NAGPAPASALAMAT si Caroline na hindi siya overdressed sa suot niyang kaswal na bestida. Nang sunduin siya ni David ay naka-poloshirt lamang ito na ipinaragan sa maong na pantalon.
"You're beautiful," puri nito sa kanya matapos niya itong patuluyin.
"Huwag ka nang mambola," nakangiting sabi niya dito. "Nakagayak na ako. Pumayag na akong makipag-dinner date sa iyo."
"Nagsasabi ako ng totoo," anito at bahagya siyang kinabig. "Wala man lang bang kiss? Ilang araw tayong hindi nagkita."
Hindi niya alam kung dapat pero nakadama siya ng kilig sa lambing ng tono nito. Lalong tumamis ang ngiti niya at tumalima naman. Tumingkayad siya ng kaunti at humalik dito.
Hindi naman siya agad na pinawalan ni David. Sinamantala nito ang pagkakalapit nila at hinapit pa siya sa bewang. "I missed you, sweetheart," pabulong na wika nito.
Humiwalay siya dito at umirap subalit nasa mga labi pa rin ang ngiti. "Ilang araw kang hindi nagparamdam man lang, Dave. Nawala kang parang bula."
"I'm going to explain pero puwede bang mamaya na? Let's go, sweetheart para hindi tayo gabihing masyado sa daan."
Bahagyang kumunot ang noo niya. "Gabihin? Bakit, saan ba tayo pupunta?"
"Alam ko hindi na masyadong sorpresa pero pinili ko ang isang private dinner sa resort. Nagpahanda ako sa tauhan ko ng espesyal na hapunan. I think it's better kesa sa magpunta tayo sa hotel or restaurant. I missed you, Caroline. Parang ayoko munang may kasalo akong iba sa iyo kahit ba makikitingin man lang sila."
Itinaas niya ang mga kilay. "Ano ka, obsessed o seloso?"
Ikinibit nito ang balikat. "Basta ang alam ko, gusto lang kitang masolo for tonight. Shall we?"
Tatango na sana siya nang isang pagtikhim ang narinig niya.
"Mas bisita pala tayo?" patay-malisyang tanong ni Megan pero nang magtama ang tingin nila, alam niyang may panunukso ang tonong iyon ng kapatid.
"Dave, si Megan. Kapatid ko. Siya ang kasama ko dito at assistant na rin sa flower shop."
"David Villaverde," baling dito ng binata. "Nice to meet you, Megan."
"Same here," mabilis na sabi ni Megan matapos ang sandaling pagdadaop ng mga palad nito. "Did you say Villaverde?" At luminga ito sa kanya. "Ate, hindi ba't Villa Verde Resort iyong venue ng kasalang hindi natuloy kamakailan lang? Sa inyo ba iyon o nagkataon lang na magmukha ang pangalan?" tanong nitong muli sa binata.
"Sa aming magkakapatid," kaswal na sagot ni David.
"Wow, big time," nakangising wika ni Megan.
"Aalis na kami," sabi na niya agad bago pa mapunta kung saan ang paghaharap nilang tatlo. Kilala niya si Megan. May katabilan ang dila nito. Baka mamaya ay ma-misinterpret pa ni David ang inosenteng komento nito.
"Okay, enjoy yourselves."
"Pasyal ka sa resort. Sabihin mo lang sa receptionist na guest kita at wala ka nang iintindihin," sabi naman dito ni David.
"Talaga?" tuwa namang wika ni Megan. "Puwedeng magsama? Aayain ko doon si Marvin."
Pinandilatan ni Caroline ang kapatid. "Hindi ka nagpakipot man lang. Nakasunggab ka agad."
"It's alright. Talaga namang iniimbita ko siya. Puwede kang magsama, Megan. Welcome ka doon anytime."
"Thank you! Hayaan mo at pupunta kami. Nakakasawa na rin kasing mag-date sa mall at manood ng sine."
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 14 - Caroline
RomanceWG CAROLINE - The Florist Hindi niya alam ang eksaktong sagot sa tanong ng kapatid niya. Mahigit isang buwan na silang palaging magkasama ni David-ang binatang nagmamay-ari ng resort na napuntahan niya. Pero hindi pa nila pinag-uusapan kung ano nga...