34. Pagkawala At Pagtanggap

1.2K 51 0
                                    

NA-APPRECIATE nang husto ni Crissa ang buong araw na walang nang-istorbo sa kanya sa silid. Pati ang mga kapatid niya ay hindi siya kinatok. Nahulaan na niyang buong araw din na nakatulog ang mga ito. Mula almusal hanggang dinner ay may naghatid sa kanya ng pagkain sa silid. Mas pinili niyang magkulong na lang doon hanggang bumalik na ang dating lakas niya. Naubos na nga ang pisikal niyang lakas nang mga nakaraang araw ay hinigop pa ng namagitan sa kanila ni Zefro kaninang umaga ang lakas ng puso niya. Iniisip pa niya kung paano haharapin ito paglabas niya kaya nagkulong na lang muna siya sa silid.

Latag na ang dilim nang lumabas si Crissa. Deretso siyang sumakay sa elevator na naghatid sa kanya sa basement parking. Mula roon ay naglakad siya patungo sa daan na dinaanan nilang tatlo nina Christina at Crystal patungo sa virgin forest ng resort. Hindi siya lalayo, doon lang siya sa isa sa mga cottage na nakakalat sa paligid ng mga spring pools.

Tumakbo siya para mas madaling makarating sa paroroonan. Gusto niyang makita ang tanawing may tubig; nagpapagaan iyon sa pakiramdam niya. Bigla ang paghinto niya nang matanaw ang lugar na sadya niya.
Hindi pala siya mag-iisa...
Ilang metro mula sa kinatatayuan niya ay naroon si Zefro, nakatuon sa tubig ang titig. Hindi niya ipagkakamali sa iba ang kapayapaang nakikita niya sa lalaki sa mga ganoong pagkakataon na tahimik nitong pinagmamasdan ang isang bagay o tanawin.

Walang tunog ang mga hakbang ni Crissa nang lumapit sa lalaki. Isang hakbang na lang ang pagitan nila nang tumigil siya para hagurin ang kanyang dibdib. Mabilis at malakas na naman ang pintig ng puso niya... Huminga siya nang malalim bago humakbang para tawirin ang espasyo sa pagitan nila. Ang balak niya ay yakapin si Zefro mula sa likuran—na hindi niya nagawa dahil iglap ay nawala ito sa harap niya!

"Maestro?" Iginala ni Crissa ang tingin, umaasang makita ang lalaki sa isang bahagi ng gubat ngunit katahimikan na ang tumugon sa kanya hanggang sa lumalim na ang gabi.

Hindi siya makapaniwala na iiwan siya ni Zefro nang ganoon na lang—unang beses na ginawa nito iyon.
Nakuha niya agad ang mensahe: Hindi siya nito gustong makasama nang sandaling iyon. Mas pinili niyang manatili sa gubat. Kung babalik siya sa Red Hotel at magkukulong lang sa silid ay mas mararamdaman niya ang bigat ng dibdib. Gusto niyang ilabas sa ibang bagay ang masamang pakiramdam niya. Gusto niyang mapagod, gusto niyang magpawis, baka sakaling gumaan ang pakiramdam niya kapag pinawisan siya.

Sinipat niya ang kanyang palad. Kakayanin naman siguro niya ang sakit kung gagamitin na agad niya ang mga kamay niyang may mga galos pa.

Tumingala siya at pinuno ng hangin ang mga baga. Hindi niya gagawin ang sinasabi ng isang bahagi niya—na hanapin si Zefro sa paligid. Nagawa na niya iyon nang maraming beses, ang ipilit ang sarili niya kahit paulit-ulit siyang iniiwasan ni Zefro. Tama na ang maraming beses na iyon. Maibabaling na niya ngayon sa ibang bagay ang isip niya—sa pagpapalakas sa sarili. Hindi na rin niya mararamdaman ang pag-iisa tulad noon dahil may mga nakakaintindi na sa kanya ngayon, ang mga tunay niyang kadugo, sina Christina at Crystal. Maibibigay niya na ngayon kay Zefro ang nais nitong distansiya. Mahirap, alam niya pero kailangan na siguro niyang tanggapin sa sarili na hindi sa lahat ng pagkakataon ay gusto nitong makasama siya.

Naisip niyang ikondisyon muna ang sarili. Nag-jogging siya palibot sa lawa ng mga unang minuto. Mayamaya pa ay tumatakbo na siya. Nang maramdaman niyang nagsimula nang tumulo ang pawis niya ay iniwan na niya ang lawa para tumakbo nang mas malayo. Pabilis nang pabilis ang takbo niya, walang partikular na direksiyon, sinusuong niya ang mga daang nakita.

At hindi siya nagsising ginawa iyon nang makita niya sa magkaibang lugar sa gubat ang mga kapatid niya—si Christina ay hinihingal habang binubugbog ang punching bag na nakasabit sa isang puno habang si Crystal ay abalang nakikipaglaban sa tila invisible na kaaway gamit ang dalawang matalas na patalim.

Hindi pala siya mag-isang nagpapapawis nang mga sandaling iyon. Sa tingin niya ay pinili ng dalawa niyang kapatid ang ganoong oras para malaya sa paningin ng mga Feeders na kasama nila. Hindi gusto ng mga kapatid niyang dumepende sa mga bampira.

Tumakbo si Crissa pabalik sa bahaging maraming old trees. Nang naroon na ay naghanap siya ng magandang puwesto. Napangiti siya nang makita ang sanga na eksaktong hinahanap niya. Inakyat niya ang puno. Hindi siya nahirapang lapitan ang sanga. Tinalon niya iyon at naglambitin nang ilang segundo. Pinakiramdaman niya kung kakayanin niyang mas dagdagan pa ang mga sugat niya sa palad.

Bakit nga ba niya hinahangad pa ang normal na buhay gayong hindi iyon ang totoong mundo niya? Ang gaga niya para iyakan ang mga galos sa palad niya dahil lang hindi siya makapaglagay ng lotion. Hindi na siya bata at lalong hindi siya mahina. Ito na ang mundo niya ngayon. Gaano man kahirap ay kailangan niyang sumabay sa pamumuhay ng mga nakapaligid sa kanya. Mahalaga ang lakas sa mga Feeders kaya kailangan din niyang mapalakas ang sarili para bumagay sa mundo ng mga ito, tulad ng ginagawa ng kanyang mga kapatid.

At doon, sa bahaging iyon ng virgin forest niya sisimulan ang lahat.

Nang mga sumunod na sandali ay paulit-ulit nang inaangat-baba ni Crissa ang sarili gamit ang lakas ng mga kamay at braso. Hindi siya tumigil kahit basang-basa na siya ng pawis, kahit hindi na pantay ang paghinga niya, kahit namamanhid na ang mga braso niya, kahit nararamdaman na niya ang dugong umaagos patungo sa pupulsuhan niya mula sa sugatan niyang mga palad...

The Maestro (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon