Saan na napunta ang panahon? Tatlong linggo na lamang at Marso na! Mukhang itinulog ko lang ang buong buwan ng Enero at hanggang ngayon ay wala pa rin akong nagagawang bago kundi ang bumili ng stepping stool para masmadaling mapagmasdan ang aking kapitbahay.
"Ano po ang gusto ninyo, ma'am?" Ang tanong ng barista sa monotone na boses. Gusto kong dagukan, ilang daang beses na ako pumupunta rito at ma'am pa rin ang tawag sa akin.
"Soy chai latte extra foam," ang automatikong sagot ko bago ako biglang napaisip. "Wait, cancel that." Itinaas ko ang aking hintuturo para i-emphasize na hindi iyon ang i-order ko. Kung nais kong maging adventureous, simulan natin sa drinks. "Chestnut Praline Latte, non-fat, No Whip, Grande with extra caramel... For Pamela Anderson." Inunahan ko na bago niya ako tanungin, napangiti ako sa bagong alias ko dito. Kung hindi naman niya matatandaan ang totoong pangalan ko, edi alias na lang.
"Okay, your order will be right out, ma'am!" Ang sagot niya.
Matapos kong makuha ang aking drinks at makauwe na muli ng bahay, dumaretso ako sa banyo at kinuha ang naalikabukang timbangan. Nang sumampa ako rito, hindi ako makapaniwala na halos limang kilo ang nadagdag sa aking timbang simula nang magbakasyon ako. Ngayon alam ko na kung saan napunta ang lahat ng sisig, lechon, at ube cake na kinain ko.
Oras na para tumakbo. Kara-karaka ay nagbihis kaagad ako ng aking napakabagong exercise attire na binili ko pa noong nakaraang taon. Sa wakas ay magagamit ko na rin. Pasalamat na lamang ako at kasya pa rin at hindi ako nagmumukhang sumang sobrang sikip ng balot. MP3 sa arm strap, earphones sa tainga, running shoes sa paa, ready na ako.
Ang bahay ni Mamita na ipinamana sa akin, dalawang taon na ang nakakaraan noong pumanaw siya, ay nasa isang gated na sub-division. Tahimik at guwardiado ang lahat ng pasukan. Halos lahat ng mga nakatira dito ay mga balik-bayan, bakasyonista, negosyante o mga kapamilya ng mga sikat o nasa senado. Kaya panatag akong tumakbo sa paligid ligid rito.
Habang sinasabayan ang kanta ni Ke$ha na "Boots and Boys," napadaan ako sa may basketball court at kusang bumagal ang aking takbo. Doon mismo ay nakita ko si Joseph na naglalaro kasama ang ilang barkada niya. Sa bleacher naman ay nakaupo ang halera ng mga babae, siguro kaibigan din nila, pero sigurado akong hindi nandito para maglaro dahil ang kapal ng mga make-up at kung makasuot ng alahas parang party ang pupuntahan.
Para hindi naman halatang pinagmamasdan ko lamang ang aking dreamboy, sa gilid ng court ay nagsimula akong mag-inat-inat. Gamit ang bleachers sa gilid, ito'y paulit-ulit kong inaakyat at baba, na may kasamang ilang breaks sa pagitan para panooring mag-3 point shots si Joseph-Love ko. Hindi ko mapigilang mapapalakpak, mabuti na lang masmalakas pa sa akin ang bunganga ng mga babaeng nakaupo sa kabilang side, kaya walang nakapansin sa akin. Nang makaramdam na ng gutom, ayaw ko man iwanan ang magandang laro nila, kailangan ko ng umuwe at makabili ng makakain.
Naglalakad papalabas ng court narinig kong may sumigaw kaya ako napalingon sa direksyon nito, nang may biglang sumalpok sa aking mukha ng napakalakas. Nawalan ako ng balanse at natumba patalikod at naumpog ang ulo sa isa sa mga bleachers.
Totoo pala ang sinasabi nilang makakakita ka ng bituin kapag nakalog ang ulo mo ng may kalakasan, dahil ngayon ay nakakakita ako ng buong galaxy.
"Oh my gosh!" ang matinis na tilian ng mga babae sa gilid. Ang sakit sa tainga ng mga boses. "That was so nakakahiya." Ang sabi naman ng iba.
Duh, say that kapag kayo ang nakahandusay dito at hindi makatayo.
"Are you okay?" Ang tanong ng isang boses na pamilya na pamilyar sa akin, "Oh god, you're bleeding. We are so sorry."
Dahan dahan kong inimulat ang aking mata, at biglang tumigil ang tibok ng aking puso. Ang mukha ni Joseph ay tila napakalapit sa akin habang ang kaniyang napakagandang mata ay nakatingin sa akin ng may pag-aalala. Tuwing sumisilip ako sa bakod, iniimagine kong maganda rin ang kaniyang kutis dahil mukhang wala naman siyang tagihawat. Pero ngayong abot kamay ko na ang layo ng kaniyang mukha kahit basang basa ito ng pawis, napaka-kinis at flawless. Hai, kaibig-ibig talaga.
BINABASA MO ANG
New Me
General FictionKung ang buong buhay mo ay kay-tigang at walang kasing boring.Hanggang saan ang kaya mong gawin upang mabago ito? Bagong buhok? Bagong mga damit? Magpapayat? Mag-hire ng life coach? Para kay Penelope, basta maabot niya ang pangarap niyang makulay at...