Hindi niya ma-absorb ang sinabi nito dahil kulang siya sa tulog nang mga nagdaang gabi kaiisip sa kanyang kalagayan sa ilalim ng deal nila ni Raegan.
"Pinasasabi ni sir na suotin mo ang pinakamagandang dress sa espesyal na araw niya," dagdag pa ni Missy.
"Anong dress ba ang gusto niyang suotin ko?"
"Alam mo naman na siguro ang mga type ni sir," nakangiting sagot nito sa kanya.
Naihilamos niya ang kamay sa kanyang mukha out of frustration. Noon ay wala siyang kiyeme kung anoman ang masuot niyang damit para sa mga okasyong pupuntahan nila. Wala rin siyang pakialam kung magustuhan o hindi ni Raegan ang napili niyang kasuotan. Subalit ngayon, iba na. May mga bagay na siyang dapat isaalang-alang at ikonsindera lalo pa't kaarawan nito ang kanyang dadaluhan.
"Hindi ko alam kung ano'ng dapat kong suotin, Missy. I'm in dilemma kung alin sa mga dress ko ang magugustuhan niya," malungkot niyang saad.
"I can help you," nakangiting wika ni Missy.
"Ikaw na ang bahala," tugon niya at napapikit nang mariin. Sa totoo lang, ngayon niya nadarama ang matinding pressure sa loob ng halos apat na buwan nilang pagpapanggap ni Raegan. Ngayon mas bumibigat ang mga alalahanin niya dahil habang tumatagal ay lalo silang nagkakalapit sa isa't isa at natatakot siyang isang araw ay magising na lang siyang hulog na hulog dito at hindi man lang siya nito masalo.
"May problema po ba, ma'am Cheryl?" untag ni Missy na noo'y kasalukuyang naghahanap ng damit na isusuot niya para bukas. Iniisa-isa nito ang mga naka-hanger na dress niya sa loob ng malaki niyang aparador sa kanyang silid.
"Nainlove ka na ba, Missy?" bigla ay naitanong niya dito.
Ngumiti ito at parang teenager na biglang kinilig. "Siyempre naman ma'am. Ang mainlove ang pinakamasayang yugto sa buhay ng isang tao," anito.
"Pa'no mo nasabi?"
"Dahil kung hindi mo ito mararanasan, para ka lang isang taong ooperahan na tinurukan ng anaesthesia, nagiging manhid at walang pakiramdam. At dahil dito, hindi mo matitikman ang ligayang dulot ng pagmamahal, at 'di mo rin malalasap ang sakit ng kabiguan," matalinghagang pahayag nito.
"Kailan mo ba masasabing nagmamahal ka na?"
"Kapag naramdaman mo na ang tatlong K..."
Kumunot ang kanyang noo. "Paki-explain nga. 'Di ko gets eh," natatawa niyang wika.
"Kaba. Kilig. Kirot. Yan ang tatlong 'K' na sinasabi ko. Kakabahan ka kapag nandiyan na siya. Kikiligin ka kapag magkasama kayo. At kikirot ang puso mo kapag magkalayo kayo," paliwanag nito.
Napangiti siya. 'Di yata't tinamaan siya sa tatlong 'K' na 'yon dahil kay Raegan. Kung gayon, confirmed na ba talaga na nagmamahal na siya?
Biglang lumatay ang lungkot sa kanyang mga mata. Larawan iyon ng kabiguan at panghihinayang.
"Bakit po ma'am, may problema po ba?" tanong ni Missy 'pagdaka nang mapansin ang biglang pananahimik niya.
Umiling siya at pinilit na ngumiti. "Wala, wala... may bigla lang akong naalala kasi," kaila niya. "Ga'no katagal mo nang amo si Raegan?" usisa niya dito 'pagkuwan.
Sandaling tila nag-isip at nakangiting sumagot si Missy. "Matagal-tagal na rin po. May pitong taon na. Hindi sana niya ako kukuning secretary kung 'di rin ako ni-recommend sa kanya ng dati niyang secretary bago ito namatay."
"Sa loob ng pitong taon na 'yon, ga'no mo na kakilala si Raegan?" tanong niyang muli.
"Sa pagkakakilala ko kay sir, mabait siya at may malasakit sa mga tauhan at empleyado niya. Mapagmahal siyang anak sa magulang niya. Ang totoo, paborito siya ng mga business associates nila dahil sa positive vibes na laging dala ni sir sa negosyo. 'Yon nga lang, kung ga'no siya kapalad sa pananalapi, malas naman siya pagdating sa buhay pag-ibig. Akala namin noon, ikakasal na siya kay Melody. But it turned out na may relasyon pala ang babaeng 'yon sa isa niyang business partner at balak lang siyang perahan. Then dumating rin si Karina. Akala rin namin noon na magkakatuluyan na sila. Pero natuklasan rin ni sir na lihim pala itong nakikipagtagpo sa dating asawa at kinikikilan ng pera dahil hawak ang mga anak nila. Panghuli, si Janine... hindi nga mukhang pera, ngunit sobrang possessive naman kay sir at halos laging nakabantay na parang aso. Lahat pinagseselosan. Lahat ng makausap ni sir na babae, inaaway..." mahabang pahayag nito.
Napailing-iling siya. Ang dami na rin palang naging hindi magandang karanasan ni Raegan sa mga babae kaya 'di na nakapagtataka kung bakit ito nakaisip ng palabas na kasama siya.
"Eh... si Crystal, ano ang naging ganap niya sa buhay ni Raegan?" bigla ay naalala niyang itanong.
"Isang babaeng ma-pride si Crystal. Gusto siyang ipagkasundo ng magulang niya kay sir, ngunit tumanggi si sir dahil ayaw niya sa ugali nito. Masyado kasing matapobre at gusto pa yatang hawakan si sir sa leeg. Ang problema, ayaw niyang tigilan si sir hangga't hindi niya nakukuha. She don't take no for an answer daw, at lahat daw ng babaeng hahadlang sa kanya sa puso ni sir ay didispatsahin niya," seryosong paliwanag ni Missy na bahagya pang tinapik ang balikat niya. "Kaya mag-iingat ka sa kanya ma'am, kasi maldita talaga ang babaeng 'yon at hindi natin alam kung ano ang kaya niyang gawin."
"Salamat," at ngumiti siya dito. May naramdaman siyang takot sa kanyang nalaman tungkol kay Crystal. Paano kung matuklasan nito ang ginagawa nilang pagpapanggap ni Raegan? Paano kung ilaglag siya nito at tuluyan nang mabulgar ang palabas nila ng lalaki?
"Ma'am, I think babagay sa 'yo ang dress na 'to," naputol ang kanyang pag-iisip dahil sa masayang tinig ni Missy. Ipinakita nito sa kanya ang hawak na kasuotan na nakuha nito sa aparador.
Isa iyong long lace dress na kulay violet na may maliit na blazer at hahakab sa katawan ang tabas nito upang lumitaw ang kurba ng magsusuot. Lilitaw rin ang kanyang kaputian kapag isinuot niya 'yon.
Ngumiti siya habang hinahaplos ang damit. Naalala niyang si Raegan mismo ang pumili niyon nang nag-shopping sila minsan. Sinabi nito na suotin niya ang damit na 'yon sa espesyal na okasyon sa buhay niya. Ito na marahil ang tinutukoy nito.
"Salamat, Missy..." tangi niyang nasabi.
Tinawagan lamang siya ni Raegan nang araw na 'yon. Hindi ito nakipagkita sa kanya sa condo dahil abala umano ito sa preparation sa gaganapin nitong birthday party bukas.
Ngayon niya nararamdaman ang sinasabi ni Missy na kirot. Dahil nami-miss niya ang lalaki at hindi niya ito makikita at makakasama ngayon. Ilang oras pa rin ang hihintayin niyang lumipas para makita niya ito bukas ng gabi.
Ayaw niya ang banyagang damdamin na kanyang nararamdaman. Ngunit hindi rin niya alam kung pa'no 'yon pipigilan. Hangga't nagkakasama sila ni Raegan, hangga't patuloy ang kanilang palabas, patuloy lang rin siyang mahuhulog dito at patuloy rin siyang masasaktan.
Tonight's the night. Kaarawan na ni Raegan. And she made sure to look stunning and incredibly gorgeous. Nais niyang kahit sa hitsura niya ay maglaway ito at maakit. Baka sakaling maisip nito na karapat-dapat siyang mahalin at alayan ng pag-ibig.
Nang dumating siya sa venue ng party, si Crystal ang agad na nakita niya sa bulwagan. Kakaiba ang ngiting ipinakita nito sa kanya. Ngiting tila may maitim na balak.
"Hello, Merimee!"
Natigilan siya sa narinig. Nasa harapan niya ngayon si Crystal.
"Akala mo ba hindi ko malalaman kung sino ka talaga?"
Napalunok siya at tila nanunuyo ang kanyang lalamunan. Lumikot ang kanyang mga mata at pilit hinahanap si Raegan. Hindi niya napaghandaan ito. At hindi niya malaman ngayon kung ano ang gagawin.
"Magkano ang ibinayad sa 'yo ni Raegan, ha, bitch?
YOU ARE READING
LOVE FOOL
RomanceFake name. Fake age. Fake address. Merimee Dueñas faked it all alang-alang sa fake love na kailangan niyang panindigan para lang mapag-aral sa kolehiyo ang kanyang kapatid at ipamukha sa mga tsimosa nilang kapitbahay na nakabingwit siya ng mayamang...