8. Dream

1.7K 73 6
                                    

"KANINA ka pa ngiti nang ngiti, Crissa," pantay ang tono na pansin ni Zefro. Nilingon siya nito bago binugbog uli ang kaaway na punching bag. Nagpapapawis si Zefro sa likod ng kubo habang si Crissa ay nasa duyan at nagpapantasya ng magandang eksena sa pagitan nilang dalawa. Kahit hindi niya nakikita ang sarili ay siguradong para siyang tanga na ngiti nang ngiti, lunod sa magandang pantasya.

Hindi niya pinansin si Zefro. Hindi na rin napansin ni Crissa na nawala na ito sa harap ng punching bag. Tuloy-tuloy ang pagpapantasya niya ng kissing scene nila. Sa eksenang iyon ay hindi ito tulog—gising na gising at mainit na halik ang itinugon sa stolen kisses niya!

Naudlot ang sana ay pagtili ni Crissa sa kilig nang may kung anong tumama sa noo niya. Malakas siyang napaaray. Naputol ang passionate na halikan nila ni Zefro sa pantasya niya!

"Nababaliw ka na," sabi ni Zefro. Wala na ito sa harap ng punching bag, nasa itaas na ng katabi niyang puno, nakaupo sa sanga at umiiling-iling, nakatuon sa kanya ang mga mata. Bayabas pala ang ibinato nito sa kanya—na sinundan pa nito ng dalawa pa.

"Maestro!" tili ni Crissa.

Hindi siya nito pinansin. Mula sa kinuupuan na sanga ay parang walang anuman na tumalon ito pababa, napapailing na iniwan siyang mag-isa sa duyan. Napapangiting itinuloy niya ang pagpapantasya. Pagkalipas ng ilang minuto ay nahagip ng kanyang mga mata na dumaan sa tabi niya si Zefro, bitbit ang dartboard at isang set ng patalim. Nilampasan siya. Isinabit nito sa katawan ng puno ang dartboard at saka siya binalikan.

"Mag-ensayo ka," sabi ni Zefro at inilapag sa tabi niya sa duyan ang mga patalim. "Aalis ako. Gusto kong pagbalik ko, nag-eensayo ka, maliwanag?"

Sa halip na sagutin si Zefro ay ngiting-ngiting tumingala si Crissa. "Bakit mas guwapo ka ngayong umaga, Maestro?"

Naggalawan ang mga ugat nito sa mukha. Kung hindi lang niya ito nakasama nang matagal ay naisip na niyang sasaktan siya ng lalaki base sa pagsasalubong ng mga kilay nito. Inaasahan niyang mapipikon na naman pero iba ang nangyari—isang bagay na unang ginawa nito. Nag-iwas ng tingin at iniwan siya nang tahimik.

Bago iyon para sa kanya.

"Maestro!" tumatawang tawag ni Crissa. "Ingat ka!"

Hindi siya pinansin nito.

Nang mga sumunod na sandali ay abala na si Crissa sa dartboard. Hindi na siya nagulat na mintis ang bawat hagis niya sa patalim. Ang guwapong mukha kasi ng suplado niyang Maestro ang nakikita sa isip at ang nakaw na halik niya kanina.

Nang magsawa sa kababato ng patalim na panay naman mintis ay naupo na lang si Crissa sa lilim ng mayabong na puno. Sumandal siya sa matatag na katawan niyon at ipinikit ang mga mata. Siguro, ang masarap na hangin at katahimikan ng paligid ang dahilan kaya hindi niya namalayang nakatulog siya. 

MATATAYOG na puno ang nilalampasan ni Crissa habang papabilis ang takbo niya. Napasok siya sa kagubatang iyon at tatlong mababangis na baboy-ramó ang naghihintay sa kanya at balak siyang gawing hapunan. Hindi na inalam ni Crissa kung saan siya dadalhin ng mga paa. Tumakbo lang siya nang tumakbo. Hindi man niya mahanap ang daan palabas ng kagubatan ay titiyakin niya na hindi siya malalapa ng mababangis na baboy-ramó. Para saan pa at naging runner at number one athlete siya ng Albay kung hindi rin niya magagamit ang hindi pangkaraniwang lakas at bilis para protektahan ang sarili?

Bigla siyang lumiko at nagkubli sa isang malaking puno. Kinapa niya ang kutsilyo sa boots at inihanda. Kailangan niyang lumaban. Mayamaya pa ay narinig na niya ang pamilyar na tunog—palapit na ang mga hayop...

Umigkas ang kamay ni Crissa at nagbiyahe sa ere ang patalim na deretsong bumaon sa gitna ng tiyan ng hayop. Natumba ang hayop at nagpagulong-gulong habang lumampas naman ang dalawa pa. Ngingiti na sana siya pero nakarinig siya ng kakaibang tunog. Nanayo ang mga balahibo niya sa batok, katibayan na may panganib sa paligid. Paglingon niya ay dalawa sa apat na baboy-ramó ang nakamata sa kanya at naghahandang sugurin siya. Gamit ang pinakamabilis niyang galaw ay tumakbo si Crissa nang walang direksiyon. Palapit nang palapit sa kanya ang mga hayop. Mas binilisan pa niya ang pagtakbo. At dahil hindi siya pamilyar sa lugar ay hindi niya namalayang napunta pala siya sa direksiyon ng malalim na bangin. Natagpuan niya ang sariling nasa gilid ng bangin at ang pagpipilian lang ay mamatay sa mga ngipin ng dalawang pangit na baboy-ramó o tumalon sa bangin at magpalamon sa dagat. Number one swimmer din siya kaya alam niyang kakayanin niya ang kahit ilang oras na paglangoy. Hindi lamang niya tiyak kung mabubuhay siya pagbagsak sa dagat...

Sumugod ang baboy-ramó sa gitna ng pag-iisip ni Crissa. Hindi na niya naisip na nasa gilid siya ng bangin kaya pag-urong ay dere-deretso siyang nahulog. Pumikit siya kasabay ng malakas na pagsigaw. Pagdilat niya ay nasa ilalim na siya ng dagat—at hindi nag-iisa. Kasama na niya roon ang isang babaeng kasing-asul ng tubig ang nagliliwanag na anyo. Iniaabot nito sa kanya ang isang... sapphire?

Hindi alam ni Crissa kung anong mayroon ang babae at tila nahipnotismo siya. Inabot niya ang bato sa palad ng babae subalit nang mahawakan ay nanlaki ang mga mata niya nang unti-unti iyong nilalamon ng kanyang kamay at nararamdaman niya ang init na bumabaon sa kanyang kamay. Hindi niya magawang sumigaw dahil malulunod siya. Ilang segundo pa ay nawala na ang bato sa kamay niya pero ang liwanag niyon ay gumagapang paitaas sa braso niya na para bang sumasama sa daloy ng dugo niya. At ang daloy na iyon ay patungo sa puso niya...

Pinagpapawisan si Crissa nang magising. Wala sa loob na nahaplos niya ang kanyang dibdib kung saan naroon ang balat niya na mapusyaw na asul ang kulay. May kaugnayan ba sa panaginip niya ang kakaibang balat niya? Bakit tila yata dumarami ang mga pangyayaring hindi niya maintindihan mula nang tumuntong siya ng eighteen?

Napabuntong-hininga si Crissa. Laging bagsak na sa pagod ang ama niya tuwing uuwi kaya hindi siya magkaroon ng sapat na oras para ipagtapat ang mga inaalala. Si Zefro ang ikalawang taong pinagkakatiwalaan niya kaya dito na lamang niya sinasabi ang mga bumabagabag sa kanya na hindi pa niya nasasabi sa ama.

Napapitlag si Crissa sa boses ni Zefro. Ang boses ng lalaki ang tuluyang nagbalik sa kanya sa realidad—kung sino siya, kung nasaan siya at bakit kasama niya ito, at kung ano ang ginagawa niya sa bahaging iyon ng gubat.

Nang mga sumunod na sandali ay inilalahad na niya sa lalaki ang tungkol sa bagong panaginip...


The Maestro (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon