WG CAROLINE - Part 14

4.4K 138 3
                                    

"YOU'RE in love," sabi sa kanya ni Megan. "Kayo na ba ni Mr. Villa Verde Resort?"

Sa halip na sumagot ay tiningnan lang niya ito. Hindi niya alam ang eksaktong sagot sa tanong nito. Mahigit isang buwan na silang palaging magkasama ni David. Mahigit isang buwan na rin na sa tuwing magkasama sila ay palaging may nangyayari sa kanilang dalawa. Pero hindi pa nila pinag-uusapan kung ano nga ba ang relasyon nila sa isa't isa.

Hindi na niya naiisip na magtanong pa. Bukod sa wala naman siyang lakas ng loob na magtanong ng tungkol sa estado ng relasyon nila ay kuntento naman siya sa nangyayari sa kanila. Masaya sila palagi. Hindi sila nag-aaway. At totoo ang sabi ni David na romantiko ito. Sa bawat date nilang dalawa, pinapatunayan iyon ng binata sa kanya.

Sa mga araw na hindi sila nagkikita ay hindi naman nagkukulang si David sa pagtawag sa kanya. At bukod doon ay maya't maya din itong mag-text. Nabawasan na nga ang atensyon niya sa trabaho dahil kapag nag-text ito, nababaling na doon ang pansin niya at nagiging priority na niya na mag-reply dito kesa mag-eksperimento ng bagong arrangement ng bulaklak.

"Hindi ko nga pala nasabi sa iyo, galing kami ni Marvin kahapon sa resort," ani Megan nang tila mainip sa hinihintay na sagot niya.

Kunot ang noong nag-angat siya ng paningin dito. "At sinamantala mo naman ang imbitasyon sa iyo ni David?"

"Hindi, no!" may pagtataray na sagot nito. "May pera naman si Marvin. Naisip lang namin na doon magpunta para change of environment baga. Ni initial nga ni David hindi ko sinabi sa kahit na sinong tauhan doon. We came as paying guest. Hanggang sa matapos kaming mag-swimming, hindi naman namin nakita si David. Baka busy. Busy siguro sa iyo."

Hindi niya pinansin ang panunukso nito. "Mabuti naman. Nakakahiya naman doon sa tao kung nag-name drop ka pa. Baka akala, sinasamantala mo iyong imbitasyon niya."

"Siya ang mismong nag-imbita. Hindi naman siguro masamang paunlakan kahit minsan lang. Pero sabi ko nga kanina, nagbayad kami ni Marvin sa pagpunta doon. You don't have to worry."

"Ang sinasabi ko lang, nakakahiya kung sasamantalahin mo iyong imbitasyon niya. Baka akala, ang hilig mo sa libre."

"Nasabi mo na iyan kanina. Okay lang na magbayad kami for the meantime," at nginisihan siya nito. "Kapag nagkatuluyan kayo, magiging bayaw ko na siya. That's the time na dapat lang sigurong maging libre na kami sa pagpunta namin doon."

Umungol lang siya.

"Bagay kayong dalawa, Ate. Kung okay naman ang relasyon ninyo, I suggest na magpakasal na kayo. Hindi na uso ang lone engagement ngayon. Kami nga ni Marvin, pinag-uusapan na namin ang tungkol sa kasal. Medyo inaalala lang kita. Baka kasi kung mauna ako sa iyo na magpakasal, lalo ka nang hindi makapag-asawa. Eh, since may love life ka ngayon, tingin ko naman ay hindi na ako dapat na mag-alala. At mas lalo akong hindi mag-aalala kung mauuna kang magpakasal sa akin."

"Marriage is a life long commitment," pakli niya.

"Alam ko. I want to spend the rest of my life with Marvin. I love him. Wala naman sa tagal ng pagiging mag-steady ang pagdedesisyon sa pagpapakasal. Ang dami kong naging boyfriend. Kay Marvin ko lang naramdaman iyong siguradong-sigurado nga ako na siya na ang gusto kong pakasalan. Ikaw, naramdaman mo na ba iyong ganoong feeling kay David?"

"We're still getting to know each other," paiwas na sagot niya.

Ang totoo, hindi niya inaanalisa ang damdamin niya para kay David. Ni ayaw niyang isiping in love siya sa binata. Pakiramdam niya, kapag natanto niya ang bagay na iyon ay magiging problema lang niya. Baka maging demanding lang siya sa binata na suklian din nito ang pag-ibig niya.

Pero naiisip din niya, hindi naman siguro basta atraksyon lang ang nagtutulak sa kanya para patuloy na sumama dito. Hindi naman siguro atraksyon lang ang dahilan kung bakit hindi na niya mabilang kung ilang beses niyang ipinagkaloob ang sarili sa binata.

And yet, itinatanggi pa rin niyang mahal niya ito.

She must be crazy.

At napangiti niya. Yes she was crazy. She was crazy in love with him.

At lumuwang ang ngiti niya. Inamin din niya sa sariling in love nga siya sa binata.

"Ate, luka-luka ka na ba? Ngumingiti ka nang mag-isa?" sita sa kanya ni Megan. "Sabagay, mahirap talagang ipaliwanag ang kilos ng in love," tudyo nito sa kanya at iniwan na siya.

*****

"BLOOMING ka lately, Carol. In love ka?" pansin sa kanya ni Samantha nang mauna silang dumating sa Perfect Weddings para sa ipinatawag na meeting ni Jenna sa kanilang mga wedding girls.

"Nagpapaganda ba ang pag-ibig?" nakangiting sabi niya.

"Aba't in love nga ang bruha!" halos patiling wika ni Sam. "Sino ang malas na lalaki?"

"Secret!" ngisi niya.

"May pa-secret-secret ka pa diyan," sabad sa kanila ni Jenna. "Hindi ko aayusin ang kasal mo, makita mo."

"Hindi pa naman ako magpapakasal," aniya.

"At bakit hindi pa?" ani Jenna. "Ano ang hinihintay mo, delubyo? Kung nakita mo na ang tamang lalaki, wala nang dapat ipaghintay pa. Pumunta ka na sa city hall at mag-apply ng marriage license."

"Grabe, para namang hindi aabutan kapag ganoon," natatawang sabi niya.

"Ganoon talaga. Mahirap na, baka makawala pa ang lalaki," sabi ni Samantha.

"Still, the question is, sino ba iyong lalaki?" kulit ni Jenna.

"Carol, balita ko'y madalas ka sa Villa Verde Resort," tanong naman sa kanya ni Sienna na dumating na. "May inaayos na package tour doon ang staff ko. nabanggit niya sa akin na nakikita ka niya doon."

Sabay na tumikhim sina Samantha at Jenna. "Hindi mo na kailangang sabihin sa amin kung sino siya," sabi ni Jenna.

Kumunot ang noo ni Sienna. "Wait, hindi yata ako maka-relate sa usapan ninyo."

"Hmm, wala lang. Love life lang ni Carol," ani Samantha.

Namilog ang mga mata ni Sienna. "Really? May love life ka na?"

Napangiti na lang siya. Pero hindi rin siya nakaiwas sa mga panunukso lalo na nang magdatingan ang iba pang wedding girls. Dahil regular meeting lang naman iyon at wala silang seryosong problema na dapat lutasin, tila mas natuon pa sa panunukso sa kanya ang dapat sana ay agenda ng meeting.

Hanggang sa maghiwa-hiwalay sila, panay kantiyaw ng mga ito ang inabot niya.

"Get married soon, Caroline," tila utos pa ng mga ito sa kanya nang sumakay siya sa kotse niya.

Napapangiti naman siya habang nagmamaneho. Sa halip na mapikon ay natutuwa siya sa naririnig. Alam niya, masaya ang wedding girls para sa kanya. At aaminin din niyang tila siya kinikiliti sa ideyang magpapakasal siya. Of course, the groom would be David. At sino pa nga ba? Ito lang naman ang lalaking pinag-uukulan niya ng pag-ibig.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Feel free to vote and comment; and share the link, too.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Wedding Girls Series 14 - CarolineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon