07: Unahan

48 1 0
                                    

"SIGE ma'am," alistong tugon ng lalaki sa utos ng amo. Bumaling ito sa akin nang tuluyan nang lumabas ng silid si Alice.

"Magkano ba ang ibinayad ni Alice sa 'yo? Tutumbasan ko. Pakawalan mo lang ako rito," alok ko sa kanya nang makalapit na ito sa akin.

Bahagya niyang hinila ang kabilang dulo ng kadena dahilan upang umangat ako. Magkaharap na ngayon ang mga mukha namin.

"Hindi mo 'ko madadala sa ganyan, pare." Lumapit ito sa akin at bumulong sa tainga ko. "Lahat ng trabaho ko, tinatapos ko."

"Gano'n ba?" Ngumisi ako.

Nang makalas ko na ang lubid na nakagapos sa mga kamay ko ay agad kong itinarak sa kanyang kaliwang mata ang kuko ng aking hintuturo na may kalahating pulgada ang haba. Napatakip ito sa kanyang mata habang humihiyaw, pinipigilan ang mga dugong bumubulwak mula rito.

Naging mabilis ang mga kilos ko. Tagumpay kong nahablot ang susing nakakwintas sa leeg ng lalaki. Habang abala pa siya sa pag-inda sa sakit ng kanyang napinsalang mata ay sinamantala ko ang pagkakataon upang subukang buksan ang kandado sa aking mga paa. Kahit na mabigat ang aking katawan ay pinilit ko pa rin itong iangat. Tila mababali na yata ang buto ko sa likuran dahil sa sakit.

Nang matagumpay ko nang maabot ang mga paa ko'y binilisan kong kalikutin ang kandado gamit ang susi. Agad ko rin naman itong nabuksan subalit bago pa man ako nakapagbunyi ay lumagapak na ang katawan ko sa sahig. Napahiyaw ako sa sakit. Nadurog yata ang mga buto't kalamnan ko. Napa-igtad ako.
Tang ina!

Mahigit limang segundo rin ang lumipas bago ako tuluyang nakabangon mula sa kinasasadlakan ko. Tatayo na sana ako ngunit agad akong napaluhod nang may tumamang isang mabigat na bagay sa likod ko. Bahagya kong ipinihit ang ulo ko upang alamin kung sino ang gumawa no'n at nakita ko ang lalaking naka-itim. Halos di ko na makita ang kaliwang mata nito dahil natatabunan na ito ng mapulang dugong patuloy na umaagos mula rito.

"Walang hiya ka!" galit nitong saad habang tinatakpan ang kanyang kaliwang mata. "Papatayin kita!"

Akmang hahampasin na niya ulit ako ng batuta nang maka-ilag ako. Determinado itong gantihan ako dahil paulit-ulit niyang iwinawasiwas ang dalang bagay. Ngunit nakakaapekto sa kanyang galaw ang sugatan niyang mata. Nawawalan siya ng balanse kaya madali lang akong nakakaiwas sa kanya.

Subalit tinubuan ako ng kaba nang binunot na nito ang kanyang baril sa tagiliran. Lumapit ito sa 'kin. Napasandal ako sa pader.

"Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa mata ko," seryoso nitong pahayag. Itinutok nito ang baril sa gitna ng noo ko.

Ngumiti ako nang malapad. "Paunahan na lang."

Agad kong hinawakan ang baril at inilayo sa aking katawan ang dulo nito. Habang nag-aagawan kami'y nagawa niyang pihitin ang baril nang bahagya sa direksyon ko. Mas nilakasan ko pa ang pagkakakapit ko sa baril kaya naibalik ko muli ang dulo nito sa may kisame.

Tinuhod ko siya nang buong puwersa sa bandang pagitan ng kanyangga hita dahilan upang mapaluhod ito sa sakit. Nabitawan nito ang baril kaya agad ko itong nahablot mula sa kanyang mga kamay.

Walang pagdadalawang-isip ko itong itinutok sa kanya. Mabigat ang bawat buga ng hininga ko.

Napatingin ako sa sunog na katawan ni Angela sa 'di kalayuan. Hindi ko maiwasang alalahanin ang lahat ng kahayupang ginawa ng lalaking 'to sa girlfriend ko. Nagngingitngit ang paningin ko. Pakiramdam ko'y umiinit ang buo kong katawan. Nag-uumapaw sa galit ang buo kong sistema.

Matipid na tumawa ang lalaki. "Hindi mo 'yan magagawa."

"Tumahimik ka!" Naluluha ako. Hindi ko makapaniwalang nangyayari ang lahat ng 'to. Hindi ko matanggap na wala na si Angela. Ang mga pangarap na binuo namin. Gumuho na. Wala na. Sira na ang buhay ko.

"Mahina ka—"

At hindi ko na lang namalayan na nakalabit ko na pala ang gatilyo ng baril.

Call Me, Killer Cat (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon