27. Katotohanan

1.5K 68 6
                                    

"SA LOOB tayo mag-usap. Ang lamig dito, Crissa."

"Mas gusto ko dito, Maestro. Kailangan ko ng hangin para makahinga nang normal," sagot niya at sumagap nga ng hangin.

Nasa balkonahe sila ng kubo nang madaling-araw na iyon. Hindi pa ganap na tumitila ang ulan kaya ang humahaplos na hangin sa balat ni Crissa ay doble ang lamig. Pero hindi niya iyon alintana. Mas gusto niyang maramdaman ang dapyo ng hangin para gumaan ang pakiramdam niya. Nababawasan niyon ang magulong isip at pakiramdam.

Nakatayo siya sa isang sulok ng balkonahe habang si Zefro naman ay nakasandal sa matibay na haligi ng kubo sa kanan niya. "Hindi ako makapaniwala," umiiling na sabi ni Crissa. "All this time, alam mong hindi si Papay ang ama ko pero nanahimik ka sa maraming pagkakataong nagkukuwento ako tungkol sa mga pagdududa ko," hindi niya napigilang sumbat. "Wala kang binanggit na kahit ano, Maestro. Karapatan kong malaman ang tungkol sa tunay kong pagkatao pero ipinagkait mo sa akin tulad ni Papay, tulad ng lahat na may alam sa totoong pagkatao ko." Tumingin siya sa labas, sa mga patak ng ulan na para bang nakikiramay sa nararamdaman niya. Bakit ba kailangan niyang magising sa ganoong sitwasyon pagkatapos ng masayang sandaling inakala niyang simula na ng katuparan ng matagal na niyang pangarap? "Nagtiwala ako sa mga salita ni Papay, at sa mga salita mo pero ano? Pareho kayong nagsinungaling. Pinaniwala n'yo ako sa isang kasinungalingang pamilya."

"Gusto ko lang na mabuhay ka nang normal—"

"Normal?" susog niya at tumawa nang walang laman. "Ni hindi ko na nga alam ang kahulugan ng salitang 'yan, eh. Lahat sa akin, hindi normal, Maestro! Lahat!" Hindi napigilan ni Crissa ang pamamasa ng mga mata. "Buong-buo ang tiwala ko sa 'yo, sa lahat ng salita mo. Pinaniwala mo ako na dapat kitang pagkatiwalaan, na mabuti ka. Ang mas masakit, ginusto kita nang mahabang panahon at hindi mo ako pinigilan. Hinayaan mo ako... Hinayaan mo akong malubog sa damdamin ko. Hinayaan mo akong mahalin ka..." Tumulo na ang mga luha niya. "At ngayong inakala kong gigising ako na okay na ang lahat, na puwede na kitang makasama the way I want, heto ka, winawasak mo naman ang katuparan ng pangarap ko." Halos wala nang tunog ang boses ni Crissa sa mga huling salita.

"Crissa—"

"Huwag mo akong hawakan!" Dumausdos siya sa puwesto at lumugmok. Mahigpit niyang niyakap ang mga binti saka umiyak nang tahimik.

Napakahaba ng katahimikang dumaan sa pagitan nila. Hindi nagsalita si Zefro ng kahit ano. Mga hikbi lang at mga patak ng ulan ang maririnig sa gitna ng katahimikan nang madaling-araw na iyon.

"Kailangang magsimula tayo rito bago mo harapin ang katotohanan tungkol sa tunay mong pagkatao," mayamaya ay sabi ni Zefro bago naramdaman ni Crissa na maingat na umupo ito sa tabi niya. "Kung kamumuhian mo na ako ngayon pa lang, ano na lang ang gagawin mo kapag nalaman mo ang mas madilim na bahagi ko? Na hindi talaga ako ang inaakala mong mabait na magsasakang maestro mo? Na hindi ako ang lalaking gugustuhin mong mahalin? Kailangan mong tatagan ang puso mo dahil nagsisimula pa lang tayo. Mas madilim na mundo ang papasukin natin sa mga susunod na araw."

Natigil si Crissa sa paghikbi. Hindi niya napigilang mag-angat ng tingin kay Zefro. Madilim ang kinaroonan nila kaya hindi niya nakita ang pagkilos ng lalaki. Naramdaman na lang niyang nasa mukha niya ang palad nito at tinutuyo ang kanyang mga luha. "Inihatid kita sa Papay Amado mo para maranasan mong magkaroon ng kapamilya, at ng normal na buhay. Nanatili ako dito sa atin hindi dahil ito ang tamang lugar para sa akin. Nandito ako para sa 'yo—para pangalagaan at bantayan ka sa lahat ng oras. Ibinilin ka sa akin ng tunay mong ama at nangako ako sa kanyang hindi kita pababayaan. Handa akong magbuwis ng buhay para sa pangakong iyon."

"S-sino... Sino ang tunay kong ama?"

"'Xapiro' ang pangalan niya. Malalaman mo ang lahat ng tungkol sa kanya kung sasama ka pa rin sa akin sa Laguna."

The Maestro (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon