WG CAROLINE - Part 6

4.4K 130 4
                                    

TATLONG araw pagkatapos ng naunsyaming kasal ay nakatanggap ng tawag si Caroline buhat kay Jenna. Masigla na ang boses nito. At ayon dito ay magse-celebrate daw silang mga wedding girls. Kahit hindi pa niya alam kung ano ang dapat i-celebrate gumayak siya at nagpunta sa meeting place nila na isang sosyal na resto-bar sa Makati.

Halos kumpleto na ang lahat ng wedding girls nang dumating siya doon. As usual, sinasamantala ni Lynette ang pagkakataon upang alukin sila ng tinda nitong alahas.

"Carol, mura lang ang set na ito. Tingnan mo naman, ang kinang ng bato. Flawless iyan," salestalk nito agad sa kanya nang mapatabi siya ng upo dito.

Tiningnan niya ang ternong hikaw at singsing na natatamnan ng maliliit na diyamante. Maganda nga ang disenyo. At alam niyang hindi naman sila pinepresyuhan nang mataas ni Lynette. Pero bago siya matukso na kunin iyon ay ibinalik na niya iyuon agad dito.

"Next time na lang, Lyn. May pinaglalaanan kasi ako ng savings ko, eh," dahilan niya.

"Ano ka ba? Kahit four months mo ito hulugan, hindi ko tataasan ang presyo."

Ngumiti siya. "I know. Ang kaso ay wala sa priority ko ngayon ang bagong alahas."

Umirap ito pero nakangiti rin. "Hmp! Basta i-promise mo lang sa akin na kapag nagka-boyfriend ka, sa akin mo ituro para bilhan ka ng singsing, okay?"

Lumapad ang ngiti niya. "Promise. Bago ko pa siya sagutin kung sinuman siya, iyong calling card mo kaagad ang iaabot ko sa kanya."

"Kailan ka naman kaya magkaka-love life?" tudyo sa kanya ni Mica na nakaupo sa tapat niya.

"Ewan ko. Siguro pag meron ka na, mag-aapura na rin ako. Magkaedad tayo, di ba?"

"Na para bang kayo lang ang magkaedad," sabad sa kanila ni Sydney, ang kanilang wedding singer. "Hindi naman nagkakalayo ang mga edad natin, ah?"

"Yeah, kundi late twenties, nasa early twenties tayo," wika naman ni Haidee, ang official emcee sa wedding girls.

"Pero may love life ang iba sa atin. Unlike us, puro trabaho ang iniintindi," sabi uli niya.

"Choice ninyo lang kasi na trabaho ang priority," ani Samantha. "Kung gusto ninyong magka-love life, napakadali lang."

"Ows? Paano?" namimilog ang mga mata na tanong ni Imee, ang .

"Matuto kayong mag-flirt!" nakangising sagot ni Samantha.

Lumutang ang tawanan sa kanilang grupo. Game na tumayo si Sienna, ang kanilang travel agent.

"Ganito ba ang pagpi-flirt?" tanong nito na inililis ang palda hanggang kalahati ng hita nito at iginiling nang bahagya ang balakang.

"Sienna, stop it!" saway dito ni Caroline.

"Naeskandalo ka?" bulong sa kanya ni Lynette. "Wala kay Sienna iyan. Kahit pagsayawin mo iyan sa ibabaw ng mesa, gagawin niyan, eh."

"Nakakahiya sa ibang customer nitong bar," aniya at iginala ang tingin sa paligid.

Bukod sa kanila ay mayroon pang okupadong dalawang mesa. Obviously, sa lakas ng tawanan nila at marahil dahil na rin sa ginawa ni Sienna ay naagaw nila ang atensyon ng mga ito. Ilang sandali ding nakatingin ang mga iyon sa kanila bago ibinaling ang pansin sa iba. Mayroon ding isang lalaking sa bar counter nakaupo. Sa lahat ay iyon ang tila walang pakialam sa kanila. Nakatalikod iyon at parang walang pakialam sa paligid.

"Matagal pa kaya si Jenna?" tila pag-iiba ng paksa ni Alex, ang kanilang printer.

"Parating na daw," ani Veronica. "Loka din ang babaeng iyon. Siya ang nag-set nitong dinner, siya itong late."

"Okay lang," ani Sienna. "Malinaw naman ang instruction niya. Puwede tayong umorder kahit wala pa siya."

"Hmm, kaya sinasamantala mo naman?" pinong sumbat dito ni Donna. "Tingnan mo nga iyang nainom mo. Aba'y kinonsumo mo na yata ang iinumin mo hanggang sa isang linggo."

"Sobra ka naman. Nakakadalawang bote pa lang ako, ah?"

"Bakit ang tama sa iyo, parang dalawang case na ang ininom mo?" sabi ni Samantha dito.

Tiningnan nito nang masama si Samantha at saka lumabi. "Okay, okay, hindi na ako iinom. Iyong inorder ko, kayo na ang uminom."

"Pass ako diyan. Hindi ako marunong uminom," sabi agad ni Caroline.

"Anong pass-pass? Hindi puwede, 'no? May ise-celebrate tayo kaya lahat tayo, iinom," ani Haidee.

"She's right!" sabi ni Jenna na dumating na rin. "We have reason to celebrate, wedding girls!"

"Ano iyon?" halos chorus na tanong nila dito.

Naupo muna si Jenna at dramatiko pa silang nginitiang isa-isa bago muling nagsalita. "Remember the last wedding we had?"

Halos lahat ay umikot muna ang mga mata bago nagbigay ng iba't ibang reaksyon.

"I won't forget that. Napanisan ako ng pagkain doon, 'no!" ani Samantha.

"At bigla akong namigay ng libreng cake dahil doon," wika naman ni Imee.

"Well, nalantahan din naman ako ng bulaklak. Pinadala ko sa mga chapel at sementeryo ang iba bago tuluyang nalanta," sabi naman niya.

"Prrrttt!" ani Jenna. "Bago pa magreklamo ang lahat, pakinggan ninyo na lang ako. Nakipagkita na sa akin ang mother of the groom. She settled their balance with us. Ipinapahanda ko na kay Noemi ang mga balanse ko sa inyo. Bukas, puwede ninyo nang kunin iyon sa office. And guess what, she gave us a bonus."

"Bonus? Iyon ba ang dapat itawag samantalang sila na nga itong napahiya sa kasalang iyon?" react ni Lynette.

"Whatever the term is, ang malinaw ay may ibinigay sila," ani Samantha. "How much, Jenna?"

"Apat na ulit ng karaniwang tip sa atin," kaswal na sabi nito.

"Wow!" halos sabay-sabay na wika nila.

"Then let's drink!" ani Sienna.

"Tomador!" kantiyaw dito ni Veronica.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Feel free to vote and comment; and share the link, too.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Wedding Girls Series 14 - CarolineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon