DAHAN-DAHAN akong naglakad patungo sa pintuan. "Sino 'yan?" curious kong tanong.
Medyo nakaramdam ako ng kaunting kaba dahil ito ang unang pagkakataon na may bumulabog sa akin ng hatinggabi. Wala na kasing ibang taong maaring bumisita sa akin ng gan'tong oras bukod sa nobya ko. At sa pagkakaalam ko, nagpunta ito ng probinsiya upang bisitahin ang kanyang mga magulang at sa makalawa pa ito makakauwi—sa araw ng anibersaryo namin.
Nang makarating sa ako sa pintuan ay hinawakan ko ang pihitan at sumandal dito. Pinakiramdaman ko ang galaw ng taong nasa kabilang banda. Kumatok itong muli.
"Sino 'yan sabi e," naiinis kong wika sabay kamot sa aking ulo.
Makalipas ng ilang segundo ay agad na tumugon ang tao sa kabila. "Trevor, si Alice 'to."
Natigilan ako nang marinig ko ang pangalan na 'yon. Ano'ng ginagawa niya rito?
"Bakit ka—" Hindi pa ako natapos magsalita ay agad na itong pinutol ni Alice.
"Si Angela, nasa ospital. Naaksidente!" natatarantang saad ni Alice. Pinunasan pa nito ang luha na tumulo sa kanyang kanang mata.
Sa walang pagdadalawang-isip ay agad akong lumabas ng pintuan. "Nasaan siya?"
Hindi ko maipaliwanang ang biglang kabang naramdaman ko nang marinig ko ang inulat ni Alice. Matagal nang matalik na magkaibigan ang girlfriend ko at si Alice kaya sigurado akong 'di ito nagbibiro. Gayunpaman, hindi ko maiwasang magbato ng katanungan.
"Ano'ng nangyari kay Angela? Paano mo nalaman na naaksidente siya?" sunod-sunod kong tanong nang makapasok na kami sa backseat ng taksing sinakyan ni Alice papunta sa apartment.
Huminga muna siya nang malalim bago tugunan ang mga tanong ko. "Tumawag sa akin ang mga pulis. Siguro dahil ako 'yung huling kausap niya bago bumangga ang taxi na sinasakyan niya sa isang truck."
"P-Pero di ba sa makalawa pa siya uuwi?" nauutal kong tanong habang pinipigilang bumagsak ang mga luhang namumuo sa mga mata ko. "Okay lang ba siya?"
"Ang totoo niyan, hindi talaga sa makalawa ang uwi niya," saglit muna siyang huminto at pinunasan ang mga luhang tumulo sa kanyang mga mata. "Umuwi siya nang maaga para magpatulong sa akin. Plano niyang sorpresahin ka sa anniversary niyo. I'm sorry Trevor pero kritikal ang kondisyon niya ngayon."
Napahilamos ako sa mukha ko. Hindi ako makapaniwala. Imposible. Kahapon lang ay nagkausap pa kami. Kinulit ko pa siyang dalhan ako ng pasalubong mula sa probinsiya.
Napatingin ako nang wala sa oras sa harapan nang biglang tumigil ang taxi.
"Ano'ng nangyari manong?" nagtatakang tanong ni Alice.
Humarap sa amin ang drayber at napakamot sa ulo. "May humarang na van ma'am e."
Hindi ko mapigilang mapamura sa isipan ko. Ngayon pa nagkaaberya e nagmamadali kami. Huminga ako nang malalim at kinalma ang sarili ko.
"Sandali lang po ma'am."
Naramdaman kong bumukas ang pinto sa harap kaya inangat ko ang ulo ko upang tignan ang drayber. Ngunit nakaka-ilang hakbang pa lamang ito ay bigla na itong bumagsak. Nakita ko pa kung paano napatili si Alice nang marinig ang alingawngaw ng putok ng baril.
BINABASA MO ANG
Call Me, Killer Cat (Completed)
Mystery / Thriller"At dahil sa galit ko sa mundo, naging libangan ko na ang pumatay." -Killer Cat