WG CAROLINE - Part 4

4.6K 129 4
                                    

"ANO BA ang makakain natin diyan?" lapit niya kay Samantha na abala naman sa pagmamando sa staff nito. Kadarating lang ng van nito at mabilis nang ipinapahanda ang mga pagkain. Kagaya niya, marami rin itong tangay na well-trained staff kaya naman sa kaunting oras ay naiaayos nito ang mga dapat ihanda.

"Oy, ikaw pala, Carol," baling nito sa kanya. "May inihanda ako for us and the staff. Tapos na ba kayo ng grupo mo? Doon na kayo sa kitchen nitong resort. Nandoon si Aling Lita. Kapag nakita ka noon, tiyak na aasikasuhin ka na noon."

"Nagbibiro lang ako. Sige na, unahin mo na muna ang trabaho."

"Birong totoo. Alam mo naman ako, hindi lang mga bisita ang ipinaghahanda ko ng pagkain kundi pati na rin tayo. Aba, hindi madaling mag-set up ng ganitong handaan, ah? Mamaya lang, busy na tayong lahat. Kailangan busog tayo."

"Tapos na naman ang trabaho namin. Nagpapahinga lang ang staff. Mamaya, pagkatapos ng lahat ng sermonya at habang papunta naman ang bride and groom sa honeymoon destination nila, raratsada na naman tayo sa pagliligpit."

"Sinabi mo pa!" ayon ni Samantha na kung wala lang sigurong hawak na food tray ay malamang na makipag-appear pa sa kanya. "Ilang oras na okasyon pero ang preparasyon, tumatagal pa kung minsan ng mahigit isang taon. At pagkatapos ng mismong okasyon, may ligpitin pa."

"Mismo. But who's complaining? Dito tayo kumikita."

Halos sabay silang natawa. "Well, ano pa nga ba? Nakakapagod lang talaga but I enjoy what I'm doing. Nang ipanganak yata ako ng mama ko ay idiniretso na yata ako sa kusina para maggisa. Hindi lumilipas ang araw na hindi ako humaharap sa kalan," kuwento pa ni Samantha.

"Exposure naman sa side ko. Lumaki ako sa farm. Dati gulay ang tanim namin. Noong unti-unti akong nagkakaisip, bulaklak naman ang itinanim namin. Ang alam ko lang dati, nakikipitas ako ng bulaklak. Kung paano ako natutong mag-arrange ng bulaklak, hindi ko na matandaan. And just like you, I also enjoy what I'm doing. I guess, I would arrange flowers even for free. Pero siyempre sa mga espesyal na tao lang iyon. Kapag may wedding girl na ikinasal halimbawa."

Umikot ang mga mata ni Samantha. "Huwag mo akong titigan. Wala pa akong balak na magpakasal. Si Jenna ang dapat na mauna sa atin kung sakali. She's the wedding planner. Hopefully soon, sariling kasal naman niya ang ipaplano niya."

"May love life ba siya?"

"Malamang kagaya mo, wala," nakangising sagot ni Samantha. "Ewan ko lang din. Hindi ko naman tinatanong si Jenna tungkol sa love life."

"You mean, ikaw meron?"

She just smiled. "Paminsan-minsan."

"Ma'am, nai-ready na po ang buffet table. Paki-check na lang po," lapit kay Samantha ng staff nito.

"Maiwan muna kita, Carol," paalam nito sa kanya at tumalikod na.

Arkilado ng ikakasal ang buong Villa Verde resort kaya naman sarado din ang kiosk kung saan puwede siyang magmeryenda. Ayaw man dahil makakaabala siya, napilitan na rin siyang sundin si Samantha na magtungo sa kitchen upang makipagkita sa kusinera nito. Nagugutom na siya. Isa pa, naisip niyang malamang ay gutom na rin ang staff niya kaya inaya na niya ang mga ito.

"Dating gawi, guys," pabirong wika niya sa mga ito. "Sagot ni Samantha ang pagkain natin. Bahala na kayong dumiskarte. Basta mamaya, kapag dumating na ang mga bagong kasal at bisita, alerto din kayo dahil baka kailanganin ni Jenna ng staff."

Ugali na niyang mag-antabay kay Jenna kung sakaling kailangan pa nito ng tulong. Hindi naman siya makuwentang tao. Basta alam niyang kapos sa assistance si Jenna, pinapatulong niya ang staff niya kahit na nga ba hindi na iyon kasali sa trabaho nila. Usually, sa pagliligpit sila tumutulong upang mapabilis ang pag-alis nilang lahat sa venue.

"Sure, Ma'am. Ang importante ay makakain muna ngayon. Kung mamaya pa pagkatapos ng reception tayo kakain, tiyak na nalipasan na tayo ng gutom."

Nang makarating sa kitchen ay ipinakilala niya kay Aling Lita ang staff niya. Madali naman silang inasikaso nito. Iniabot kaagad sa kanila ang packed lunch na naglalaman ng kanin, pancit canton at fried chicken. Karaniwan namang ganoon ang pine-prepare ni Samantha para sa staff. Mamaya, pagkatapos ng handaan, kung ano ang matitirang putahe ang siyang pagsasaluhan nilang lahat. Nagpapauwi pa nga ito kung talagang labis-labis ang pagkain.

"Carol, nandiyan sa cooler ang soft drinks. Bahala na kayong kumuha," wika sa kanila ni Aling Lita matapos iabot ang disposable spoon and fork. "Doon na muna ako at ilalabas pa namin ang ibang putahe."

"Sige, Manang, salamat!"

*****

NANG mabusog si Caroline ay nagpasya siyang maglakad-lakad muna. Wala pa ang mga bagong kasal bagaman tantiya nila ay tapos na ang seremonya sa simbahan at nagtatagal na lang sa picture-taking.

Ngayon lang siya napunta sa resort na iyon. Dinig niya ay bagong tayo lang ang naturang resort pero nagsisimula na ring makilala bilang venue ng iba't ibang okasyon.

Malawak ang lugar. Tatlo ang malalaking swimming pool at hindi pa kasali doon ang children's pool. Mayroong playground at facilities for indoor games. Marami ring nakakalat na cottages at tatlong iba't iba ang capacity na function halls—ang isa nga ay siyang pagdadausan ng kasal ngayon. Ang mga nagtataasang puno ay mukhang hindi mga bagong tanim lang. Sa landscape pa lang ay halata nang ginastusan nang husto ang resort. Mayroon pang orchidarium at aviary. Parang mahirap maniwalang matatagpuan sa Maynila ang ganito kalaking lugar para sa isang resort.

Bagaman likas siyang mapagmahal sa bulaklak ay mas naagaw ng dambuhalang hawla ng mga ibon ang pansin niya. Diretso ang naging hakbang niya patungo doon. Tuwang-tuwa siyang pagmasdan ang iba't ibang uri ng ibon na hula niyang mga mamahalin din at collector's item.

Nabasa niya sa isang showbiz article na si Aga Muhlach ay mayroong koleksyon ng iba't ibang klase ng ibon. At ayon sa writer ng artice ay pagkamamahal din ng mga naturang ibon.

Malamang ay ganoon din ang uri ng mga ibong nasa harapan niya ngayon. Karamihan sa mga species na nakikita niya ay sa national geographic channel yata niya unang nakita. Mayroong ibon na maraming kulay ang balahibo, mayroon namang karaniwan lang ang kulay ng balahibo pero kitang-kita ang kaibhan nito sa porma ng tuka.

Ang ingay na pumupuno sa paligid ay mula din sa mga huni ng ibon. Bagaman nag-iisa ay napangiti siya nang maluwang. Ngayon siya naniniwalang iba ang sayang naidudulot ng kalikasan sa damdamin ng isang tao.

Kagaya ng bulaklak na nakasanayan na niyang nasa paligid niya, natuklasan niya ngayon na nakakaaliw ang pagmamasid sa mga ibon. Dahil sa ga-bahay na aviary, nakakulong man ang mga ibon ay mukhang kuntento na rin sa paglipad ng mga ito. Malaya nitong naibubuka ang mga pakpak at nakakadapo sa mga sanga ng punong sadyang itinanim din sa loob niyon. Lubha ring nakakagaan ng pakiramdam ang pakikinig sa huni ng mga ito.

Bigla tuloy naisip ni Carol, kung magkakaroon siya ng pagkakataon at panahon ay baka pagsikapan rin niyang mag-alaga ng ibon kahit na ilang pares lang. Natuklasan niyang ibang uri ng kapayapaan ang hatid sa dibdib ng mga ibon.

"Who are you?" padaskol na sita sa kanya ng isang tinig na nagbuhat sa kanyang tagiliran.

Napabaling siya dito. At natuklasan niya, taliwas ng mga ibon ay hindi kapayapaan ang hatid sa kanya ng lalaking nabalingan niya.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Feel free to vote and comment; and share the link, too.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Wedding Girls Series 14 - CarolineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon