Chapter 14: A Chance to Let Go

607 21 11
                                    


Lowella's POV



ILANG BESES na nag-alanganin ako kung lalapit ako kay Ignacio na noon ay nakaupo sa buhanginan kung saan kami naroon kaninang umaga. Kalahati lamang ng kanyang mukha ang nakikita ko at hindi rin niya ako nakikita sa kung saan ako nakatayo at kanina pa siya pinagmamasdan. Nag-iisa na lamang siya roon dahil nagsipasukan na sina Delia. Halatang mga nakainom na.


Pinag-isipan ko ang sinabi ni Aries. Siguro mali nga ako na palagi na lamang mainit sa mga desisyon ni Ignacio. Pinayuhan ako ni Aries na mas mabuti na mag-usap kami nang hindi nagagalit sa isa't isa. Pareho kaming mainit ni Ignacio. Nakalimutan na naming maging masaya dahil sa mga pag-aaway namin na ito. Ilang beses akong nag-alangan pero nang itulak na ako ni Aries papunta kung nasaan si Ignacio ay wala na akong nagawa. Lulunukin ko uli ang pride ko. 


Baka nga ako naman ang mali.


Baka nga mali ang mga basa ko sa kilos ni Ignacio.


Baka ako lamang ang nag-iisip nang hindi maganda.


Nakailang hugot at buga ako ng hangin bago ako nagkalakas ng loob na lumapit sa kinauupuan niya pero bago pa ako makahakbang ay nakita kong may binunot siya sa kanyang bulsa. May tumatawag kay Ignacio.


Napatingin ako sa aking relo. Pasado alas onse na. Sino ang tatawag sa kanya nang ganitong oras? May kabang unti-unting bumabangon muli sa aking dibdib. Ibinalik ko na ang mga mata sa kanya. Nasa telepono na siya at masayang nakikipag-biruan. Napakurap ako.


Malayo sa naiinis na Ignacio sa akin kanina. 


O sa Ignacio na nakipagmatigasan sa akin ng ilang araw. Malayo sa Ignacio na walang emosyon na pumayag na lamang na sumama kami sa outing. 


Hindi si Ignacio ang taong sumasagot ng tawag sa ganitong dis-oras ng gabi. Hindi mula sa isang kaibigan o katrabaho. Madalas niya iyon inirereklamo sa akin kapag may mga tumatawag sa kanya nang ganoong oras para lamang sa isang pabor o makipagkumustahan. Ang katwiran niya ay pwede naman sa umaga ang kumustahan. 


Pero ang Ignacio na nakikita ko ngayon ay malayo sa isang Ignacio na maiinis kung may tumatawag sa kanya nang ganitong oras. Lalo na kung narito lamang naman ako.  Agad na nagkubli ako nang makitang tumayo na siya habang nakikipag-usap pa rin sa cell phone. Mukhang pabalik na siya sa loob. Nakangiti pa rin ito at halatang binibiro ang nasa kabilang linya. 


Dahil madilim sa kinatatayuan ko ay hindi niya ako nakita na nagkukubli lamang sa gilid ng kubo. Lumalakas ang tahip ng aking dibdib habang papalapit nang papalapit siya sa pinagkukublihan ko.


"Pat, sana nga sumama na lamang ako sa party ng kaibigan mo. Mukhang walang magda-drive sa 'yo pag nalasing ka." Sinabayan niya iyon ng tawa.


I wished I didn't hear those words. I wished he's not Ignacio. Baka doppelganger lang siya. Maligno. O kahit na anong nilalang na ginagaya si Ignacio. 


At sana hindi ganito kasakit ang nararamdaman ko. At sana hindi ako umiiyak nang ganito.


Love Takes TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon