43. Ang Sakripisyo

1.5K 67 6
                                    

HINDI tumitinag si Crissa sa kinatatayuan. Nasa isang bahagi sila ng gubat nang sandaling iyon na magdadapit-hapon na. Nakatayo siya sa gitna ng limang estranghero na bisita nina Devon sa Feeders' Mansion. Isa sa limang iyon ay ang Livin na hindi niya gustong makita—si Irisha, na kapansin-pansin ang espesyal na pagtingin kay Zefro. Hindi niya gusto pero tumataas ang negatibong enerhiyang sumasakop sa dibdib niya. Wala rin siya sa focus kaya nahuhulaan na niyang wala siyang magagawang tama sa araw na iyon.

Lihim niyang sinipat uli ang limang nakapaligid sa kanya—si Irisha ay animo anghel na bumaba sa lupa, tinatangay ng hangin ang mahaba at alon-along buhok. Buhay na buhay ang abuhing mga mata, mas mapusyaw iyon kompara sa mga mata ni Devon. Puting manipis na bestida na hanggang sakong ang suot. Sa dibdib nito ay ang pendant ng gintong kuwintas. Isang malaking araw iyon na may mga rayos. Sa gitna ng araw ay magkakatabi ang maliliit na diamond, ruby, sapphire at topaz.

Kanina lang ay ipinakilala sa kanilang magkakapatid ang mga kasama nila sa gubat na iyon, kasama ang apat na kasama ni Irisha ngayon na walang ipinagkaiba sa babae ang mga dating ng presensiya—tahimik at tila nagmumula sa loob ang isang uri ng kapayaan.

Sa una ay nagduda si Crissa na si Irisha ang Livin na nakita niya noon na mukhang treasure huntress pero sa huli ay naisip niyang katulad ito ni Zefro, mabilis na nag-a-adapt sa paligid.

Sa kanan ni Irisha ay si Jadd, kalahi ng babae na pinuno ng isang grupo ng mga vampire hunters. Manipis ang buhok ni Jadd, makakapal ang kilay at malalim kung tumingin. May pilat ito ng hiwa sa kaliwang pisngi—isang krus iyon. Itim ang lahat ng suot nito mula sa jacket hanggang sa boots. Hindi naiiba ang tindig nito sa mga Feeders na kasama nila. Tulad ni Irisha, may kakaibang kapayaan din siyang nakikita rito.

Katabi ni Jadd ay si Redah, isang babaeng pulang kulay lang yata ang kilala. Kung nasa costume party si Redah ay mapagkakamalang si Elektra sa pulang sexy outfit nito. Ang mahabang overcoat nito ang nagtakip sa seksing kasuotan na Elektra-inspired. Pulang-pula ang mga labi nito, kakulay ng pula at tuwid na tuwid na buhok. Puno rin ng burluloy na kulay pula ang kanang bisig.

Katabi ni Redah si Xien, ang nag-iisa sa grupong iyon na inosenteng-inosente ang dating. Napakaamo ng mukha ni Xien, nangungusap ang mga matang bahagyang singkit, at ang ngiti ay pinakamaganda sa mga ngiting nakita na niya—genuine and sincere. Ito rin lang ang hindi "kakaiba" ang damit sa grupo. Naka-puting sleeveless ito katerno ang maikling shorts na puti rin. Sa mga paa nito ay rubber shoes na puti pa rin.

Katabi naman ni Xien ay si Ruri, ang babaeng version ni Jadd—fashionably cut ang maikling buhok na itim na itim at may bangs na nagtatakip sa isang mata. Itim na fitted sleeveless ang suot nito katerno ang itim ding leather pants at boots.

Iisa ang common sa mga ito—ang gintong kuwintas na isang may sinag na araw ang pendant. Nabanggit ni Devon na lahat ng mga ito ay miyembro ng Liwanag, isang sekretong samahan na nag-iimbestiga sa lahat ng klase ng supernatural being, partikular ang mga bampira. Si Irisha ang nagtagtag at namumuno sa grupo. Lahat ng mga kasama ni Irisha ay espesyal at may mga kakaibang kakayahan. Hindi na binanggit ni Devon kung ano ang kakayahang iyon. Nahuhulaan na ni Crissa na si Irisha ang pinakamakapangyarihan sa grupo.

Ang limang ito na nakapaligid sa kanya ang susubok sa tatag ng puso at lakas ng isip niya—iyon daw ang activity nilang magkakapatid nang hapong iyon, ayon kay Devon.

Sa hindi kalayuan sa kanila ay ang dalawang kapatid ni Crissa na napapagitnaan din ng mga nagtatangkarang lalaki na kanina lang niya nalamang lahat ay Feeders. Bagong dating sa Mansion ang karamihan sa mga lalaki. Mga bagong mukha. Si Azir lang ang kilala niya.

Si Crystal ay napapaligiran ng limang Feeders. Animo nakauniporme ang mga iyon, lahat ay nakaitim na hooded cloak at nakaputong sa ulo ang hood. Hindi alam ni Crissa kung nagtatago ng mukha ang mga Feeders o nagsuot lang ng ganoon para magmukhang miyembro ng isang mapanganib na kulto. Isa sa limang iyon si Yshael.

The Maestro (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon