Kung nakakabingi lang ang mga iyak at panaghoy ay kanina pa sana nabingi ang tainga ni Adrian. Nakaupo siya sa isa sa mga upuan sa harapan. Nanghihina ang buong katawan niya habang nakatingin at nakatulala sa kawalan. Ang bawat paghinga niya ay pigil. Namumutla ang kanyang mukhang tila nawalan ng kulay. Para siyang walang buhay. Ni ang pagsagot sa mga katanungang itinatapon sa kanya ay hindi niya magawa. Daig pa ng binata ang pipi. Tila ay nalulon niya ang kanyang dila.
"Adrian, hijo. Hindi mo ba siya titingnan man lang kahit sa huling mga sandali?"
Nabalik sa lupa ang kanyang kamalayan at marahas na napatingin sa gawi ng nagsalita. Sinalubong siya ng pamilyar na maamong kulay kayumangging mga mata na wari ay bumabaon sa kaibuturan ng kanyang pagkatao. Namumula ang mga iyon. Namamasamasa pa na tila hindi pa tapos sa pag-aagos ng damdamin. Napalunok siya. Ang kanyang tuyong bibig ay naghatid ng ibayong kati sa kanyang lalamunan.
Tumingin siya sa harapan at sinalubong siya ng puting-puting ataul. Minuto na lamang ay ibababa na iyon sa malalim na hukay ng lupa. Lalo siyang napalunok ng mas lumakas pa ang pananangis na pumuno sa kanyang tainga. Paunti-unti ay tumayo siya. Nakahawak ang kanyang kamay sa upuan na tila doon naghahanap ng lakas. Bumunot siya ng malalim na buntonghininga sa kanyang mga baga. Inihakbang niya ang kanyang naninigas na paa tungo sa puting ataul. Palakas nang palakas ang pagsasal ng kanyang dibdib, tila ay sasabog na iyon at ilang sandali na lang ay lalabas na sa kanyang katawan. Ilang dipa na lang siya. At nang siya'y tumingin ulit sa harapan ay tanaw na niya ang mukha ng taong nakahiga sa nitso.
"Rhia.." sambit niya. Ang kanyang boses ay basag na kahit siya' y hindi makilala ang tono niyon. Tulalang nakatitig ang mga mata niya sa babaeng may maamong mukha na tila natutulog lamang sa loob ng puting ataul. Nakapikit ang mga mata nitong alam niyang nanunuot kung tumitig. Ang mukha nito ay ganoon pa rin. Ang maputi nitong mukha, ang mapipintog nitong labi, ang buhok nitong singlalim ng kulay ng gabi. Lahat ng iyon ay tandang-tanda niya pa mula noong una niya itong masilayan ng tingin ngunit alam niya hindi. Wala na ito. Kitang-kita ng kanyang mga mata ang kaibahan na wari ay naninigaw. Wala na itong buhay. Ang katotohanan ay tila yumanig sa kanyang pagkatao.
Napapikit siya. Hindi niya alam kung anong emosyon ang pagaganahin. Kung anong damdamin ang ipapakita. Nanginginig ang kanyang mga binti, hita maging ang buo niyang katawan. Hindi siya makahinga. Ang kanyang dibdib ay naninikip. Tila lahat ng dugo niya ay naiipon sa kanyang ulo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang kanyang utak. Ni ang kaniyang pagkatao ay hindi pa rin matanggap ang buong pangyayari.
Napahagulgol siya. Ang kanyang luha ay tila tubig sa batis na matagal naipon at ngayon ay rumagasa na parang baha. Hindi mapigilan ang bawat pagpatak niyon sa kanyang humpak na pisngi. Ang bawat butil ay tila paalala sa mga nangyari. Ang tubig na tumulo sa ataul ay tila sumampal sa kanya sa mapait na katotohanan. Nanghihina siya. Hindi na makayanan ng kanyang mga paa ang bigat ng kanyang katawan. Napadaosdos siya ng upo sa maduming damuhan na may iilan pang bakas ng lupang hinukay upang paglibingan.
Patay na si Rhia. Patay na ang kanyang kasintahan. Mas tumindi ang panaghoy ng pananangis na umalpas sa kanyang dibdib. Lahat ng emosyon ay umalpas sa kaibuturan niya. Pigil ang hiningang pinagmasdan ng may luha pa niyang mga mata ang paunting pagbaba ng nitso sa kailaliman. Pababa nang pababa hanggang sa hindi na maabot ng kanyang paningin kahit ang puting kulay ng ataul na nilamon ng kadiliman sa ilalim ng lupa.
Ibinagsak ni Adrian ang katawan sa tila nang-iimbetang kama ng kanyang kwarto. Galing siya sa kanyang trabaho at pagod na pagod ang kanyang katawang ilang linggo na ring walang pahinga. Ilang gabi na rin siyang walang kapanatagan sa pagtulog na nagresulta ng puyat sa kanyang sistema. Lagi na ay bumabalik sa kanya ang masasayang alaala ng kapiling pa niya ang kanyang nobya. Ang mga ngiti nito, ang mga tawa, ang lahat lahat dito. Nailing na lang siya. Ngayon ay himalang tinamaan siya ng antok. Ang talukap ng kanyang mata ay hindi na mapigil sa pagsarado. Unti-unting umaalis ang kamalayan sa kanya. Niyayakap ang mundong walang alalahanin.
