PROLOGUE

26.3K 753 801
                                    


"NO!" malakas na sigaw niya nang paslangin sa harapan niya ang kanyang ina.

Namumugto na ang kanyang mga mata sa kaiiyak at nananakit na ang lalamunan sa kasisigaw. Halos hindi na rin niya kayang tumayo dahil ubos na ang kanyang lakas sa kasusubok na makawala sa mga nilalang na mahigpit siyang hawak.

Batid niyang hindi tao ang mga kaharap sapagkat kakaiba ang bilis at lakas ng mga ito. Isa pa, kitang-kita niya sa mga sandaling iyon kung paano pagkaguluhan ng mga halimaw ang walang buhay na katawan ng kanyang ina. Parang mga hayop na hayok na hayok sa dugo ang mga kakaibang nilalang. 

Nakakadiri! 

Nakakasuka!

Pati ang itsura ng mga ito ay sadyang nakakasuklam at nakakatakot. Pulang-pula ang mga mata at sobrang puti ng mga lalaki sa harapan niya na para bang wala nang dugo sa katawan. May matutulis ding mga kuko at pangil ang mga demonyo. Labis siyang nahindik sa kaalamang may mga gano'ng nilalang na nabubuhay sa mundo.

Sa isip ay kulang pa ang pagpapatayin at sugurin ang mga ito na kung may lakas lang siya ay kanina pa niya ginawa. Maliban sa katotohanang napakahina niya kumpara sa mga walanghiya ay manhid na rin ang buo niyang katawan. Pakiramdam niya tumigil na sa pagtibok ang kanyang puso sa eksenang nasasaksihan ngayon—ang pagpyepyesta ng mga kahindik-hindik na nilalang sa katawan ng kanyang ina.

Maski ang kanyang pinakamamahal na ama ay tila ba naestatwa sa nangyari. Tahimik na lamang itong umiiyak habang nakatingin sa taas at malamang ay nananalangin na iligtas sila ng Diyos. Ni hindi nito matingnan ang kalunos-lunos na sinapit ng asawa. 

Kitang-kita rin niya ang halo-halong emosyon sa mga mata ng magulang. Galit, lungkot, takot at mga emosyong hindi niya lubos kailanman naisip na makikita mula rito. Hiniling niyang sana ay yakap niya ito nang mahigpit sa mga sandaling iyon kahit pa batid niyang imposibleng mangyari iyon.

Hindi sapat na ikumpara sa pagsaksak ng libo-libong karayom sa puso niya ang kanyang naramdaman nang bumaling ang ama sa kanya. Parehas na mugto ang kanilang mga mata at kapwa batid na iyon ang paraan upang magkasama silang magluksa.

Maikling sandali nga lamang ang naibigay sa kanila sapagkat maya-maya pa'y hinawakan ng lalaking pumaslang sa kanyang ina ang leeg ng walang kalaban-laban niyang tatay. Batid na niya ang susunod na mangyayari. Ganunpaman, hindi niya nagawang mag-iwas ng tingin. Wala siyang nagawa kundi ang lumuha at manalangin na sana ay panaginip lang ang lahat ng iyon na hindi rin naman nangyari.

Nanatili pa ring nakatitig sa kanya ang ama habang tila naghihintay na lamang ng sariling katapusan. Kapagkuwan ay bumuka ang bibig nito. Wala man siyang narinig na salita ay naintindihan niya iyon...'mahal na mahal ka namin anak'.

Iyon lang at walang-awang inihiwalay na ng halimaw ang ulo mula sa nanghihina nang katawan. Gumulong sa mismong harapan niya ang natanggal na ulo ng kanyang ama. Nakatingin nang diretso sa kanya ang dilat na mga mata.

Ibig niyang sumigaw. Magwala. At patayin ang mga walang-awang demonyo. Ngunit ang tanging nagawa niya lang ay ang umiyak at sumigaw sa isip. Nasaid na ang lahat ng lakas niya.

Lumipas ang ilang minutong mga singasing at tawanan lamang ang naririnig niya habang pinagpiyepiyestahan ang dugo ng kanyang mga magulang. Hindi niya maipaliwanag kung paanong bigla na lang naglaho ang takot na nadarama kanina. Siguro ay dahil wala na siyang pakialam kahit ano pa ang mangyari sa kanya. Ang labis na ikinalulungkot lang niya, nangyari ang lahat ng iyon sa bisperas ng kanyang kaarawan.

Ipinikit niya ang mga mata kasabay nang pagbagsak ng masaganang luha. Subalit mabilis siyang napamulat nang maramdaman niya ang paghaplos ng kung sino sa kanyang mukha. Ayaw man ay kusang nanginig ang kanyang katawan. 

Nagtama ang mga mata nila ng lalaking kanina ay nakatayo lamang sa isang sulok at nagmamasid lang sa lahat ng nagaganap.

Ilang beses siyang napalunok. Kung tama ang hinala niya, ito ang lider ng mga halimaw. Kakaiba ang dating at aura nito kumpara sa iba. Ang mga mata ng kaharap ngayon ay kulay abo na para bang walang buhay, 'di tulad sa pulang-pulang mga mata ng mga kasamahan nito. Ang mga palad ng lalaki ay malamig. At ang titig ay nakakapanghilakbot. Pakiramdam niya, hinuhugot ang kanyang kaluluwa mula sa katawan niya. Pati ang hangin na hinihinga ay tila ninanakaw nito.

Lalo pang inilapit ng estranghero ang mukha sa kanya at sa labis na pagkasindak ay bigla na lamang siyang hinagkan. Nakakasulasok ang hininga at amoy nito. Ipinagpapasalamat niyang hindi pa siya naghahapunan kaya wala siyang maisusuka.

Sinubukan niyang sumigaw at kumawala subalit masyado itong malakas. Mahigpit ang pagkakahawak ng demonyo sa kanyang mukha at madiin ang pagkakahalik. Hindi na siya nagtaka nang malasahan ang sariling dugo at maramdaman ang pananakit ng panga. Tuluyan na rin 'atang namanhid ang buong katawan niya.

Hanggang sa namalayan na lang niya ang pagbaon ng matutulis na pangil sa kanyang leeg. Pumikit siya at tinanggap ang kahit anong mangyayari. Tutal naman ay wala na siyang dahilan para mabuhay.

Sa muli niyang pagmulat ay pagkalito ang una niyang naramdaman. Ang akala niya'y nasa langit na siya ngunit nang ilibot niya ang paningin ay nasa sala pa rin siya at ang mga walanghiyang demonyo ay...wala na. Nagkalat ang mga abo sa sahig at ang nag-iisang bangkay na naroroon maliban sa mga magulang niya ay hiwa-hiwalay ang mga parte ng katawan.

Hindi makapaniwalang kinurot niya ang pisngi upang makasigurong buhay pa siya. Nang makumpirma iyon ay labis siyang nagtaka at lalong naguluhan. Binaha ng samut-saring katanungan ang isipan niya. 

Anong nangyari? 

Bakit buhay pa siya? 

May tumulong ba sa kanya? 

Sino? 

Ano?

Mabilis na inilibot niyang muli ang paningin sa lugar sa pagbabaka-sakaling makakuha siya ng kasagutan.

Isa, dalawa, tatlong hakbang paatras ang kanyang ginawa at muntikan pa siyang mapaupo sa sahig nang makita ang isang nilalang. Nasa sulok ito at duguan ang mga kamay. Ang kasuotan nito'y punit-punit at halos pula na ang kulay puting bestida.

Ilang sandali silang nagtitigan bago siya kumilos at dahan-dahan itong nilapitan. Tama. Hindi dapat siya matakot sapagkat ito ang tagapagligtas niya.

Nag-aalangan niyang iniangat ang kamay upang damhin ito. Subalit imbes na duguang kamay ang mahawakan... malamig na bagay ang kanyang naramdaman...isa iyong salamin!

Kung gano'n... hindi siya nawalan ng malay... nawala siya sa kanyang sarili...

The Union Of Bloods (Revised Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon