ITINUON ni Caroline ang pansin sa mga bulaklak. Bigla ay parang gusto na niyang umuwi. At naisip niya, ano pa nga ba ang ginagawa niya roon? Kanina pa siya nakawala sa epekto ng alkohol. At napagbigyan na rin naman niya si Dave sa anyaya nito sa kanya.
"I think I better go now," aniya at biglang pumihit.
Hindi niya inaasahang babangga siya sa mismong dibdib ni Dave. Hindi man kalakasan ang naging impact niyon ay sapat naman upang mawalan siya ng balanse. Maagap naman sa pag-alalay sa kanya ang binata. Dumiin ang kamay nito sa kanyang bewang upang hindi siya tuluyang matumba.
"Muntik ka na," mahinang sabi nito.
"H-hindi ko alam na nasa likuran pala kita," conscious na conscious na sabi niya.
Hindi pa bumibitaw ng hawak sa kanya ang binata. At sa labis na pagkakadikit ng kanilang katawan, sinumang makakakita ay hindi sasabihing inalalayan lang siya ni Dave sa muntikan niyang pagkatumba. Mukha silang magkayap lalo at nakadantay din ang kamay niya sa balikat nito upang doon kumuha ng suporta.
"Saan naman ako pupunta? Dadalawa lang tayo dito alangan namang lumayo pa ako?" tila may kahalong lambing na sagot nito.
Isang paghinga ang pinakawalan niya at ipinasyang dumistansya na dito. Pero tangkang paglayo pa lamang ang nagagawa niya ay naramdaman na agad niya ang pagdiin pa ng mga daliri nito sa kanyang bewang.
"Dave, uuwi na ako."
"At this time of the night?" anitong may bakas ng pagtutol ang tinig. "Spend the night here, Carol."
Mabilis siyang umiling. "No."
"Kung papayagan man kitang mag-commute ay wala nang biyahe. Wala kang masasakyan. Besides, hindi naman talaga ako papayag. Ihahatid kita. Bukas."
"Dave—"
"Napakaraming kuwarto sa itaas. Makakapamili ka kung saan mo gustong magpalipas ng gabi."
Hindi pa nangyaring nakitulog siya sa ibang bahay. Lalo na sa bahay ng isang taong hindi niya gaanong kilala at lalaki pa.
"Wala kang dapat ipag-alala, Carol," sabi pa nito. "Ihahatid kita bukas ng umaga din."
"Pero—"
"Wala nang pero," nakangiting sabi nito. "Tara, malamang ay inaantok ka na. Ihahatid na kita sa itaas."
Nagtatalo ang isipan ni Caroline kung tama nga ba ang ginagawa niya habang paakyat sila sa ikalawang palapag ng bahay. Nang buksan ni Dave ang isang kuwarto ay hindi na siya namili pa. Tinanggap na niya ang kuwartong iyon.
"Hey, hindi ka mauubusan ng silid," pabirong sabi nito sa kanya. "Ipinakita ko lang iyan sa iyo. Wala iyang sariling toilet and bath. Pupunta ka pa sa dulo ng pasilyo kung kailangan mong magbanyo."
"Okay na ito," pilit niya. "Iilang oras lang naman ang ipaghihintay ko at umaga na. Pasensya na sa abala."
"Don't mention it. Hindi ka naman isang abala. Bisita kita. I invited you here."
Tumango siya. "Salamat."
He smiled. "Good night, Carol." At ikinagulat niya ang ginawa nitong pagdukwang sa kanya at pagdampi ng halik sa sulok ng kanyang bibig.
*****
HAPLOS-HAPLOS ni Caroline ang bahagi ng bibig na hinalikan ni Dave habang nakahiga siya. Kung beso-beso lang sana ang ginawa nitong paghalik ay hindi siya gaanong mag-iisip. Pero ang paghalik sa mismong sulok ng kanyang mga labi? Hindi niya maisip kung ano ang kahulugan niyon.
Nakakatiyak siyang hindi naman iyon isang pagsasamantala pero kinakapa niya sa sarili kung ano nga ba ang dahilan at ginawa nito iyon. At habang hindi nakakahanap ng sagot ay hindi rin naman siya dalawin ng antok.
Nagpasya siyang bumangon at lumapit sa bintana. Bagaman may aircon ang kuwarto ay pinili niyang huwag nang paandarin iyon dahil presko naman ang hangin. Eksaktong paglapit niya sa bintana ay saka naman niya nakita ang isang bulto ng tao na nag-dive sa tubig.
Alam niyang si Dave iyon bagaman likuran lang nito ang nakikita niya. Pamilyar na sa kanya ang bulto nito. Natatandaan pa niyang nang una niya itong makita ay halos hubad ito. Kagaya na lang ng anyo nito ngayon habang lumalangoy.
Dave was indeed attractive. Marahil nga ay nagkataon lang na wala ito sa magandang mood nang sitahin siya nito noong una silang magkatagpo. But he had shown his other side now. Maestima naman itong host sa kanya. At huwag na lang niyang iisipin ang ginawa nitong biglang paghalik sa kanya ay wala naman siyang nakikita nang mali sa pagtrato nito sa kanya.
Pero hindi naman yata maaaring hindi niya isipin ang halik na iyon. Katunayan ay iyon nga ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi siya dinadalaw ng antok. At anhin man niyang pakiramdaman ang sarili, hindi naman niya nararamdamang dapat niyang ikagalit iyon. Nagtataka siya manapa. Pero ang mas higit na totoo ay tila may hatig na kilig sa kanya ang paghalik na iyon.
"Carol!"
Nagulat pa siya nang marinig ang sariling pangalan. Nakita niyang tumigil na sa paglangoy si Dave at nakupo na lang ito sa gilid ng pool. Nakatingala ito sa kanya at kumakaway pa.
"Join me!" malakas uling sabi nito.
"Ayoko," sagot niya.
"Come on! Masarap maligo. Ang lamig ng tubig." Tumayo ito at tila papasok sa loob ng bahay.
Umalis siya sa tapat ng bintana at naupo sa kama. Kung kakatukin siya ng binata, ano ang gagawin niya? Ayaw niyang maligo. Bukod sa hindi siya sanay na maligo ng ganoong alanganing oras, hindi naman siya marunong lumangoy. At isa pang dahilan, wala naman siyang dalang pamalit sa suot niya.
"Carol," tawag sa kanya ng binata buhat sa kabilang pinto.
Nag-aalangan siya sa paghakbang subalit pinagbuksan niya ito. Nakatapis ito ng tuwalya sa bewang subalit hindi na nito inabalang tuyuin ang sarili. Tumutulo pa ang tubig sa buhok at buoong katawan nito. "Ayokong maligo, Dave," sabi na niya agad.
"Narito ka na rin lang bakit hindi ka pa maligo?" kumbinse nito. "Wala kang dapat ipag-alala kung pampaligo ang problema mo. May stock na damit sa resort. Nagpakuha na ako sa isang tauhan."
"Hindi ako sanay na maligo nang ganitong oras. Baka sipunin ako."
Tumawa ito nang mahina. "May heater ang pool. Pagaganahin ko kung iyon lang ang problema. Please join me. And I assure you, mas magiging mahimbing ang tulog mo pagkatapos. Night swimming ang mabisang pampaantok sa akin."
Isang mabilis na paghinga ang ginawa niya. Pakiramdam niya, anuman ang gawin niyang pagtanggi ay balewala rin. At hindi pa nga siya nakakatango ay narinig na nilang tumatawag ang tauhan nito. Nang silipin nila iyon ay nakita niyang may dala na itong damit at tuwalya.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Feel free to vote and comment; and share the link, too.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 14 - Caroline
RomanceWG CAROLINE - The Florist Hindi niya alam ang eksaktong sagot sa tanong ng kapatid niya. Mahigit isang buwan na silang palaging magkasama ni David-ang binatang nagmamay-ari ng resort na napuntahan niya. Pero hindi pa nila pinag-uusapan kung ano nga...