WG CAROLINE - Part 1

15.6K 201 4
                                    

"ATE, dalawang beses na akong tumatawag sa Ylaya. Wala pa raw iyong order mo," lapit ni Megan sa kanya. "Tinanong ko nga kung kailan darating ang tulles at ribbons, wala naman silang masabi. Nahuli daw kasi sa Customs ang kargamento nila."

Inis siyang napabuntong-hininga. "Kasi nagnenegosyo sila, ayaw nilang lumagay sa legal. Pati tuloy tayo naaapektuhan," wika niya sa nakababatang kapatid. "Pumunta ka nga doon. Sabihin mo, cancel na ang order natin. Pasensyahan na lang. Kailangan nating humanap sa iba. Mabibitin naman tayo sa mga kontrata natin kung sila ang hihintayin natin."

"Paano iyong deposit mo sa kanila?"

"Ikuha mo na lang ng ibang items sa kanila. Siguro naman, may stock pa sila sa tindahan kahit ilang rolyo ng ribbons at lace. Kapag hindi pumayag, sabihin mong ipapa-stop payment ko iyong tseke na inisyu ko sa kanila. Lilipat na tayo ng ibang supplier."

Napangiti si Megan. "I think, papayag sila. Aba, sa tinagal-tagal ng flower shop natin, sa kanila tayo palagi kumukuha. Ilang beses na rin natin silang pinagbigyan sa mga delay nila, 'no?"

Tumango siya. "Kaya nga lumakad ka na. Ikaw na ang dumiskarte. Ako na ang bahalang humanap ng ibang pagkukunan ng tela."

"Magkokotse ako. Pahiram ng susi."

Tinaasan niya ito ng kilay. "Ylaya iyon, Megan, hindi Megamall. Saan ka paparada nang matino?"

"Sa Soler Street. May kaibigan akong may puwesto doon. Makiki-park na alng ako."

"At maglalakad ka papunta sa Ylaya? Kung ma-carnap pa ang kotse? Mag-jeep ka na lang. Mas magiging mabilis pa ang biyahe mo." Dumukot siya sa bulsa ng dalawandaan. "Sobra na iyan. May pang-meryenda ka pa."

"Magbibitbit naman ako ng mga ribbon," paungol na wika nito.

"Ribbon iyon, hindi rolyo-rolyong tela. Kaya mo iyong bitbitin. Sige na, lumakad ka na at baka gabihin ka pa. May lalamayin tayong arrangement ngayon. Remember, may kontrata tayong kasal bukas."

"Naku! Hindi ko pa natatawagan ang maglilinis ng gazebo at pillars!" bakas ang guilt na bulalas nito.

Nanlaki ang mga mata niya. "What's happening to you, Megan? In love ka na naman ba? Bakit mo kinaligtaan iyon, eh, alam mong importante iyon?"

Mabilis nitong inabot ang telepono. "Eto na nga, tatawagan ko na."

"Baka iyong mga dahon, hanggang ngayon hindi mo pa nao-order?" sita niyang unti-unti nang lumulutang ang iritasyon. Likas siyang madaling mairita kapag ganitong hindi areglado ang mga bagay sa paligid niya. At madali din siyang ma-pressure kapag may kontrata siyang flower arrangement kinabukasan at pakiramdam niya ay gahol na gahol na siya sa panahon.

"Tumawag na ako sa Dimasalang. Sure na ang delivery mamayang gabi," sagot nito sa kanya habang tila naghihintay ng sasagot sa tinawagan nito. "Iyong bulaklak, mamayang gabi rin ang dating. Sabi ni Papa, nagkaproblema daw ang makina ng truck natin kaya hindi agad maidadating ngayong hapon. Nag-arkila na lang daw siya ng ibang pagsasakyan niyon." Galing pang La Trinidad ang mga bulaklak nila. Mayroong flower farm ang kanilang pamilya doon at kung hindi rin lang mga imported flowers ang order ng kliyente nila at karaniwan nang sa mismong farm nila nanggagaling ang mga bulaklak na ginagamit nila. Mayamaya ay ibinaba na rin nito ang telepono. "Wala namang sumasagot."

Inis siyang bumuntong-hininga. "Pumunta ka na sa Ylaya at bumalik ka agad. Wala tayong choice kundi tayo ang maglinis ng gazebo. Napakarami pa nating ibang gagawin. Dapat, nakabawas na sa trabaho natin ang paglilinis ng mga iyan."

Palibhasa ay alam ni Megan kung kelan siya seryoso at hindi, tumango na lang ito at umalis na.

Hindi rin naman siya nag-aksaya ng panahon. Lumabas siya at tinawag ang dalawang tauhan niyang lalaki. Nakita niyang inihahanda na ng mga ito ang gazebo at pillars. "Bago ninyo ilabas ang mga tela, pakilinis nga muna ang mga iyan," utos niya sa mga ito. "Pakibilis lang ng kaunti. Ise-set up na natin iyan sa reception ngayong gabi."

"Yes, Ma'am," halos sabay na sagot sa kanya ng mga ito.

Habang pabalik sa kanyang munting opisina ay iniisip niya kung ano ang una niyang dapat na gawin. Maghahanap pa siya ng bagong supplier ng tela. Sobrang luma na ang mga tela na ginagamit niya kaya dapat na iyong palitan. At least, ang kulay ng tela na gagamitin para sa kasal kinabukasan ay madalang gamitin kaya naman hindi pa niya problema iyon. Pero dapat na rin niya iyong intindihin dahil bago lumipas ang buwan ay schedule na ng isa pang kasal kung saan kailangan na ng bagong tulles at organza.

Napabilis ang hakbang niya nang marinig ang pagtunog ng telepono. "The Flower Shop, hello!" sagot niya.

"Caroline, this is Jenna."

Napatawa siya. "Of course I know your voice. Huhulaan ko, nagtse-check ka for the wedding tomorrow?"

"Yeah. Alam mo namang kahit malaki ang tiwala ko sa inyong mga wedding girls ko, medyo makulit pa rin ako pagdating sa trabaho."

"You don't have to worry, Miss Wedding Planner," tudyo niya dito. Wala siyang balak magpahalata na segundo lang ang nakakaraan ay iritadong-iritado na siya sa ginagawang preparasyon. "Hapon naman ang kasal. We have plenty of time. Saka inaayos na rin namin ang mga gagamitin. Mamayang gabi, ise-set up na ng staff ko ang gazebo at pillars sa reception. Iyong mga flower stands, iaayos na rin sa simbahan bukas ng umaga. We'll start arranging the flowers tonight. Isasalpak na lang lahat iyon bukas sa simbahan at reception. Iyong mga tulles, iaayos na rin bukas ng umaga kasabay ng pagdadala ng stands."

"Good," nasisisyahang sabi ni Jenna. "Kausap ko nga kanina lang si Samantha. Mabuti nga raw at kumpleto ka sa gamit kaya hindi na niya masyadong problema ang ganyang amenities. Sa pagkain na lang daw siya tututok since ipinasa na niya sa iyo ang lahat ng may kinalaman sa bulaklak."

"Iyong babae na iyon, kumpleto rin naman sa gamit pero mas gusto pang mabawasan ang kita," naiiling na wika niya.

"Ayaw mo ba nun? Pabor din naman sa iyo. Wait, nasabi na ba niya sa iyo na ikaw na rin ang bahala para sa mga centerpieces?"

"It's no longer new. Isinama ko na rin sa bilang ang mga bulalaklak na gagamitin para doon. Sabihin mo sa kanya, isang tray na lasagna ang kapalit nun. Hindi ko yata naisama sa kuwenta ang para sa mga centerpieces," pabirong sabi niya.

"Kilala mo naman si Samantha. Tiyak na babawi iyon. Let's say, mas interesado lang talaga siya sa pagkain kaya ngayong may nakitang mapagkakatiwalaan pagdating sa mga bulaklak, hindi na siya nag-interes pang intindihin iyon. Paano, Carol, tatawagan ko pa ang ibang wedding girls?"

"Okay. See you tomorrow."

"Bye."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Feel free to vote and comment; and share the link, too.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr: jasmineeauthor

Wedding Girls Series 14 - CarolineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon