Kabanata 2: Anino sa gabi

56.2K 3.2K 493
                                    


MANUNULAT naman ako kaya siguro madali ko lang malulusutan ang sitwasyon na 'to. Madali naman ako makaisip ng ideya parang ganito, "Akala ko nananaginip lang ako pero nagulat na lang din ako na nandito na ako sa labas at nasa ilalim pa ako ng lupa."

Ang lame ng sinabi ko pero wala, nasabi ko na. Mas okay na rin siguro na magpanggap na walang alam para hindi ako mahirapan. Mas mahirap gumawa ng kwento kaysa magpanggap na walang alam.

"Pumasok na muna tayo sa loob, may mga sundalong naglilibot sa bayan tuwing hating gabi at baka makita pa tayo."

Umupo muna kami sa sala at habang magkatapat kami ay nakatingin siya sa akin.

"Anong meron sa iyong panaginip? Maaring may kinalaman ito sa pagkatao mo."

"Uh... ano... kasi..."

Nakatitig siya sa akin habang hinihintay ang sagot ko. Bigla akong nilang sa mga tingin niya.

"Uhm... sa panaginip ko may taong nakabalot sa damit na itim ang humahabol sa akin." Nanlaki ang kanyang mga mata at bigla niyang inalis ang tingin niya sa akin. "Anong problema, Rushin?"

"May ipapakita ako sayo, Jia."

Tumayo siya para kunin ang painting sa likuran niya. Nang iharap niya sa akin iyon ay naging pamilyar agad sa akin ang tao sa painting. Iyon din ang taong itim na humabol sa akin kanina.

"Ito rin ba ang nakita mo sa panaginip mo?"

Siya 'yon, sigurado ako. Pula rin ang mga nito sa painting na gawa ni Rushin. Isa pa nasa itaas din siya ng mga bubong.

"Siya rin 'yon. Paano mo na ipinta ang taong yan? Nakita, este napanaginipan mo rin ba siya?"

Umiling siya pagkatapos ay hinawakan niya ang kanang kamay ko para hinalahin papunta sa kwarto niya. Lumapit kami sa may bintana at binuksan niya iyon.

"Hindi iyon isang panaginip, Jia. Totoo siya at kitang kita ito ng dalawa kong mata. Habang nagpipinta ako rito sa bintana ay nakita ko siya."

"Hinabol ka rin ba niya?"

Umiling siya pero nakikita ko sa mata niya ang takot. Napapatingin siya sa kanan pagkatapos ay sa kaliwa. Halatang balisado siya.

"Hindi dahil bago pa magtama ang mga mata namin ay nakapagtago ako sa likod nitong mga kurtina."

So, dahil ba nagtama ang mga mata namin kaya niya ako sinugod bigla kanina? Pero wala naman akong gagawing masama sa kanya. Baka nga siya pa ang may gawin sa akin.

"Kailan mo pa siya nakita?"

"Isang taon na ang lumipas," isinara niya ang bintana at kurtina. "Ang sabi nila ay iyon daw ang ama ni Haring Scion. Ang dakilang taksil sa palasyo."

Nanigas ako sa kinakatayuan ko. Naisulat ko ang lahat nang maayos maliban sa isang bagay. Nakalimutan kong wakasan ang kasamaan ni Heneral Baxia– ang ama ni Scion.

Ang alam niya Rushin ay wala akong maalala kaya dapat kong palabasin na wala akong alam sa mga nangyayari, "Paano naman siya naging taksil sa palasyo kung siya ang ama ng hari?"

Hinila na naman niya ang kamay ko at pinaupo niya ako sa kama katabi niya.

"Noong kapitan pa lang si Haring Scion ng hukbo ng palasyo ay nagtaksil na ang kanyang ama. Gusto niyang masakop ang lahat ng nasyon, Jia."

Ganoon pa rin pala siya, uhaw pa rin sa kapangyarihan. Pero paanong nakakapasok na siya tuwing gabi sa bayan ng Hando, gayong nararamdaman ni Scion ang presensya niya.

"Mayroong maliit na puno ng sequioa sa sagradong silid sa palasyo. Ang bawat dahon nito ay magbibigay sa iyo ng kakaibang kapangyarihan. At kung makain mo ang karamihan ng dahon ay maaring magbigay ito nang kasiguraduhan nang walang kapantay na kapangyarihan."

Zithea (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon