Ang kwento na mababasa niyo ay may mararahas na bahagi at maseselang tema. Kung bukas ang mata mo sa pagtanggap, maaari munang simulan ang pagbabasa.
Malugod po akong tumatanggap ng mga kritisismo!
Nagmamadali sa pag uwi si Nicolo Salveda galing ng eskwelahan dahil may tsansang mahuli siya sa trabaho. Pangalawang taon niya ngayon sa koliheyo sa kursong Entrepreneurship. Konting-tiis nalang at makakapagtapos na siya, makakahanap ng matinong trabaho at magtatagumpay sa buhay.
Pangalawang linggo niya ngayon bilang serbidor sa isang restawran na malapit sa kanila. Sa hirap ng buhay ngayon kailangan niyang mag-doble kayod. Laking pasalamat nalang siya kay Lyka, isa sa mga kaibigan niya na tumulong sa kaniya para makapasok doon, dahil likas na masipag, natanggap agad si Nicolo at ngayon nga ay kailangan niyang mas agahan pa ang pagpasok.
Kahit medyo nagugutom na, hindi na siya nag-abalang kumain pa. Pagkapalit ng damit, gumayak na siya at dumiretso na sa trabaho. Matapos sulyapan ang relong pambisig, nagkukuhamog siya sa pagmamadali sa pagkakaakalang kinse minutos na siyang nahuhuli. Mabuti nalang at mabait ang amo niya. Alam kasi nito na nag-aaral siya, kaya naiintidihan nito na minsan ang mahuhuli ang dating niya.
Hindi na namalayan ni Nicolo ang pagdaan ng mga oras. Nagulat nalang siya na uwian na pala. Mabilis niyang isinukbit ang bag niya at nagpaalam sa amo nila. Pangalawang linggo niya ngayon, tingin niya wala siyang magiging kaibigan dito dahil hindi niya kaedaran ang mga kasamahan niya. Sa kabilang banda, nakakasundo niya naman ang lahat dahil mababait at madali naman pakisamahan ang mga ito. Kaya lang, palagi siyang umuuwing mag-isa. Katulad na lamang ng mga gabi na iyon. Dumaan muna si Nicolo sa isang bukas pang karinderya at bumili ng ulam. Hindi naman siya natatakot maglakad ng mag-isa kahit madaling-araw na, dahil sanay na siya sa lugar nila.
Ilang minuto pang paglalakad ang ginawa niya ng matanawan ang bahay na tinutuluyan niya. Mag-isa nalang siya ngayon at walang kinikilalang pamilya. Lumaki siya sa isang bahay ampunan. Ang sabi ng mga madre na umampon sa kaniya, hindi daw nila kilala ang magulang niya dahil basta nalang daw siyang iniwan ng mga ito sa tapat ng kapilya ng simbahan. Hindi na rin nag-abala pa si Nicolo na alamin kung buhay pa ang mga ito. Sa edad na labing walo, nasanay na siyang mag-isa sa buhay.
Marahan niyang binuksan ang pintuan na yari sa kahoy. Umiingit kasi iyon kapag deretsong binuksan. Ayaw naman niya na makaistorbo sa mga kapit-bahay nila na paniguradong nasa kahimbingan ng pagtulog. Hindi na niya nagawa pang hubarin ang sapatos na suot. Kung hindi lang dahil sa gutom, ayaw na sana niyang kumain. Gusto nalang ni Nicolo na humilata agad at matulog. Isang nakakapagod na araw na naman ang lumipas!
Mabilis siyang tumayo at tinungo ang maliit na kusina nila. Alam niyang may natitira pa siyang sinaing na niluto niya kanina bago pumasok. Wala namang problema sa ulam, dahil mainit pa ang dala-dala niya. Ngunit ganoon na lamang ang pagtataka niya nang pagbukas niya ng kaldero ay kakaunti na lamang ang laman. Halos kumalahati ang bawas na siyang pinagtaka niya.
Bakit wala ng kanin? Hindi siya maaaring magkamali. Nagsaing siya kanina bago umalis dahil alam niyang wala na siyang panahon pa na magluto pagka-uwi galing ng trabaho. Pilit niyang inaalala kong kumain ba siya kanina bago pumasok, pero hindi niya matandaan. Mataman ang ginawa niyang pag-iisip, baka kasi kumain talaga siya at hindi niya lang talaga matandaan. Ipinagkibit-balikat niya nalang ang naisip.
Mabilis ang ginawa niyang pagkain, dahil mas nagtatalo ang pagal na nararamdaman niya. Matapos ang ginawa niyang paghilamos at paglinis ng ngipin, lumakad siya papunta sa aparador para magbihis. Hinubad niya ang kaniyang sapatos, damit at pantalon. Tanging panloob lang ang natira niyang saplot sa katawan. Maalinsangan kasi ng gabing iyon kaya para makatipid sa kuryente, ganoon ang palagi niyang sinusuot bago matulog. Pagkatapos magdasal, humiga na siya at mabilis na dinalaw ng antok.
YOU ARE READING
The Stranger's Desire | B×B [R18]
RandomTumakbo siya papunta ng pinto. Sisigaw na sana siya para humingi ng tulong nang may panyong tumakip sa kaniyang ilong at bibig. May hindi magandang amoy ang panyo at nang pumasok iyon sa kaniyang ilong ay nakaramdam siya ng pagsakit ng ulo at pagkah...