Entry #1: The Stranger by risingservant

42 4 0
                                        

Umihip ng pagkalakas-lakas ang hangin habang ako'y naglalakad sa gitna ng kalsadang nababalutan ng dilim. Hindi ko batid na masama pala ang lagay ng panahon ngayon kaya heto't sawing palad at lupaypay ako habang patuloy ako sa pagtahak ng daang walang patutunguhan.

Ang bawat tao sa paligid ay pawang mga nagkukubli sa loob ng kanilang mga tahanan. Hindi nila alintana ang lamig sapagkat may init na dumadahop sa kanilang katawan. Hindi gaya ko, ni walang masilungan.

Patuloy ako sa paglilibot sa madilim na daan. Tanging langitngit lamang ng mga kawayan sa aking bandang tagiliran ang iyong maririnig. Magugulat ka rin sa kaluskos ng mga dahon sa puno na pawang nagbabadya ng piligrong darating.

Sa aking pagbagtas sa daang karimarimarim, ang mga yabag ko ay nagmistulang mabibigat. Bigla akong kinilabutan ng mapadako ang aking tingin sa may puno ng kawayan na tatlong magkakadikit, isang babaeng nakaputi ang kumakaway sa akin. Nagsitaasan ang lahat ng balahibo ko sa katawan lalo na sa kahindik-hindik nitong pagtingin sa akin.

Ang pagkaway niya sa akin ay para bang may kakaibang kahulugan. Hanggang ngayon, naghuhumindig pa rin ako sa takot dahil sa akin lang nakabaling ang kaniyang paningin. Ayaw kong mag-isip ng kung anu-anong bagay patungkol sa mga hindi inaasahang nilalang kaya nagmadali akong maglakad habang taimtim na nagdarasal.

Ganito talaga sa probinsya, pawang nagtatayugan ang mga puno na pumapalibot sa paligid ng kalsada. Sa patuloy kong paglalakad, napadaan ako sa pinakamatandang puno sa lugar namin. Ang punong kinatatakutan ng lahat sapagkat may namamahay daw dito.

Sa totoo lang, ang pinakamatandang punong ito ay ang pinakamaganda at pinakamatibay sa lahat ng punong nakita ko. Dumaan man ang kahit na anong unos, hindi ito tumumba. Isang usok ang aking napansin kaya biglang napamulagat ang aking mga mata. Ni minsan ay hindi pa ako nakakita ng kakaibang nilalang at ngayon lang mismo. Ang katawan ko ay parang kinukuryente sa kaba, nerbiyos, at takot na namumutawi rito. Ni hindi ko na nga magawang ihakbang pa ang aking mga paa dahil sa sobrang takot na aking nadarama.

Nagbubutil ang aking pawis sa mukhang at pawang ito'y malamig. Ni hindi ko magawang lumingon sapagkat alam kong pinagmamasdan niya ako. Totoo nga ang sabi nila, nakakatakot ang mga kapre. Nanlilisik ang kanilang mata na para bang matutunaw ka kapag tinitigan mo ito base sa aking peripheral vision.

Tiningnan ko ang oras sa aking cellphone, 10pm pa lang naman pero bakit ang aga nilang magpakita? Hindi ba sabi nila, 3am daw nagpapakita ang iba't ibang nilalang? Napailing na lang ako at pumikit. Inihakbang ko ng dahan-dahan ang aking mga paa. Sa aking ika-apat na hakbang, biglang may malaki at mabigat na bagay na bumagsak bigla sa aking harapan, kaya napatigil ako sa pag-usad.

Nang aking idilat ang aking mga mata, nagulat ako sa aking nakita. Ang tobacco ng kapre ay nasa harapan ko! Napatakip na lamang ang aking kamay sa aking bibig sa sobrang takot, pakiramdam ko'y may mangyayaring masama sa akin. Nagdasal na lamang ako at nilakasan ko ang aking loob, kumaripas ako ng takbo upang makalayo kaagad at nagtagumpay naman ako.

Malayo na rin pala ang narating ko. Ngayon, hindi ko na alam kung nasaan ako. Para akong naliligaw ngayon sa gitna ng kagubatan na walang kasiguraduhan. Hindi ako pamilyar dito kaya kinikilabutan ako. Bukod sa matatayog na puno lang ang makikita mo, makakarinig ka rin ng iba't ibang klaseng alingawngaw sa kahit saan mang dako nito.

SW BeagleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon