Lowella
May pagkayamot na pinindot ko ang remote control ng TV. Nakakasawa na pulos drama ang palabas kapag ganitong Sabado. Kakatapos lamang naming mag-tanghalian at dahil wala naman kaming lakad ni Ignacio ay ngayon lamang ako nagtigil sa sala.
Ilang beses akong tumingin sa aking cell phone at nagbabasakali na mag-text man lamang si Ignacio. Pero kagaya kagabi ay hindi man lamang ako nakatanggap ng kahit na anong text mula sa kanya. Lalo akong nairita at inilipat uli ang channel.
Nararamdaman ko na ang pagkabalisa. Hindi ako sanay na nakikipagmatigasan si Ignacio sa pamamagitan ng pananahimik. Si Ignacio ang tipo ng lalaki na ang panunuyo ay ipapakita niya sa pagsasabi kung bakit mali ang ginawa ko at kung bakit hindi ako dapat magalit sa ginawa niya.
Sa bandang huli ako lamang ang lalabas na may tantrums o makitid ang utak sa maliit na bagay na pinag-aawayan namin. Maliit na bagay para sa kanya pero sa akin ay hindi. Marahil napapagod na rin ako na palagi na lamang siya ang lumalabas na tama. Nagso-sorry siya kapag nanunuyo pagkatapos ng aming away pero siya pa rin ang lalabas na tama at ako pa rin ang mali.
"Ate, ako muna manonood. Hindi ka naman nanonood, eh. Palipat-lipat ka lamang ng channel," ani Lyka na tumabi sa akin at inagaw ang hawak kong remote control.
Napatanga ako sa kanya. "Lyka!"
Ngumisi lamang ito na saglit akong tiningnan bago inilipat ang channel. Inilagay niya iyon sa isang korean channel.
"Ate, oras ko ito na manood sa bahay. Kapag ganitong oras ay busy ka na sa pag-iisip kung ano ang isusuot mo mamaya kapag dadalaw si kuya Reed at mag-aayang lumabas para kumain." Sinilip niya ako uli habang hindi nawawala ang pang-aasar sa mukha. "Mukhang matindi away ninyo ni kuya Reed. Aba'y hapon na ay hindi ka pa rin ngumingiti," tatawa-tawang sabi.
"Lyka!" Pinandilatan ko siya na umisod palayo rito. "Bago ka manood, tulungan mo muna si nanay na magligpit doon."
"Tapos na po, senyorita," pang-aasar pa niya. Maya-maya pa ay kinikilig na ito habang pinapanood ang isang grupo ng koreano.
Napaismid lamang ako na hindi na ito inintindi at sinilip muli ang cell phone ko. Wala pa rin text o miss call man lamang si Ignacio. Nangangati na ang kamay ko na mag-text sa kanya. Ano bang nangyari sa kanya at mukhang makikipagtikisan sa akin nang ganito?
Pero magtitipa pa lamang ako ng letra ay biglang nagbago ang isip ko. Kapag nai-text ko siya na ako ang mauuna ay iisipin na naman niya na nagmatigas ako kagabi na hindi sumunod sa kanya tapos ay ako rin pala ang hindi makakatiis. Para na rin sinabi ko na ako na naman ang mali.
Siya na naman ang tama.
Isusumbat na naman ang kawalang kuwenta ng pagkakagalit namin dahil lamang sa simpleng nahuli siya sa pagbaba. O, sa paulit-ulit na pagpipilit ko na kumuha kami ng sasakyan.
Tapos ay idadagdag pa niya ang pagsama ko kay Aries at hindi pagpapaalam sa kanya.
BINABASA MO ANG
Love Takes Time
RomanceWhen Lowella left her town, she was brokenhearted. A broken relationship and the hunger to make her dreams come true made her leave the town where she had the first taste of love. She convinced herself that their love wasn't meant to be. Ignacio, e...