Chapter Twelve

2.9K 141 6
                                    

SHANELLE

Maganda ang isang linggo ko sa Auckland, New Zealand. Tahimik at hindi magulo. Ang mga taong nang-api sa 'kin noon? Hindi ko na nakikita ngayon sa lugar na ito.

Pero hindi ibig sabihin no'n na wala sila sa bawat bangungot ko sa gabi.

Minsan, napapanaginipan ko ang mga nangyari sa nakaraan ko. Binabangungot ako, tapos gigising na lang na umiiyak. Imbes na makatulog ulit ay hindi ko na magawa kasi natatakot na akong bangungutin ulit.

"T-Tama na! Tama na!"

Napasigaw na lamang ako sabay tayo mula sa higaan ko. Humagulgol ako sa aking mga palad. Napanaginipan ko sina Dawn noong mga panahong sinasaktan nila ako at iniinsulto ako ng mga schoolmates ko dahil inagaw ko raw si Steven.

Hinilamos ko ang mukha ko at pinunasan din ang mga luha at pawis sa pisngi. Napatingin ako sa cellphone ko sa side table at nakitang maga-alas-tres na pala ng madaling araw. Madilim pa rin sa kwarto ko.

"Ano ba naman 'to?" sumisinghot kong sambit.

Inayos ko ang aking buhok at tumingala sa kisame. I sighed slowly to relax.

"Nightmares again?"

Muntik na akong mapasigaw nang marinig ang malamig na boses ni Beatrice. Hinanap ko siya sa gitna ng madilim na kuwarto ko. Kalaunan ay binuksan ko na lang ang lampshade sa side table.

Malabo pa rin ang paligid nang umilaw nang bahagya, pero sapat na ang liwanag para makita ko siyang nakatalungko ng upo at may hawak sa kamay na isang wine glass. Nakaupo siya sa single sofa habang kalmado akong tinitingnan at umiinom.

Red wine sa madaling araw? Ayos lang ba siya?

"B-Beatrice! Nanggugulat ka na naman!" sambit ko na lamang.

Oo! Gabi-gabi ay kung saan-saan na lang siya nakapwesto habang pinapanood akong matulog. Minsan, sa dulo ng kama ko, sa may tabi ng closet, sa may labas ng pintuan, sa tabi ko sa higaan, at ngayon, sa sofa na!

Ewan ko ba kung ilang oras niya akong pinapanood, pero hindi na ako kumportable sa pagsusulpot niya sa gitna ng tulog ko.

"Can't sleep," rason niya.

At iyan ang palagi niyang linya.

"Pero pwede ba? Huwag ka na lang magsasalita para hindi ko alam na nandiyan ka ba o wala? Kasi aatakihin ako sa puso sa 'yo, e," aniko sabay hawak sa dibdib ko.

Nagkibit-balikat lang siya at uminom ng red wine. Napailing na lang ako. Bumangon ako para kunin ang jacket ko sa lamesa. Inasahan ko na talagang magigising na ako nang tuluyan, kaya lumabas na ako para maglakad-lakad sa labas ng mansiyon. Iniwan ko si Beatrice nang hindi nagpapaalam.

Umaga na nang makauwi ako sa mansyon. Paglalakad sa distrito ng lugar ang tanging nagagawa ko kapag binabangungot ako. Mas gumagaan ang pakiramdam ko at nakakalimutan ang masamang panaginip kapag nagpapahangin at naglalakad ako.

Isang araw, kumatok ako sa opisina ni Dad para kausapin siya. Tumikhim ako at pinisil ang mga daliri pagkapasok. Nadatnan ko siyang nakaupo sa isang swivel chair na may mga hawak na paperworks. May nakalatag din na mga blueprints sa lamesa niya.

"Dad?" tawag ko.

"Yes, Shanelle?"

Dumungaw lang siya sa 'kin, tapos ibinalik ulit ang tingin sa mga ginagawa niya.

"Uhhh, kumusta po ang kalagayan... kay Mommy? Have her ashes been collected?"

Napalingon si Dad sa akin at tinitigan ako. Bumuntong-hininga siya. Kinuha niya ang kanyang eyeglasses mula sa mga mata bago nagsalita.

The Mask Behind the Past (Reigns of Vengeance Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon