38. Koneksiyon

1.2K 62 4
                                    

NASA parehong lugar si Zefro kung saan niya piniling lumayo kay Crissa—sa tabi ng lawa. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang sandaling iyon na umalis siya at iniwan ang dalaga nang sandaling yayakapin na siya. Sa mga araw na lumipas na hindi na ito nagtangkang lumapit sa kanya ay sa lugar na iyon niya laging natatagpuan ang sarili, tuwing wala na roon si Crissa. Mahabang sandali ang ginugugol niya para titigan ang tubig at pakiramdaman ang katahimikan.

Piniling panindigan ni Zefro ang paglayo kay Crissa kaysa sundin ang dikta ng puso. Hindi niya nais maging sagabal sa tadhana nito, sa mahalagang papel na nakatakdang gampanan sa buhay ng mga Fedeo. Higit kanino man, siya ang saksi sa naging buhay ni Xapiro. Marangal at mabuti ang kaibigan ngunit mas piniling kitlin ang sariling buhay para sa kapakanan ng triplets nito. At ngayong nagtagpo na ang tatlo at palapit na sa Itinakdang tadhana ay hindi niya hahayaan ang sariling maging hadlang para magkaroon ng katuparan ang kapalarang noon pa man ay hinangad na ni Xapiro.

Kailangang lumayo ni Zefro hindi para pahirapan ang damdamin ni Crissa. Kailangan niyang gawin iyon para sagipin si Crissa mula sa sarili niya mismo. Napatunayan niya sa sarili sa unang beses na paglalayo nila na pinag-aalab ng distansiya ang emosyon sa kanyang dibdib. Noong nasa San Fransisco sila ay nagawa pa niyang paglabanan iyon subalit ngayong pinahihirapan na rin siya ng kanyang puso ay hindi na niya kayang maging matatag pa. Katapat ng paghina niya tuwing naglalapit sila ay ang pagsidhi ng damdamin niya sa dalaga.

Patunay ang namagitan sa kanila sa silid ni Crissa na hindi na kayang kontrolin pa ni Zefro ang sarili tuwing nagtatama ang mga mata nila. Paulit-ulit niyang gustong parusahan ang sarili na hindi niya napigilang magbagong-anyo sa gitna ng mainit na sandaling iyon na namagitan sa kanila. Napagtanto niyang sa kanyang paghina na dala ng puso ay lumalakas at nagbabanta namang lumaya ang masidhing damdamin niya, na alam niyang kapag pinakawalan ay hahantong sa isang bagay na hinding-hindi papayagan ni Xapiro kung kasama na niya ito.

Piniling lumayo ni Zefro pero hindi siya tumigil sa pagsubaybay kay Crissa. Nakamasid siya sa mga araw na nasa gubat ito kasama ang mga kapatid, ganoon din tuwing mag-isang nagsasanay sa gabi. Nasaksihan din niya maging ang paulit-ulit na pagsubok nito sa kakayahan habang nasa gitna ng lawa. May koneksiyon sila kaya alam niyang nararamdaman siya nito sa paligid pero hindi na siya hinahanap pa tulad noon. Hindi niya alam ang nasa isip nito sa kasalukuyan pero isang bagay ang natitiyak niya: Masama ang loob nito sa kanya. Katunayan niyon ang pag-uwi nito sa San Francisco nang hindi nagpapasabi sa kanya.

Labag man sa loob ni Zefro ay pinili niyang hindi sumunod. Maraming magagandang alaalang mabubuhay sa lugar na matagal na panahon nilang naging tahanan. Lalong hindi niya malalabanan ang damdamin kung mabubuhay ang mga alaala.

Hindi matahimik si Zefro na wala si Crissa sa kanyang paningin kaya kinausap niya si Devon. Tiniyak ng lalaki ang kaligtasan ni Crissa. Ikalawang gabi na iyon na wala si Crissa sa Red Paradise. Ikalawang gabi na ring sinasakop siya ng kalungkutang ilang siglo nang nagpapahirap sa kanya, at napawi lang mula nang dumating si Crissa sa kanyang buhay.

Huminga siya nang malalim, hinagod ang dibdib para payapain ang pintig na nagpapahina sa kanya. Tumingala siya sa kalawakan. Sa isang maliwanag na bituin huminto ang mga mata niya.

Maestro...

Awtomatiko ang pagpikit ni Zefro. Tumugon ang puso niya sa narinig na pagtawag sa isip. Dumiin ang sapo niya sa kanyang dibdib nang maramdamang naninikip na naman ang kanyang paghinga.



The Maestro (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon