Chapter 13: Out of Town

281 16 2
                                    


Lowella's Point of View


"Lou, parang hindi pa rin ako makapaniwala na kasama ka namin ngayon," pabulong na sabi ni Delia habang nasa sasakyan kami. Dala namin ang van ni Aries.  Si Aries ang nagda-drive at katabi niya si Ignacio. Nagkukwentuhan ang dalawa tungkol sa basketball. Pareho silang fan ng NBA.


Gusto kong isagot na kahit ako ay hindi makapaniwala na nakasakay kami ngayon sa van ni Aries papuntang beach resort. Dalawang oras din ang biyahe kaya maaga pa ay nasa kalsada na kami. Kahit ang mga magulang ko ay hindi makapaniwala na sasama kami ni Ignacio dahil hindi naman kami nagpapaalam ng mga ganitong klaseng outing. 


"May nakain sigurong hindi maganda si Reed," biro ni Wilma na nakikinig din sa usapan namin. "Ayaw mo non, Lou? Baka bumabawi si Engineer," bulong niya pa.


Wala sa loob na napatingin ako kay Ignacio. Hinahanap ko sa mukha niya kung napipilitan lamang ito o pinagbibigyan lamang ako. Pero mukha naman masaya ang lalaki sa pagkukwentuhan nila ni Aries. Hindi ko alam kung nag-usap sila ni Aries dahil sa pagsama ko kay Aries noong nakaraan. Mas iniisip ko na magtatanim ng galit si Ignacio pero alam ko rin naman na hindi mahilig si Ignacio sa mga gulo o away-away. 


Kakausapin ko si Aries mamaya kapag may pagkakataon. 


Tila isang puzzle ang pagpayag ni Ignacio pero baka naman ako lamang ang nag-iisip ng dahilan kahit wala naman. Pinalis ko na iyon sa isipan. Kung gusto ko na mag-work ang relationship namin ni Ignacio ay dapat na hindi ko pag-isipan nang masama ang kung anumang pagbabago na ginagawa niya ngayon.


Baka talaga lamang tumatanda na kami. Nag-iiba na ang priorities. Wala na ng kilig-kilig. Wala na ang sweetness. 


Pero sa isip ko ay alam ko na niloloko ko lamang ang sarili.



DALAWANG kuwarto ang kinuha namin sa resort. Isang buong gabi kami roon at kinabukasana na rin babiyahe na pauwi. Nagkatuwaan na agad ang grupo nang makita kung gaano kaganda ang resort na si Myr ang pumili kasama ang boyfriend niya.  Wala pang masyadong tao sa resort at tinanggap na nila ang booking namin kahit na mas maaga pa kami sa itinakdang oras. Tinutukso nina Delia at Wilma si Aries dahil siguradong nakasimangot na naman si Aries. Hindi naman kasi inaasahan ni Aries na sasama pala ang boyfriend ni Myr. 


"Kumain na siguro muna tayo ng umagahan," sabi ni Aries na bumungad sa pintuan ng inuukupa naming kuwarto. Sa kabilang kuwarto ang mga lalaki. 


"Mabuti pa nga. Gutom na ako. Nagrereklamo na mga bulate ko sa tiyan," sabi ni Wilma na hinimas pa ang tiyan. Natawa kami. Chubby kasi si Wilma at may kalakasan talagang kumain.


"Akala ko ba magda-diet ka na? At hindi ka makahanap ng boyfriend?" pang-aasar ni Delia kay Wilma. 


Umirap si Wilma. "Next month na. May usapan pa tayo na mag-eat all you can sa Maynila."


Napamulagat si Aries. "Mag-eat all you can pa kayo sa Maynila pa talaga." Binalingan ako ni Aries pero bago nagsalita ay sinilip muna ang kabilang kuwarto. "Buti sumama si Engineer," pabulong na sabi.

Love Takes TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon