"MAGANDA naman ba ang takbo ng flower shop mo, Carol?" tanong sa kanya ng ama habang magkakaharap sila sa almusal.
Masaya siyang tumango. "Nakabuti na nagkakilala kami ni Jenna, Pa. Iyong sinasabi ko noon sa iyong wedding planner. Official supplier ako ng Perfect Wedding, iyong shop niya. Sa mga kontrata ko pa lang buhat sa kanya, buhay na itong shop puwera pa iyong mga walk-in clients namin dito at dati nang suki."
"Tama naman pala ako sa desisyon kong huwag galawin itong bahay natin dito sa Maynila. Kung nagkataong umuupa ka, malaking gastos din iyon. Isa pa, wala kang makikitang ganito na halos bodega mo na rin ng gamit."
"Correct ka diyan, Pa. Ang suwerte nga daw namin at maganda na ang lokasyon nitong flower shop, nagkataon pang atin ito," wika naman ni Megan. "Hehe, kung alam lang nila, halos wala kaming puhunan sa mga bulaklak. Basta galing sa farm ang bulaklak na ginagamit namin dito, kulang na lang ay hindi kami magbayad sa sobrang mura ng kuha namin. Sa tuos namin ni Ate, halos pang-krudo lang ng truck ang halaga ng kinukuha naming bulaklak."
"Ayos lang iyon. Para sa inyo namang magkakapatid ang farm kaya hindi na kailangang mahalan pa kayo ng presyo. Nakakabawi naman ng puhunan kapag nagbabagsak sa Dimasalang."
"Kung umuupa siguro ako ng shop tapos iyong titirhan pa namin dito ni Megan, baka hindi kami makaipon. Siguro, hindi ko na rin gugustuhing magtayo ng flower shop dito. Baka tumulong na lang ako sa inyo sa farm."
"Sayang ang talento ninyo sa pag-aayos ng bulaklak. Tama lang na meron kayo nitong shop. Mahalin ninyo itong negosyo, lalo ka na, Caroline," payo nito.
"Of course, Pa. Kanino ko pa ba matututunan iyon kundi sa inyo din. Minana ninyo pa sa mga lolo ang farm. Bata pa ako, nakikita ko na kung paano ninyo paunlarin ang farm na iyon. Dati-rati, carrots ang nakatanim doon. Kayo ang nag-convert niyon para maging flower farm."
"Suwerte nga at naging maganda naman ang resulta. Lahat ng pagsisikap ginagawa ko para sa inyong magkakapatid. Malungkot nga lang at nawala na ang mama ninyo."
Tila awtomatiko ang naging paglungkot ng mukha niya. Bagaman tatlong taon nang namayapa ang kanilang ina, naaapektuhan pa rin sila ng lungkot basta nabanggit ito. At ang kalungkutang iyon ang tila lumutang sa hangin.
"Wala na tayong magagawa, Pa. Wala naman sigurong may gusto na magkaroon siya ng breast cancer. Siguro consolation na natin na tumagal pa ng dalawang taon ang buhay niya after a series of chemotheraphy."
"Akala ko pa naman, maliligtasan niya ang remission," ani Megan.
"Pa, cheer up!" encourage niya sa ama. "Isipin na lang natin na bonus na rin iyong dalawang taon na naging extension ng buhay ni Mama para makasama pa natin siya. Iyong iba nga, ni hindi natatapos ang chemo at bumibigay na. Naipakita rin naman sa atin ni Mama na hindi pa niya tayo gustong iwan. Iyon nga lang, hindi naman natin hawak ang mga buhay natin. Binabawi iyan ng Diyos sa panahong itinakda na."
Ngumiti ang kanyang ama subalit mas bakas pa rin sa anyo nito ang lungkot. "Nami-miss ko pa rin ang mama ninyo."
"Kami din naman. Don't be sad, Pa. Sabi mo nga, kambal ang magiging anak ni Kuya Vic. Mapupuno na ang oras mo pagdating ng dalawang bata. Kami din siguro ni Megan, basta may pagkakataon, uuwi kami para makita ang mga bata. Unang apo yata ang mga iyon at kambal pa! Mabuti na lang at nalahian tayo ng kambal."
"Pero hindi ko rin maiwasang isipin, kung nandito lang ang mama ninyo—"
"Wala na ang mama. Malay natin, kaya naging kambal ang magiging apo ninyo para makabawi sa absence niya. Ganoon na lang ang isipin natin, Pa. Mas malungkot kasi kung magpapaapekto tayo palagi sa pagkawala ni Mama. I'm sure, ayaw din ni Mama na ganoon ang maramdaman natin."
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 14 - Caroline
RomanceWG CAROLINE - The Florist Hindi niya alam ang eksaktong sagot sa tanong ng kapatid niya. Mahigit isang buwan na silang palaging magkasama ni David-ang binatang nagmamay-ari ng resort na napuntahan niya. Pero hindi pa nila pinag-uusapan kung ano nga...