CHAPTER 4 - IT'S ALL IN THE PAST

9.8K 290 49
                                    


CHEEZER

"SAAN NIYO SILA NAKILALA?"

Kunot-noong nilingon ni Cheezer ang kaibigan na halatang wala sa mood. Maski ang pagkakatanong nito ay parang pagalit. Ni hindi pa nga siya nakakasagot ay hinila na siya ng babae sa isang sulok. Nang muli niya itong pagmasdan ay lalo siyang nagtaka. Para itong takot, na galit, na nagtataka, na... ewan. Hindi niya maipaliwanag ang nababasa niyang emosyon ng kaharap.

"Nakiupo lang sila sa table namin kanina," mahinahong sagot niya. "Bakit ka pala nandito? May iba kang kasama?"

Kaibigan na ni Cheezer si Jona mula pa noong high school sila. Wala siyang maalala sa araw na una silang nagkakilala at kung paano sila naging malapit. Basta ang natatandaan na lang niya ay lagi na itong nasa tabi niya. Nagkawalay lang sila ng kaibigan nang magtayo na ito ng negosyo sa probinsya ng mga magulang nito.

"May mga tinanong ba sila sa inyo? May ginawa ba sila? At bakit kasama ninyo pa rin sila kung nakiupo lang sa table?"

Bahagya siyang natawa. Tinapik din niya sa balikat ang kaibigan na masyado 'atang tense. "Kalma ka lang, okay. Maayos naman silang nagtanong kung pwedeng sumama. Hindi raw kasi sila pamilyar dito sa Baguio."

"Oo nga. Saka para namang di mo rin kami kilala. Hindi naman kami sasama sa kanila sa tagong lugar or what. Sa mataong lugar naman kami papasyal. At alam mong hindi ko pababayaan 'tong si Cheezer," dagdag paliwanag ni Precy. "Saka pumayag lang naman ako kasi mukhang tinamaan 'tong isa do'n sa supladong lalaki," nakatawang biro pa ng babae.

"Siraulo ka Bessie. Hindi gano'n 'yon. Grabe ka sa 'kin."

"Talaga ba? Nahuli ka ngang nakatitig, eh." Ginaya nito ang nakatamemeng itsura niya.

"So, pumayag ka lang sumama sila sa atin dahil sa akin?"

Tumango ito. "Minsan ka lang tamaan, eh. Saka baka may chance na makalimutan mo na 'yong walanghiya mong ex."

"Loka! Pero aminin mo nagwapuhan ka rin sa kanila? Bet mo rin 'ata si Rexter, eh."

Ngumisi ito at nagtaas ng kilay. "In fairness gwapo nga sila. Hindi man mukhang mga Oppa, mukha naman silang mga Daddy."

Nagtawanan sila. "Daddy ng magiging anak ko," dugtong niya. Lalong lumakas ang tawanan nila at nag-appear pa.

"Umiwas na kayo sa dalawang iyon sa susunod," singit ni Jona sa usapan.

"Bakit kilala mo ba sila?" usisa niya.

"Hindi. Pero alam ko kung ano sila."

Mahina ang pagkakasabi nito ng mga huling salita pero umabot pa rin iyon sa pandinig niya na ikinakunot ng kanyang noo. Alam niyang may pagkaweird talaga ang babae at hindi mahilig makipagkaibigan na kahit si Precy ay medyo ilag dito. Pero never naman itong nangialam sa kahit sinong kausapin o kaibiganin niya.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Hmmm... wala. Basta, layuan niyo na lang sila, Cheezer. Mapanganib sila."

"Bakit naman sila mapanganib? Mamamatay-tao ba sila? Rapist? o Magnanakaw?" sunod–sunod na tanong niya. Nagpasya siyang sakyan muna ang trip ng loka-lokang kaibigan.

Saglit na tumahimik si Jona, saka mataman siyang tinitigan. "Mas mapanganib pa sila kesa sa mga tinukoy mo."

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay kinilabutan siya sa winika nito. Iyon kasi ang unang pagkakataon na ginamitan siya ng gano'ng tono ni Jona. Iyong parang nananakot talaga na pati ang mga mata ng kaharap ay tila panandaliang nag-iba ng kulay.

The Union Of Bloods (Revised Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon