Chapter Three: Drifting Away

366 38 4
                                    




LOWELLA


Hanggang sa makauwi ako sa bahay ay dala ko ang pagdaramdam kay Ignacio. Hindi na inungkat pa ni Ignacio ang kung anumang pinagtalunan namin at parang balewala na lamang iyon sa kanya. Hindi na rin ito tumuloy at sinabi na kailangan na rin niyang umuwi. Halatang bad mood na rin si Ignacio. Sa tuwing ihahatid kasi ako nito ay hindi maaring hindi dumaan at bumati sa aking mga magulang. 


Ito ang isa sa kinaayawan ko sa kasintahan. Ni minsan ay hindi marunong magtago ng nararamdaman si Ignacio at amuin man lamang ako imbes na makipagsabayan ng init ng aking ulo.


"Nakasimangot ka naman, ate. Nag-away na naman kayo ni kuya Reed," pang-aasar ni Lyka. Fifteen pa lamang si Lyka pero malaking bulas na. Mapagkakamalan na itong disi-otso. Higit lamang na mapag-ayos sa sarili si Lyka kumpara sa akin. Mahilig maglagay ng kung ano-anong make-up kaya naman madalas pagalitan ni nanay. Nasa salas ito at kagaya ng palaging ginagawa ay cell phone lamang ang kaharap at panay ang chat sa mga kaibigan.


Inirapan ko lamang siya na nag-diretso sa kusina upang magmano sa mga magulang na naroon at masinsinang nag-uusap.


"O, ginabi ka yata. Si Reed?" takang tanong ni nanay na sumilip pa sa aking likod. 


Pilit na ngumiti ako sa tanong ni nanay. "Pagod na ho, 'nay at hindi na nag-abalang pumasok. Nagpasabi na lamang. Kumain pa ho kasi kami sa labas." 


"Dumaan rito ang ninong Danny mo at nagbigay ng imbitasyon. Ikakasal na ang kinakapatid mo sa susunod na buwan. Aba'y naunahan na naman kayo ni Reed," ang sabi ni  tatay na noon ay nagkakape. 


Napatingin ako sa paghigop nito sa kape. Napakunot ang noo ko. "Ayan na naman kayo, tay. Pulos kayo kape. Hindi ba at binawalan na kayo ng inyong doktor na tigilan na ang pagkakape at makakasama pa iyan sa inyo." 


Napahinto ang paghigop ni tatay ng kape at guilty na napatingin kay nanay na noon ay napaismid lamang. 


"Napakatigas ng ulo ng iyong tatay." Iyon lamang ang sabi.


Ikinumpas lamang ni tatay ang kamay at mabilis na humigop ng kape. "Parang kaunti lamang naman. Iniiba mo ang usapan." Pinandilatan pa ako nito. "Kayo ba ni Reed ay wala pang balak na lumagay sa magulo?" 


Nang pareho namin siyang tingnan ng nanay nang masama ay natawa ang tatay na itinaas ang dalawang kamay. "Hindi na kayo mabiro. O, kailan ba ang sakalan? Kasalan pala," pagtatama ng niya nang makita na pinandilatan na siya ni nanay. 


"Wala pa ho sa isip namin iyan ni Ignacio," sabi ko na lamang na nagpaalam na pupunta na sa kuwarto.  Tinawag ako ni tatay pero pinigilan na siya ni nanay at sinabing hayaang makapagpalit muna ako ng damit.  Nagmamadali na akong umakyat sa aking kuwarto na parang habol ng multo. Hindi na naman matatapos ang usapan sa pagtatanong kung kailan ba namin balak magpakasal ni Ignacio. Parang gusto kong matawa nang mapakla sa isipin na ni minsan ay hindi nagbanggit si Ignacio ng kasal. Alam ko na marami pa ring iniintindi ito kagaya na lamang ng pagpapaaral sa kanyang mga pamangkin na naulila na sa magulang. Si Ignacio na ang nagsilbing magulang ni Jorge at Mika nang mamatay sa sakit ang nag-iisang kapatid ni Ignacio. Single mother ang kapatid ni Ignacio na dinapuan pa ng karamdaman at sa murang edad lamang nito na bente otso ay pumanaw na sa sakit na kanser. 

Love Takes TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon