05: Hinanakit

52 1 0
                                    

"WALANG hiya ka Alice! Ano'ng kasalanan ko sa 'yo?!" nangungugat kong sigaw sa kanya.

Dinig ko ang bungisngis nito habang mabagal na naglalakad paikot sa akin. Nakita ko pa kung paano niya itinapon ang kanyang maskara sa sahig. May dala-dala siyang isang pamilyar na batuta. Nang makaharap na si Alice sa akin ay nagulat ako sa kanyang ginawa. Bigla niya akong hinalikan. Umiwas ako agad.

Bahagya niyang ibinaba ang kadenang nakakabit sa pulley kaya kapantay ko na lang ngayon ang kanyang beywang.

"Tatlong taon na ang nakalilipas nang una tayong magkita, Trevor. Naaalala mo pa ba?" Kasunod nito ay ang buong puwersa niyang paghampas ng batuta sa aking tiyan. Napasigaw ako nang wala sa oras dahil sa matinding sakit.

"Nagsimula ang lahat nang mag-send ka ng message sa akin sa Messenger. Nakikipagkilala ka. Nag-usap tayo. Madalas tayong mag-late night talk. Binibigyan mo 'ko ng advice sa mga problema ko. Hanggang sa inamin mong may gusto ka sa akin."

Muli niyang inilapag sa katawan ko ang matigas na bagay. Nakapuwesto siya sa likuran ko kaya ang likod ko naman ang inasinta niya. Napakuyom ang mga kamay kong nakagapos. Pinigilan ko ring umalingawngaw ang boses ko. Tiniis ko ang sakit.

Bakit niya sinasabi sa akin ang lahat ng 'to?

"At kahit ano'ng tanggi ko sa 'yo, hindi ka sumuko. Hanggang sa isang araw, napagdesisyunan kong magkita tayo. Isinama ko ang bestfriend kong si Angela dahil kinakabahan ako. Gusto na sana kitang sagutin no'n. Pero anong nangyari? Mas napansin mo si Angela!"

Pagkatapos ng nakakabinging sigaw na 'yon ay ang sunod-sunod niyang paghataw ng batuta sa iba't ibang parte ng katawan ko. Bawat palo ay nanunuot sa mga kalamnan at buto ko. Hindi ko na rin napigilang ihiyaw ang lahat ng sakit. Nararamdaman ko na rin ang pagdalasdas ng mga masasaganang pawis ko sa katawan.

Naguguluhan ako. Sandamakmak na mga katanungan ang bumubulabog sa isipan ko. Akala ko ba'y wala lang 'yung mga nangyari noon? Akala ko ba'y hindi niya ako gusto? Akala ko ba'y masaya siya para sa amin ni Angela?

"A-All this time, n-nagpapanggap ka lang na masaya ka para sa amin ni Angela?" nauutal kong tanong nang tumigil na siya sa kanyang ginagawa. Hinabol ko ang aking hininga. Naramdaman ko ang mabagal na pagdaloy ng dugo palabas ng ilong ko.

"Oo," maikling tugon ni Alice. Huminto ito saglit. "Ang gusto ko lang naman Trevor ay sumaya. Pero 'di ko 'yon magawa dahil inagaw na lahat sa akin ni Angela. Una, ikaw. Ikaw na unang lalaking minahal ko. Alam mo bang halos mabaliw ako no'ng nalaman kong kayo na? Inahas ka niya sa akin kahit alam niyang gusto kita!"

Call Me, Killer Cat (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon