03: Alice

61 4 0
                                    

TILA napako ako sa kinauupuan ko— pinoproseso ang kasalukuyang nangyayari. Namulat nalang ako nang biglang may lalaking naka-itim ang nagbukas ng pinto ng backseat. Tinutok nito ang dalang baril sa bandang sentido ni Alice.

Ngunit hindi iyon ang nagpabilis ng tibok ng puso ko. Napamulagat ako nang makilala ko ang suot niyang maskarang pusa. Hindi ako nagkakamali. Iyan 'yung maskarang suot ng lalaki sa video na pinanood ko kanina.

"Labas!" mandato ng estranghero.

Wala na kaming nagawa ni Alice kung hindi ang sumunod sa utos nito. Nang makalabas na ay pinatalikod kami ng lalaki at pinaharap sa taxi. Nakalagak lamang ang mga kamay ko sa aking likod habang nakadikit sa sentido ko ang kanyang baril. Sa kabila ng tensiyon, nakahanap ako ng tiyempo nang akmang poposasan niya na ako.

Bigla kong hinawakan ang kanyang baril at pinilipit ang kanyang kamay dahilan upang mabitawan niya ito. Nang maagaw ko na ang baril ay agad ko itong tinutok sa kanya. Napasobra yata ang pagpilipit ko sa kamay niya dahil minamasahe pa niya ito.

"Oh, ano ka ngayon?" nanggagalaiti kong saad. Napakagat ako sa labi ko. "Alice, tumawag ka ng pulis," baling ko sa katabi.

Subalit nagtaka ako nang walang tumugon. Wala pang ilang segundo ay ito na ang sunod kong narinig. "Ibaba mo ang baril."

Naramdaman ko ang dulo ng isang baril na nakasadsad sa sentido ko. Ipinihit ko nang bahagya ang aking ulo. Nakita ko si Alice. Seryoso itong nakaharap sa akin.

"Ano'ng ginagawa mo?" naguguluhan kong tanong sa kanya. Hindi ko maintindihan. Ano'ng nangyayari?

At sa isang kisapmata ay naagaw muli ng lalaki sa akin ang baril. Naramdaman ko na lang ang unti-unting pagdilim ng aking paningin nang itinakip ni Alice sa aking ilong ang isang panyo.

Call Me, Killer Cat (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon