1: Why Be Spontaneous?

337 24 19
                                    

Hindi rin ako makapaniwala sa aking sarili. Ito ang kauna-unahan kong impulsidong desisyong ginawa sa aking talang buhay.

Sa totoo, hindi ko rin ito matatawag na desisyon dahil ibig sabihin noon ay pinagisipan muna, pinagmuni-munian bago makagawa ng pagpapasiya. Ni hindi rin ito matatawag na pamimili dahil wala akong ibang bagay na ibinase bago madesisyonan ito. Maituturing lang itong hindi pinagisipang simbuyo ng damdamin.

Noong sa huling araw ng Disyembre, tinipon kami ni Sir. Asuncion, ang General Manager ng aming departamento, para sa aming annual meeting. Kaniyang ipinahayag sa aming lahat na ang kumpanya ay nag-aalok ng Elective Early Retirement Package para sa mga engineers tulad ko. Walang anu-ano, sinasadya o tinitikis man, tumaas kaagad ang aking kamay. At tinanggap kaagad ang alok ng kumpanya ng walang pagdadalawang isip. Sa biglaang sagot kong iyon, ang buong team namin ay nagtawanan ng malakas.

“Gusto mong pakinggan muna ang buong detalye bago ka tumaas ng kamay, Miss. Avecia?” ang kuwestiyon ni Sir. Asuncion na may kasamang pagtaas ng kilay. Ang pagtawag ni Sir sa akin gamit ang aking apelyido ay malinaw na nagpahiwatig na siya ay nayamot sa aking aksyon.

Kung tutuusin, walang sino man ang magnanais na maagang mawalan ng trabaho lalo na sa hirap ng buhay ngayon. Kahit ang mga uugod-ugod na mga lolo at lola, hanggat kaya pang kumayod ay kakayod pa rin para lang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Pero sa totoo, kilala ko naman ang aming kompanya, hindi ito mag-aalok ng ganitong oportunidad ng walang magandang indemnisasyon na kasama.

“Okay, Sir,” ang bulong ko.

Pinagpatuloy ni Sir. Asuncion ang pagpapaliwanag, na tila hindi ko man lang siya naabala noong una. “Our goal para sa ating department ay humirang ng tatlong engineers na interesado sa EER Package na ito upang maiwasan ang layoffs.” Nagpasa siya ng proposal sa bawat isa, dito nakasaad ang mga pay schedule, retirement bonus at ang nineteen-month continuation ng medical at dental benefits ng bawat tatanggap ng EER Package.

May pagbubuntong hininga kong nililipat lipat ang pahina ng proposal, nagkukunwang binabasa ang nakasaad doon. Alam kong kahit ano man ang nakasaad na alok sa package na ito, wala ng makapagpapabago pa ng aking isip na kunin ito.

Siguro kahit sino man ang tatanungin, kakatawa-tawa ang mag retiro sa edad kong ito. Wala pang apat na araw ng ako’y magdiwang ng ikatatlumpu kong kaarawan. May edad na ba ako? Meron na, isang taon na lamang at mawawala na ako sa kalendaryo. Pero may nasa edad na ba ako para magretiro? Debateable ang tanong na iyan, sa halip tawaging early retirement, siguro mas nararapat isiping pagkakataon na ito para sa mga late-bloomer’s na katulad ko.

Huling pagkakataong mag-bloom. Ha!

Gamit ang isang sticky note, isang rituwal kong mag-iwang ng maikling sulat para sa aking sarili sa loob ng buong maghapon. Ang last note of the year:

          Dear Me,
                Spontaneous action leads to new opportunity.
                Grab it!

Pinilas ang sticky note at idinikit sa aking journal. Pagkatapos muling pinakinggan ang mahaba at nakakaantok na annual meeting.

New MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon