48. Koneksiyon

1.3K 63 1
                                    

"KUNG wala silang gagawin, ako na ang susugod sa lungga ng Drake na 'yan para bawiin si Maestro!" nagpupuyos ang kalooban na bulalas ni Crissa pagkatapos ng napakahabang katahimikan sa loob ng silid na kinaroonan nila. Isang silid iyon sa Feeders' Mansion na hindi siya pamilyar at hindi pa niya nararating sa loob ng mga araw na naroon na siya. Kasama niya sa silid sina Crystal, Christina at Irisha. Pinagsama-sama silang apat ng mga Feeders para madali raw malaman ng mga ito kung may isa man sa kanila ang tatakas para kumilos nang wala sa napag-usapan ng mga itong solusyon sa problema.

Sina Devon, Yshael, Vio at Chase ang mismong nagbabantay sa kanila sa labas. Base sa pakikipag-usap ni Irisha sa isa sa mga kagrupo ng babae ay nakakulong din ang apat sa hiwalay na silid. Sa ganoong paraan lang daw masisiguro ng mga Feeders na walang sinuman sa kanila ang kikilos nang wala sa plano at lingid sa kaalaman ng mga ito.

Ayon kay Christina ay dalawang Feeders lang ang umalis pagkatapos ng pag-uusap nila kanina lang. Sa nalaman ay lalong nag-alala si Crissa para sa kaligtasan ni Zefro. Bakit hindi na lang sugurin ng lahat ng Feeders na nasa mansiyon nang mga oras na iyon ang lungga ng bampira para matapos na? Bakit dalawang Feeder lang ang umalis? Sapat ba na ba ang dalawang iyon para iligtas si Zefro?

Ang tatlong kasama ni Crissa ay tahimik na nakaupo lang sa kanya-kanyang puwesto, samantalang siya ay nalibot na ang buong silid sa pagpaparoo't parito.

Tumayo si Crystal, tahimik na lumapit sa kanya. "Maupo ka muna," anito at iginiya si Crissa sa silyang naroon. "Kung gugustuhin nating apat, alam mong magagawa nating lumabas ng kuwartong 'to pero kakailanganin nating saktan ang apat na nasa labas. Sinadya nilang personal na magbantay para pag-isipan natin ang pagkilos."

"Kung susugod ka sa lungga ng kaaway para iligtas si Zefro, hindi kita susuportahan, sis," ani Christina. "Tama si Dev, hindi natin pinalalakas ang mga sarili natin para sa grupo ni Drake. Laban 'yon sa pagitan ng grupo niya at grupo nina Dev. Gugulo lang ang plano nila kapag kumilos tayo nang hindi nila alam."

"Kaya maghihintay na lang ako, ganoon ba?" susog ni Crissa, halo-halo na ang emosyon sa puso. Natatakot siya, nag-aalala, nagagalit at nasasaktan. Gusto niyang lumabas ng silid at hanapin kung saan man naroon si Zefro at tulungan. "Paano kapag napahamak siya? Kayo mismo ang nagsabing hayop ang Drake na 'yon, 'di ba? Intensiyon niyang patayin si Mina, napagaling mo lang ang best friend mo, Tin!"

Natahimik ang dalawa, parehong napabuntong-hininga.

"Sa ngayon, magtiwala na lang muna tayo kina Dev," mayamaya ay sabi ni Christina. "Sigurado akong hindi sila basta maghihintay lang."

"Tatagan mo ang puso mo," ani Irisha. "Hanggang buhay ang pag-asa sa puso mo, walang imposible, Crissa. Sa inyong tatlo, ang kakayahan mo ang walang limitasyon. Hanggang nagtitiwala ka, ang imposible ay magiging posible."

Napatitig si Crissa kay Irisha na unang beses nagsalita mula nang ikinulong sila sa silid na iyon. Ang mga sinabi nito ay nabasa rin niya sa Pulang Sumpa. Ang ibig bang sabihin ay kaya niyang gawin ang kahit ano hanggang sa nagtitiwala siyang magagawa niya iyon?

Marahang pumikit si Irisha kasunod ang pagsapo sa pendant ng kuwintas nito. Napatitig silang tatlo nang gumalaw ang mga hibla ng buhok nito na para bang inililipad ng hangin. Wala naman silang naramdamang hangin sa loob, saan galing iyon?

Huminga ito nang malalim, humigpit ang hawak sa pendant. Mayamaya pa ay dumilat na. "Nasa isang masikip na silid siya. Sugatan. May malay na siya."

"Saang lugar? Gaano kalayo rito? Sapat pa rin ba ang lakas niya? Paano kung—"

"Si Zefro ay kabilang sa unang henerasyon ng mga Fedeo, Crissa. Mas nauna siya sa henerasyon ko. Taga-Silangan siya, isang Ogor, ang lahing pinagmumulan ng mga Mandirigma ng Fedeus. Naging kanang-kamay siya ng ama ninyong si Xapiro na nag-iisang Mandirigmang Ogor na hindi isinilang na Feeder. Ang ama n'yo ay isang dating mortal, isang natatanging mortal na ang bawat kahilingan sa mga puting diwatang Tagabantay ay natutupad dahil sa busilak niyang puso. Taglay ni Zefro ang tatag ng puso ng inyong ama. Hindi siya ganoon kahina para matakot ka nang ganyan."

Nabuhayan ng loob si Crissa dahil sa sinabi ni Irisha. Umayos siya ng upo, pilit itinaboy ang mga negatibong isipin sa isip. Sa labis niyang pag-aalala ay nawalan na siya ng tiwala kay Zefro. Hindi nga pala ito isang mortal na walang laban sa grupo ni Drake. Saksi siya kung paano nito patuloy na hinasa ang sarili, araw-araw sa loob ng mahabang panahong nakasama niya ang lalaki. Bakit siya mawawalan ng pag-asa? Ano nga ba ang sinabi nito noon sa kanya—na mabubuhay ito para pangalagaan siya? Magtitiwala siyang hindi nito basta na lang kalilimutan ang pangakong iyon. Babalik ito nang ligtas sa tabi niya.

Nakita niya ang marahang pagngiti ni Irisha. Naramdaman ba nito ang nasa loob niya? "Ganyan nga, Crissa," sabi nito. "Ang lakas mo ay lakas din niya. At lakas naming lahat na nasa panig mo."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hanggang nababalot ng positibong enerhiya ang puso mo, mananatiling mataas din ang enerhiya ng mga pusong nasa panig ng liwanag. Maniwala ka sa akin, sa mga sandaling ito ay nararamdaman ni Zefro ang nagbabalik na tatag ng puso mo."

"Puwede ko ba siyang makausap gamit ang isip ko?"

"Sa inyong tatlo, si Crystal lang ang maaaring gumawa ng sinabi mo pero hindi siya ang kailangang makausap ngayon ni Zefro, ikaw."

"Ano'ng puwede kong gawin? Kahit ano, Irisha, gagawin ko magkausap lang kami."

Ngumiti si Irisha. "Puwede kitang tulungan... 'yan ay kung handa ka nang pagkatiwalaan ako."

Matagal na naghinang ang mga mata nila. Gamit ang puso ni Crissa, pinakiramdaman niya ang enerhiya mula kay Irisha. Nabulagan lang talaga siya ng nararamdamang selos kaya hindi na niya naramdaman ang purong positibong enerhiya na taglay ng babae.

Dahan-dahan siyang ngumiti habang magkahinang ang mga mata nila. "I'm sorry."

"Isang bahagi ko ay babaeng nagmamahal din kaya naiintindihan ko ang naging damdamin mo." Lumuwang ang ngiti nito. "Nagseselos din si Vo kay Zef. May koneksiyon sa pagitan namin na mahirap ipaliwanag pero hindi iyon nangangahulugan na may romantikong interes kami sa isa't isa."

Hindi pa ba inamin ni Zefro kay Irisha ang tunay na damdamin?

"M-mahal ka ni Maestro..." Ang hirap sabihin ng salitang iyon pero kailangan nang tanggapin ni Crissa ang totoo. Iba man ang mahal ni Zefro ay handa pa rin siyang protektahan ang lalaki sa lahat ng pagkakataon.

Biglang tumawa si Irisha, nasa anyo ang pagkaaliw. "Naririnig tayo ni Vo, lalabas na naman ang mga pangil ng selosong 'yon."

"Hindi mo alam? Ikaw... ikaw ang sumpa niya. Nagbago ang body temperature niya mula nang dumating ka sa San Francisco..."

Sa pagkagulat ni Crissa ay lalong tumawa si Irisha. "Sinabi niyang mahal niya ako?"

Umiling si Crissa.

"Gusto mo bang malaman kung kailan nagsimulang magbago ang body temperature niya?"

Napatitig siya kay Irisha na makahulugan ang ngiti at titig.

"Itanong mo sa kanya pagkabalik niya. Itanong mo rin kung sino talaga ang babaeng mahal niya." Kumislap pa ang mga mata nito. "Hindi lang pala ako ang nag-iisang manhid sa grupo," dugtong nito na para bang sa sarili na sinasabi. "Ano, kakausapin mo ba siya o nagbago na ang isip mo?"

The Maestro (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon