HUBAD-BARO ang matipunong lalaki. At ang tanging pang-ibaba na suot ay isang masikip at tila maliit sa size nito na swimming trunks. Takaw-pansin ang ocean blue trunks nito pero sa palagay niya ay mas may taglay na atraksyon ang bahagi ng katawan nito na tinatakpan ng katiting na saplot na iyon. Pero ayaw niyang masabihan na interesado siya sa nakatago doon kaya naman kaagad na ibinaling ni Caroline ang tingin sa iba.
Tila palalo ang tindig nito na lalong pinapatindi ng mariing titig sa kanya. Ang buhok nito na bahagyang mahaba kaysa karaniwan ay tumutulo pa sa tubig, malamang ay kaahon lang nito sa paliligo sa isang swimming pool na hindi naman niya nakikita. Nangingintab ang buong katawan nito sa maliliit na patak ng tubig.
He was handsome, no doubt about it. Sabihin nang kay arogante ng buong anyo nito, hindi naman maitatanggi ni Caroline na guwapo ang lalaking nasa harapan niya ngayon. He had dark eyes, straight nose, thin lips and proud chin. Ang kayumangging kulay ay lalo pang nagbibigay ng dating na lalaking-lalaki nga ito, walang duda. At hindi balsamo ang hatid sa kanya ng anyong iyon. Sa halip, mabibilis na pintig ng kanyang puso ang naramdaman niya.
"Sino ka?" tila inip na muli nitong sita sa kanya.
"I'm Caroline," tila masunuring bata na sagot niya. At saka niya na-realize, hindi naman yata kailangang ibigay niya ang kanyang pangalan. Villa Verde Resort is open for public. Natural na kung sino-sinong tao ang maaaring dumayo doon. Puwede naman siyang magpakilala bilang isa sa mga dayo doon.
"Caroline," walang tonong bigkas nito sa pangalan niya. "Trespassing ka sa lugar na ito, in case you are not aware of it," walang iniwan ang tono nito sa isang nagtataboy ng palaboy na aso.
At dahil doon ay napikon na rin siya. "Ako, trespassing?" mataas ang tinig na sabi niya. "Ang alam ko ay bukas sa publiko ang resort na ito. Paano ako magiging trespassing?"
Isang ngiti ang gumuhit sa mga labi nito. Pero sa palagay niya ay mas malamang na ngisi iyon sapagkat puno ng sarkasmo. "Ang sakop ng resort ay ang bahaging iyon," turo nito sa lugar na pinanggalingan niya. "Ang lugar na kinatatayuan mo ngayon ay bahagi na ng isang private property which I own. I value my privacy very much, miss. Kaya huwag mong ipagtaray kung masita kita."
Sa narinig ay lalo namang umarko ang kilay niya. "Private property ito? Bakit walang bakod? Mister, kung ayaw mong maabala sa pamamasyal ng customer ng resort, pabakuran mo itong sinasabi mong private property mo. At para talagang walang makalapot dito, palagyan mo ng kuryente ang bakod!" halos umalsa ang litid sa leeg na sabi niya. "Sayang, gandang-ganda pa naman ako sa mga ibon. Akala ko'y bahagi ng attraction ng resort. Iyon pala'y isang masungit na kagaya mo ang may-ari. Oh, well, ano nga ba ang malay ko, baka tanging mga ibong ikinukulong mo ang may kakayahang sumakay sa ugali mo," ulos pa niya at nagpasya nang tumalikod.
"Hep!" malakas na sabi nito.
At inis na inis naman si Caroline sa kanyang sarili na sa isang salita lang na iyon ay parang awtomatiko rin namang huminto ang paghakbang sana niya. "Bakit?" gayunman ay mataray ding baling niya.
"Just an unsolicited advice," sabi nito. "Bago ka lumapit sa isang bagay, magmasid ka muna sa paligid. I'm sure, bulag lang ang hindi makakakita sa malaking karatulang nakaposte ilang hakbang lang buhat diyan sa kinatatayuan mo. It said: NO TRESPASSING." Umunat ang mahabang braso nito. "Ayun, o! In case you failed to see."
Salubong ang kilay, kunot ang noo at mahaba ang nguso na sinundan niya ng tingin ang direksyong itinuro nito. Oo nga, sa kahoy na poste ay mayroong nakapako na malaking plywood. NO TRESPASSING, gaya ng sabi nito.
Pero hindi niya basta-basta lulunukin ang pagkapahiya. Mabilis din siyang nakaisip ng katwiran. At napanatili niya ang mataray na ekspresyon nang ibaling niyang muli ang tingin dito.
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 14 - Caroline
RomanceWG CAROLINE - The Florist Hindi niya alam ang eksaktong sagot sa tanong ng kapatid niya. Mahigit isang buwan na silang palaging magkasama ni David-ang binatang nagmamay-ari ng resort na napuntahan niya. Pero hindi pa nila pinag-uusapan kung ano nga...