TUTOK ang mga mata ko sa pinanonood kong isang cooking tutorial sa Youtube. Nais ko sanang ipagluto ang nobya ko para sa 2nd anniversary namin sa makalawa. Lagi na lang kasi kaming lumalabas kaya gusto kong maiba naman ngayon.
Habang kinokopya ko sa notebook ko ang mga sangkap ay biglang may nag-pop out na mensahe sa Messenger ko. Mula ito sa isang account na sa tingin ko'y kaka-accept ko lang kanina sa Facebook. Pink Unicorn ang pangalan nito.
Napangiwi ako at bumuntong hininga. "Istorbo."
Tsinek ko ang mensahe niya at nakita ko ang isang maikling video clip. Nang sinimulan ko na itong i-play ay bumalandra sa akin ang isang babaeng hubo't hubad. Mahaba ang buhok nito't may magandang hubog ng pangangatawan. Nakasuot ito ng maskarang bungo kaya hindi ko makita ang kanyang mukha. Gayunpaman, mas napansin ko ang sandamakmak na mga pasa sa kanyang katawan.
Kalaunan, may lalaking nakabalot sa itim na kasuotan ang lumapit sa kanya. Hindi ko rin makita ang itsura nito sapagkat nakasuot ito ng maskarang pusa. Diretso lang ang tingin nito sa babae habang iniikutan ito dala ang isang batuta. Ngunit gano'n na lamang ang aking pagkabigla nang paulit-ulit nitong hinataw ang hawak na batuta sa katawan ng babae. Halos napatalon ako sa kinauupuan ko.
What the hell?
Tanging sigaw at iyak na lamang ang naging tugon ng babae habang tinatamo ang mga palong walang habag sapagkat nakagapos ang mga kamay nito sa isang makapal na lubid na nakakabit sa kisame. Bagama't wala akong naririnig dahil walang audio ang video ay ramdam ko ang pighati ng babae. At kahit alam kong gawa-gawa lang ito'y hindi ko mapigilang maawa sa babaeng naliligo na sa sariling pawis habang pinapahirapan.
Pagkatapos ng halos dalawampung segundo ay itinigil na ng lalaki ang kanyang ginagawa na marahil ay dahil sa pagkawala ng malay ng babae. Kinalas nito ang pagkakagapos sa kaawa-awang bihag at saglit na pinaupo sa silyang nasa likuran kanina.
Umalis sandali ang lalaki at pagbalik nito'y may dala na siyang isang container. Inilapag niya muna ang dala at ikinabit ang isang collar sa dulo ng kadenang naka-attach sa isang pulley sa kisame. Isinuot nito ang collar sa leeg ng walang ulirat na binibini. Napataas-kilay ako dahil kung hindi ako nagkakamali, collar ito ng isang aso.
Wala pang ilang sandali ay agad na dinampot ng lalaki ang container at ipinaligo sa kanya ang likidong laman nito. Napabalikwas ng bangon ang babae, halatang gulat na gulat.
Subalit nanlaki ang mga mata ko nang biglang hilahin ng lalaki ang kabilang dulo ng kadena dahilan upang mapatayo ang babae mula sa kinauupuan nito. Nagkumahog din siyang umakyat sa ibabaw ng upuan upang lumuwag ang pagkakasakal sa kanya.
Napahawak siya sa collar na nakakandado sa kanyang leeg at pilit na sinusubukang tanggalin ito. Ngunit bigo siya.
Dumapo ang paningin ko sa lalaki nang kanyang binuhat ang babae at ipinatong sa upuan. Pagkaraan ng ilang sandali ay sinipa nito ang silya dahilan upang manatili sa ere ang babae.
Nagpupumiglas ito habang sinusubukang luwagan ang collar na nakapulupot sa kanyang leeg. Napabuntong hininga ako habang pinagpapawisan. Hindi ko na kinakaya 'to.
Iko-close ko na sana ang video nang mapansin kong may kinuha ang lalaki sa kanyang bulsa—isang lighter. Agad naman pumasok sa isipan ko ang likidong ibinuhos niya sa babae kanina.
Huwag mo sabihing?
Napapikit na lang ako nang sinimulan na niyang silaban ang nanghihinang bihag na siyang naging dahilan upang mangisay ito. Nabalot sa apoy ang katawan ng babae na mistulang isang hayop lang na sinusunog nang buhay habang nakabigti. Halos 'di na makilala ang babae dahil natunaw na sa kanyang mukha ang maskarang plastik na suot nito. Nakita ko pa kung paano ito sumuka ng napakaraming dugo bago tuluyang lagutan ng hininga.
'Ano ba yan,' saad ko sa isipan nang isinara ko na ang video.
Oo. Madalas akong nanonood ng mga horror movies at kalimitan lang naman akong nakakaramdam ng goosebumps. Ngunit kakaiba ang isang 'to. Naapektuhan talaga ako dahil pakiramdam ko parang totoo 'yung mga nakita ko. Kung sino man ang Pink Unicorn na 'to, ang weird niya upang magpadala ng friend request sa akin para lang mag-send ng ganitong klase ng video.
Napailing na lang ako at bumalik sa aking ginagawa. Nang ipinagpatuloy ko na ang paglista sa mga sangkap ng cooking tutorial na pinapanood ko ay bigla akong nakarinig ng sunod-sunod na mga katok sa pintuan ng aking apartment. Napatayo ako mula sa pagkakaupo sa couch ng living room. Nakapagtataka.
Sino'ng matinong tao ang bibisita sa bahay ng dis oras ng gabi?

BINABASA MO ANG
Call Me, Killer Cat (Completed)
Mystery / Thriller"At dahil sa galit ko sa mundo, naging libangan ko na ang pumatay." -Killer Cat