Isa, dalawa, tatlo

105 8 7
                                    

Isa, dalawa, tatlo


© annika_nichole 2014

***

Matagal na kitang nakikita. Matagal na kitang nasasalubong sa may pasilyo. Pero wala akong pakialam sa iyo noon. Yung tipong dinadaanan lang kita sa tuwing magkakasalubong tayo. Noong panahon na iyon hindi ko nga rin ata alam ang pangalan mo.

Para sa akin isa ka lang ordinaryong mag-aaral.

Noong tumagal na, hindi ko alam. Pero sa tuwing mapapadaan ka sa may pasilyo at nagkakasalubong tayo, hindi ko mapigilang mapatingin sa iyo. Hindi ko alam kung bakit lagi kong hinihintay ang pagdaan mo. Inaabangan ko yung mga sandaling mapapadaan ka sa tapat ng classroom namin. Yung mga sandaling magkakasalubong tayo sa may pasilyo.

Siguro hindi mo ako napapansin na nakatingin sa iyo sa tuwing dumadaan ka at nagkakasalubong tayo. Lagi ka kasing nakatingin sa daan. Diretso. Hindi ka napapatingin sa gilid mo kung saan naroon ako.

Isang beses, nagkabanggaan tayo. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nakatungo lang ako noong mga panahon na iyon habang pinupulot ang nagkalat kong gamit. Sa hindi sinasadyang pagkakataon nagtama ang mga kamay natin. Para bang may kung anong kuryente ang dumaloy sa kamay ko.

Pagbanggon ko isang araw, tinanong ko ang sarili ko: Gusto na kaya kita? Paulit-ulit kong sinabi sa sarili ko na HINDI at hindi maaari. Kahit na alam kong iba ang sinasabi ng puso ko.

Malabong magkagusto ako sa taong ni hindi ko nga alam ang pangalan at ni hindi ko pa naririnig ang boses. Lagi ka kasing walang kasama sa tuwing dumadaan ka. Hindi ko naman matanong tanong ang mga kaklase ko kung ano ba ang pangalan mo. Kasi natatakot ako na baka tuksuhin nilla ako kapag dumaan ka.

Ilang linggo ang lumipas, hanggang sa naging buwan. Paulit-ulit lang ang nangyayari. Lagi tayong nagkakasalubong, lagi kitang tinitignan. Pero hanggang ngayon hindi ko pa rin naririning ang tining mo. Hindi ko pa rin alam ang pangalan mo.

Hanggang dumating ang araw na pinakahinihintay ko. Habang naglalakad ako patungo sa susunod kong klase nakita kita. Napatingin ka sa akin. Diretso sa mata. Bumilis bigla ang tibok ng puso ko. Isa, dalawa, tatlo. Ang akala ko ikaw ang unang bibitiw. Ngunit nagkamali ako. Inilihis ko kaagad ang tingin ko at dirediretsong naglakad. Nilagpasan kita ng hindi manlang nililingon. Kinabahan kasi ako bigla.

Alam kong maliit na bagay lamang iyon. Pero, noong mga sandaling iyon para bang tumigil ang takbo ng oras. Yung tipong nawala na ang mga tao sa paligid at tayong dalawa na lang ang natira. Ganoon kasi parati ang sinasabi ng katabi ko tuwing nagkukuwento siya ng mga nababasa niyang istorya sa wattpad. Nakokornihan ako sa mga ganoon.

Ilang linggo kang nawala. Lumiban ka ata sa iyong klase. Ilang linggo na din kasi kitang hindi nakakasalubong. Sumilip ako noon sa classroom ninyo ngunit bigo ako. Hindi ka talaga pumasok.

Isang araw, naalala kong may naiwan pala akong gamit sa classroom. Dali-dali kong binalikan ito. Hindi ko inaasahan ang nakita ko. Nakita kita. Naglalakad sa may pasilyo. Nagkasulubong tayo. Pero hindi tulad ng dati, hindi ka na tumigin sa akin pero nakangiti ka at alam kong masya ka.

Hindi ko alam kung matutuwa ba ako kasi pagkatapos ng ilang linggo nakita ulit kita. O, malulungkot dahil hindi ka nag-iisa. May kasama ka. Magkahawak ang mga kamay ninyo habang nakangiti.

Isa, dalawa, tatlo. Agad kong iniiwas ang tingin ko sa inyo. Isa, dalawa, tatlo. Hindi ko inaasahan pero bigla na lang tumulo ang mga luha ko. Isa, dalawa, tatlo. Agad akong tumakbo at nilagpasan kayo.

Ah, alam ko na. Hindi pala kita gusto. MAHAL na ata kita. Alam kong hindi ako iiyak ng ganito kung hindi iyon ang nararamdaman ko.

Tama nga ang teacher ko noon, walang pinipiling oras ang pag-ibig. Dahil kahit ako mismo hindi ko inaasahan na mamahalin pala kita ng dahil lang sa ilang sigundong nagtagpo ang mga mata natin. Nalaman ko na maari pa lang magmahal sa loob ng isa, dalawa, tatlo.

---------------

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon