44. Panganib

1.2K 47 7
                                    

"LALABAS ka, Zefro?"

Napalingon si Zefro. Si Irisha na nakangiti ang nasa likuran niya. "Kumusta ang pakiramdam mo? Ang mga kasama mo?" Sa halip ay tanong niya. "Hindi birong enerhiya ang ginamit n'yo kanina para mapalabas ang lakas ni Crissa."
Lahat ng nangyari kanina ay ginawa ni Irisha para makita nila kung hanggang saan na ang kakayahan ng triplets. Sa mga nakita niya ay malaki ang naging pagbabago sa magkakapatid. Nagagawa na ng tatlong palabasin ang lakas mula sa loob. Ang susunod nilang tututukan ay ang pagkontrol sa lakas na iyon.

"Tulog silang lahat," nakangiting sagot ni Irisha.

Naroon na naman ang magaang pakiramdam ni Zefro. Tuwing ngingiti si Irisha ay nasa mga mata ang init. Sa palagay niya ay nararamdaman nila pareho ang isang uri ng koneksiyon na hindi niya alam kung saan nag-uugat.

"Nasaid ang lahat ng lakas nila dahil sa malakas na atake ni Crissa." Umiling-iling si Irisha. "Tama siya, nasa kanya ang lakas ng Bato ng Buhay. Hindi ko kayang tapatan ang lakas na taglay niya. Kahit pagsama-samahin ko pa ang enerhiya ng buong grupo, hindi pa rin namin kayang talunin ang asul niyang liwanag."

"She is the Sapphire."

"Yeah," sang-ayon nito. "She deserves to be where she is now. Kabaliktaran ng sinabi ko na hindi siya karapat-dapat."

"I know. And your intention for doing so was served. Nakita nina Devon ang mga gusto nilang makita." Hindi niya mapigilang titigan ito. Ibang-iba si Irisha sa Livin na nakakausap niya sa gubat ng San Francisco. Malalim at makahulugan ang bawat pangungusap nito noon. Nang magkaharap sila noong sinadya nila ito ni Vio ay hindi niya mapigilang maaliw. Kung wala lang ang enerhiyang nararamdaman niya mula rito ay katulad lang ito ng mga mortal sa paligid niya—isang dalagang playful na buhay na buhay ang mga ngiti at tawa. Sa unang tingin ay hindi siya maniniwalang ito ang Gabay nila.

Sumabay si Irisha sa paglalakad niya palabas ng bakuran ng mansiyon. "Malaki ang improvement nilang tatlo. Napapalabas na nila nang tama ang natutulog na lakas sa loob nila. Ang kailangan nating tutukan ay ang pagkontrol sa lakas na iyon."

"'Yan eksakto ang iniisip ko."

Nagpatuloy sila sa tahimik na paglalakad hanggang sa nakalabas na sila ng gate. "Hindi mo pa sinagot ang tanong ko. Saan ka pupunta?"

"Magpapahangin lang. Gusto kong maglakad-lakad sa labas." Kung hindi niya gagawin iyon ay siguradong sa silid siya ni Crissa dadalhin ng mga paa niya. Kapag pinagbigyan ni Zefro ang sarili ay hindi na siya lalabas ng silid na hindi niya naipaparamdam kung gaano niya kailangan si Crissa, kung gaano niya ito kamahal.

Huminto na sa paghakbang si Irisha. Siya ay nagpatuloy sa mabagal na paglalakad.

"Zefro?" pagtawag nito.

Huminto siya pero hindi lumingon.

"Ang lalim ng nasasagap kong lungkot mula sa 'yo."

Hindi siya umimik. Huminga lang siya nang malalim at saka itinuloy ang mabagal na mga hakbang palayo sa mansiyon. Naglakad siya nang mabagal. Wala siyang pupuntahan, tuloy-tuloy lang ang mga hakbang niya. Hindi niya alam kung gaano na kalayo ang distansiya niya sa mansiyon nang kusang huminto ang mga hakbang niya.

May naramdaman siyang lakas sa paligid. May mga Feeders na nasa malapit lang. Itinuloy niya ang paghakbang habang patuloy na nakikiramdam.

Nasilaw siya mula sa liwanag ng isang sasakyan sa di-kalayuan. May nasiraang kotse. Huminto uli siya sa paghakbang nang makitang mula sa liwanag na iyon ay tumatakbo pasalubong sa kanya ang isang babae. Sa liwanag ng buwan ay malinaw niyang nakita ang anyo nito—hanggang sakong ang puting damit, alon-alon ang buhok na tinatangay ng hangin...

Nagsalubong ang mga kilay niya. Hindi ba at nasa Mansiyon ito kanina lang at nakapantulog na?

"Irisha?"

Ngumiti ito, niyakap siya at hinagkan sa mga labi.

Sa pagkagulat ay hindi siya nakakilos. Sa tagpong iyon na nalilito siya ay naramdaman niyang bumaon sa tagiliran niya ang isang karayom—na huli na nang mapagtanto niyang hawak ng babae. Kadenang masakit sa balat ang naramdaman niyang pumulupot sa katawan niya nang umiikot na ang pakiramdam ni Zefro. Isang malakas na palo sa ulo niya ang tuluyang nagdala sa kanya sa kadiliman.

The Maestro (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon