Prologue

3.2K 181 57
                                    




Natigilan si Lowella nang mapatingin sa orasan. Pasado alas-dose na. Kaya pala kumakalam na ang kanyang sikmura. Dismayadong napatingin siya sa kusina. Hindi siya ang babaeng mahilig magluto ng kahit na ano. Kaya sa mga ganitong pagkakataon ipinagpapasalamat niya na may isang karinderya malapit sa inuupahan niyang apartment ang palaging bukas para sa kagaya niyang hindi biniyayaan ng angking talento sa pagluluto.


Matapos na kunin ang wallet at isara ang pintuan ng apartment ay nagtungo na siya sa karinderya ni Aling Kulasa. Sabado ngayon. Pero dahil ang ibang nakatira sa mga apartment na nakapaligid sa kanila ay nagtatrabaho, hindi masyadong matao ng mga oras niya na 'yon. Kaiba sa karamihan na nagtatrabaho roon ay may dalawa siyang araw na pahinga. Ipinagpapasalamat niya iyon dahil sa totoo lamang importante sa kanya ang makapag-pahinga.


"Lowella, ano kakain ka na ba?" bungad ni Aling Kulasa na noon ay kakalabas lamang galing sa kusina na kanugnog ng tindahan nito.


Ngumiti siya na naupo malapit sa pasimano ng tindahan nito. "Oho, Aling Kulasa. Ano bang ulam natin?" Napatingin siya sa nakahaing ulam nito na nasa loob ng isang selyadong cabinet ng ulam. Bigla siyang natakam nang makita ang sisig. Isa ito sa mga ulam na palagi niyang binibili sa tindahan.


"O, e, ayan. Mamili ka na. May sinigang na baka rito. Baka gusto mo?"


"Hindi na ho. Eto na lamang hong sisig."


Agad naman siyang pinaghain ni Aling Kulasa. Isa pang gusto niya sa pagkain sa karinderya ay ang pagiging matipid na rin at wala ka pang intindihin na paghahain o paglilinis ng pinggan. Hahainan ka pa ng tindera.


"Lou?"


Napahinto siya sa pagkuha ng kubyertos nang marinig ang pamilya na tinig. Napalingon siya sa pinagmulan ng boses. Iisa lamang ang tumatawag sa kanya nang ganoon. Biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso nang magtama ang mga mata nila ng lalaking hindi niya inaasahan na muling makita.


Si Ignacio.


Nasa mukha rin ng lalaki ang panggigilalas. Halatang hindi nito inasahan na siya ang makikita sa karinderya na iyon. Walang ipinagbago ang mukha ng lalaki sa loob ng apat na taon na hindi sila nagkita nito. Matangkad ito sa taas nitong limang talampakan at siyam na pulgada. Duwende siyang maituturing sa taas niyang limang talampakan lamang. Sa edad nilang malapit ng mawala sa kalendaryo, ay maituturing na bata pa rin silang tingnan. Matiim pa rin kung tumitig ang lalaki pero hindi kagaya noon, wala na ang kapormalan ng mga labi nito na dati ay iyon lamang yata ang ekspresyon na kaya nitong gawin. Ngayon ay may bahagya ng kapilyuhan ang unti-unting pagsilay ng ngiti nito sa labi.


"Ignacio." Iyon lamang ang kanyang nasambit.


"Kumusta ka na? Hindi ko akalain na rito tayo magkikita." Bakas ang kasiyahan sa mukha ni Ignacio. Wala ang anumang bakas ng galit o pagdaramdam nito kagaya kung paano siya nito sinumbatan, apat na taong nakalilipas.


Napalunok siya nang maalala ang lahat. Nang makipaghiwalay siya rito, iisa lamang ang gusto niya. Makakawala sa kinamulatang buhay sa probinsiya. Inaaya niya ito na sumama sa kanya sa Maynila pero sa malas ay kuntento na ito sa trabaho sa kanilang maliit na munisipyo bilang engineer. Sinasayang nito ang oportunidad pa na kumita nang malaki.


"Anong ginagawa mo rito, Ignacio?" Hindi niya alam kung maasiwa siya sa muli nilang pagkikita ng dating kasintahan dahil umaakto ito ngayon na parang wala na lamang ang nangyari sa kanila. Naupo na ang lalaki sa kabilang dulo ng pasimano at tumitingin ng ulam.


Pero bago pa siya nakasagot ay siyang labas ni Aling Kulasa na dala ang kanyang pagkain na ini-order. Umuusok pa ang kanin nito nang ilapag sa harapan niya. Agad na binati nito si Ignacio. Takang napatingin lamang ako sa kanya. Ilang araw na bang narito ang lalaki at mukhang kilala na siya agad ni Aling Kulasa.


Love Takes TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon