21. Alaala

1.3K 73 6
                                    

ANG INAASAHAN ni Crissa na ilang araw lang na pagkawala ni Zefro ay naging linggo. Ang mga linggo ay naging buwan, hanggang sumapit na ang graduation niya ay hindi pa rin nagbabalik ang lalaki. Halos dalawang buwan na siyang naghihintay sa pagbabalik nito. Sa bawat pagsikat ng araw ay binibigyan ni Crissa ng pag-asa ang sarili, na magkikita na uli sila, na dadatnan uli niyang nasa kubo na si Zefro at nagsisibak ng kahoy. Subalit sa bawat paglubog ng araw sa hapon ay gumuguho rin ang pag-asang iyon—dahil bigo siyang makita ito.

Tulad nang mga lumipas na araw, natagpuan na naman ni Crissa ang sariling tulala sa tapat ng bintana ng silid niya at eksena nila ni Zefro ang nakikita sa isip...

"Hindi kita papayagang umuwi na 'yang damit ko lang ang suot mo," sabi ni Zefro bago siya iniwan sa papag.

"Damit mo?" ulit ni Crissa, wala sa loob na niyuko ang sarili—napasinghap siya. Damit nga ni Zefro ang suot niya at... at... nanlaki ang mga mata niya nang ma-realize na wala siyang kahit anong saplot sa loob ng maluwang na T-shirt! "Wala... Wala akong—binihisan mo ako... hinubad mo lahat—" Natutop niya ang bibig.

"Bukas ka na umuwi para matuyo ang mga damit mo. 'Balik na sa papag, Crissa. Matulog ka na uli." Kaswal na tumayo ito at bale-walang tinalikuran siya.

"Maestro—"

"Binihisan kita. Nakita ko nga ang buong katawan mo, wala namang kakaiba. 'Tulog na!"

"Wala... wala ka bang hinawakan?"

"Hindi ko napigilan ang sarili ko. Hinaplos ko ang b—"

"Ang boobs ko?" pasinghap na bulalas ni Crissa. Nagulantang. Tumaas-baba ang dibdib niya, hindi makapaniwalang niyuko ang dibdib at tinakpan ng mga braso na para bang nakikita iyon ni Zefro sa ilalim ng damit nito.

"Ang balat mo ang hinaplos ko," sabi nitong napapailing. "Hindi ko napansin ang sinasabi mo."

Lalo siyang na-shock. "Hindi mo napansin na may boobs ako?" nanlalaki ang mga matang susog niya. Ipinagdiinan ba nito ang kawalan niya ng "future"? Tumili siya nang malakas. Na lalong lumakas nang ngiting-ngiting lumingon si Zefro, bagay na hindi niya inaasahan kaya ilang segundo siyang napanganga."Maestro!" tili uli niya nang makabawi.

Matunog na tumawa si Zefro.

Natriple ang pagka-shock ni Crissa. Tumatawa na talaga ang lalaki at siya ang pinagtatawanan nito!

Napangiti si Crissa sa alaalang iyon. Nasaan na kaya si Zefro? Mahirap daw siyang iwan pero hayun, hindi pa rin ito bumabalik at ni wala man lang siyang alam kung nasaang panig na ito ng mundo.

The Maestro (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon