Kabanata 27: Halik

50.7K 2.8K 1.3K
                                    


AGAD na tumulo ang mga luha sa mata niya. Niyakap niya ako nang mahigpit na para bang ayaw na niya akong pakawalan pa.

"Xiang..."

Habang tumatagal ay mas lalo pang humihigpit ang pagkakayakap niya sa akin.

"Sci-scion... hindi ako makahinga."

Agad naman siyang kumawala sa pagkakayakap niya. Pinahid niya ang mga luha sa pisngi niya at mata. Ngumiti siya– ngiti na ang tagal ko nang hindi nakita. Ito 'yong itsura niya na palagi kong naiisip.

"Patawad, hindi ko lang mapigilan ang sarili ko. Hindi naman ako nananaginip, hindi ba?"

Umiling ako, "Hindi, totoo lang lahat ng ito. Totoong nandito ako sa mundo niyo."

Hinawakan niya ang dalawa kong kamay. Bigla muling pumatak ang mga luha niya at diretso ito sa kamay ko.

"Ilang beses kong sinubukan mag-shunyi papunta sa'yo, sa mundo niyo, pero hindi ko magawa. Naisip ko baka hindi na talaga tayo magkikita pa pero kahit ganoon... hindi nawala ang pagmamahal ko sa'yo."

Bumigat ang dibdib ko. Masaya ako dahil naririnig ko na mismo galing sa bibig niya na mahal niya rin ako pero nasasaktan din ako dahil isa na itong pagkakamali ngayon.

Ako ang may dahilan kung bakit nagbago ang nararamdaman ni Weiming. Ako ang nag-utos sa isip at puso niya na kalimutan na si Chaun at si Scion na lang ang kanyang mahalin. Pagkatapos ngayon, aagawin ko sa kanya ang lalaking pinakamamahal niya? Hindi kaya iyon ng konsensya ko. Hindi ko kayang magpakasaya habang magiging miserable naman ang taong minsan kong kinontrol.

"Anong nangyari, paano ka napunta rito? Pu-pumunta ka ba rito dahil... sa akin?"

"Hindi ko alam kung paano ako napunta rito. Bigla na lang may humila sa akin at pagdilat ko nandito na ako."

Pero noon pa man, gusto ko na pumunta rito para masulyapan ka lang kahit sandali. Hindi ko inakala na mangyayari nga iyon at mas naging komplikado pa. Kung alam ko lang, minahal ko na lang siya mula sa malayo, mula sa mundo namin.

"Maari kayang may sumulat sa Polaris para mapunta ka rito?"

Noong hindi pa ako nakakabalik sa Earth at hindi ko pa nakikita ang Polaris, inakala ko na pwedeng si Scion ang nagsulat roon para papuntahin ako rito pero nagkamali ako.

"Pagkalipas ng ilang araw mula pagkadating ko rito ay nakabalik ako sa Earth at tinignan ko ang Polaris pero walang laman ang mga natitirang pahina. Bumalik ako sa kuweba kung saan nagtatago ang Reyna ng mga Mogwai at doon may humila muli sa akin pabalik rito."

"Sino ang humila sa'yo? At paano nila nagagawa na pumunta rito at sa mundo mo? Sinubukan ko na rin gawin iyon pero hindi ko magawa."

Alam kong dahil iyon sa lagusan, kitang kita ng mga mata ko iyon. Maaring ang libro sa Soka ang makakapagbigay sa akin ng kasagutan pero ayoko munang sabihin iyon kay Scion. Kagaya ni Rushin, maaring pigilan lang niya ako na pumunta roon, kung hindi man ay sumama siya na lubos na mapanganib sa kanya.

May paghuhukom pa siyang dapat harapin kaya mas mabuti na sarilihin ko na lang muna ang problema kung paano ako makakabalik sa mundo ko.

"Hindi ko alam pero aalamin ko 'yon. H'wag mo na masyadong isipin ang kalagayan ko, Scion. Ang mahalaga ay makabalik na tayo sa Hando sa lalong madaling panahon."

Mas hinigpitan niya ang paghawak sa kamay ko.

"Kaya kong talikuran ang lahat para sa'yo, Xiang."

Umiwas ako ng tingin. Nahihibang na ba siya?

Simula pagkabata ay pinangarap na niyang maging opisyal sa palasyo, ngayon pa ba na isa na siyang ganap na Emperador?

Zithea (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon