Una kong narinig ang tunog ng pag-uumpugan ng mga kaldero at siyanse, kasabay ng tunog ng mga platong sinasalansan at masiglang usapan. Iminulat ko ang aking mata at umunat ng kaunti, ang aking mga kalamnan ay masakit pa rin.
Mula sa labas ng aking pinto narinig kong may naguusap.
"Mahal, tingnan mo nga kung may lagnat pa si PenPen? Magdamag kasi siyang mataas ang temperatura." Ang utos ng aking ina sa aking ama.
"Kahit bumaba na ang lagnat niya, hindi natin dapat isama sa bayan. Baka mabinat pa." Ang sagot ng aking ama.
"Huwag kang mag-alala Juliano, si Trisha na ang bahalang magbantay kay PenPen habang wala kayo." Ang singit ni Tatay Canoor. Si Trisha ang ikalawa sa panganay na babaeng anak ni Tatay Canoor. Mahilig sa bata at magaling mag-alaga, mahaba din ang pasensiya ni Trisha kaya kapag walang matatandang magbabantay sa mga bata, siya ang unang takbuhan. Minsan naikuwento ni Trisha na ang pangarap niya ay maging Doktor ng mga batang may sakit, at alam kong magiging isang mahusay siya sa ganoong propesyon.
"Sigurado ka Trisha?" Ang tanong ng aking ina.
"Okay lang po iyon, Tita Rose. Madali naman bantayan si PenPen, masmasarap siyang alagaan, kaysa sa mga makukulit kong kapatid." Ang pabirong sagot niya.
"Ate ah, may paboritismo ka na ah!" Ang halos sabay sabay na reklamo ng mga maliliit niyang kapatid.
"Syempre, dahil ubod kayo ng kukulit at kay lilikot! Parang mga kitkiti!" Ang dagdag ni Trisha sabay tawa nila.
Narinig kong bumukas ang pintuan ng aking kwarto, sa totoo hindi ko talaga ito kwarto, imbakan ito ng mga hinabing telang sako at kung anu-ano pang bagay. Pero dahil iniiwasan nilang mahawa ang iba, dito muna ako pinatutulog katabi ng aking ina.
"Pen? Kamusta na pakiramdam mo?" Ang malambing na tanong ng aking ama, naupo siya sa tabi ng aking kutsyong nakalatag sa sahig at dinama ang aking noo. "Ayan, wala ng lagnat ang anak ko."
"Tay, aalis na kayo?" Ang pausado kong tanong. Isang linggo na rin akong halos may sakit. Una akala nila simpleng sipon at ubo lang, ng tatlong araw na at hindi pa bumababa ang lagnat, dinala nila ako sa doktor at nalamang naging trangkaso na pala. "Hind po ba ako pwedeng sumama?"
"Hindi anak, kasi kailangan ay magpahinga ka muna. Magpalakas, para sa susunod na linggo, ikaw naman ang isasama ko sa bayan."
"Sige ka Tay, kapag ‘di mo ako sinama, maluluge ka!" Ang biro ko sa aking ama.
"Hay naku, inihahanda ko na ang aking bulsa't puso. ‘Di naman kasi kasing galing mong magbenta at maglako si nanay eh." Sabay lingon niya sa pinto na parang inaabangan niyang biglang papasok si nanay. "Hoy, wag mong sasabihing sinabi ko ‘un ah. Baka magtampo ‘un."
Natawa ako sa ekspresyon ng mukha ni Tatay na akala mong totoong may lihim na tinatago. Linggo linggo ay nagbibiyahe si Tatay para ibenta sa malaking palengke ang mga natitirang pananim niya na hindi kinukuha ng contractor. Dito, nagkakaroon kami ng dagdag na kita at lalong nadaragdagan kapag ako daw ang nagbebenta dahil sinasamahan ko pa ng kantang sintonado at sayaw na wala sa tiyempo. Ang lahat ng iyon ay ginagawa ko para lamang makakuha ng maraming mamimili. Dahil doon, nagkaroon na kami ng maraming parokyanong masugid na namimili sa amin linggo linggo.
"Basta magpagaling ka lang," hinawi niya ang nagmamantika kong bangs at naglapat ng isang halik sa aking noo. "Matulog saglit, at pag-gising mo, andito na kami ulit sa bahay. Ayos ba?"
Tumango ako at umikot sa aking higaan patagilid upang bumalik sa tulog.
Pinagmasdan kong tumayo ang aking ama, naglakad papuntang pinto at bago lumabas ay lumingon siya sa akin at ngumiti ng nakikitang malapit na muli akong makatulog.
BINABASA MO ANG
New Me
General FictionKung ang buong buhay mo ay kay-tigang at walang kasing boring.Hanggang saan ang kaya mong gawin upang mabago ito? Bagong buhok? Bagong mga damit? Magpapayat? Mag-hire ng life coach? Para kay Penelope, basta maabot niya ang pangarap niyang makulay at...