ILANG araw na lang ay New Year na. Malapit ko nang makita at makuha ang sketch pad ni Sky. Makikita ko na rin ang mga idino-drawing niya doon simula nang unang beses ko siyang makita sa shop. Curious lang kasi ako kung ano ba ang nakalagay doon kasi wala talaga akong idea.
Hay… hanggang ngayon ay hindi pa rin ako maka-get over sa ginawa sa amin nina Ninang Cupcake at ng iba para sa ika-sampung buwan ng monthsary namin ni Sky. Biruin ninyo, nag-effort talaga sila na maghanda at i-surprise kami ng nobyo ko kahit sa totoo lang ay hindi na nila iyon dapat gawin. Iyong isarado ni ninang ang shop niya ng ilang oras ay sobrang laking bagay na. Kahit si Sky ay tuwang-tuwa din gaya ko.
Back to normal na ang lahat at ngayong araw ay nasa shop na ako. Balik na ulit sa trabaho. Ang saya lang na sampung buwan na ang relasyon namin ni Sky at hindi kami nagkakaroon ng matinding away. Minsan ay naaasar lang ako sa kaniya kasi grabe siya kung mangulit. Kaunting tampuhan lang na wala pang isang oras ay naaayos din namin.
Ngunit kung meron akong ikinababahala ay si Mang Wally. May mali sa ikinikilos niya, e. Lalo na 'yong humingi siya ng sorry sa akin kahapon tapos grabe iyong pag-iyak niya na parang ang laki ng nagawa niyang kasalanan sa akin. E, sa pagkakaalam ko ay kailangan lang naman niyang umalis agad kahapon sa celebration ng monthsary namin ni Sky dahil may sakit ang asawa niya. Nagkaroon tuloy ako ng kutob na ibang bagay ang hinihingi niya ng patawad sa akin. Kaya lang, wala akong maalala na may nagawa siyang matinding kasalanan sa akin. Hindi tuloy ako nakatulog nang maayos kagabi dahil sa pag-iisip.
Ano kaya kung kausapin ko mamaya si Mang Wally? Tama, ganoon ang gagawin ko. Pipilitin ko siyang umamin kung bakit ganoon na lang ang paghingi niya ng sorry sa akin kahapon.
Abala ako sa pagkuha ng orders ng mga customer nang may ipatong si Maki sa tabi ng counter. Isang red rose at maliit na envelope na kulay sky blue. Isinenyas niya sa akin iyon at tumango ako sa kaniya.
Nang wala nang customer na nakapila ay saka ko kinuha ang bulaklak at envelope. Inamoy ko muna ang rose bago ko binuksan ang envelope. Isang maliit na papel ang nasa loob niyon. Nang basahin ko nakumpirma kong galing iyon kay Sky.
Talagang binigyan pa niya ako ng sulat kahit na pwede naman niya akong tawagan o kaya ay i-text na lang. Isa ito sa mga nagustuhan ko kay Sky, e. Sobrang sweet niya at ma-effort!
Heaven,
Sorry kung hindi ako makakapunta diyan sa shop ngayon. Maghapon kasi ang log in ko sa online tutorial ko. Nagkasabay-sabay kasi mga tinuturuan ko. Pero kung mami-miss mo ako ay tumingin ka lang sa langit. Mahal na mahal kita…
Sky
Itiniklop ko ang sulat nang may nakapinid na malaking ngiti sa aking labi. Ibinalik ko iyon sa envelope at ibinulsa. Ang bulaklak naman ay ipinatong ko lang malapit sa akin. Mula sa kinaroroonan ko ay tumingin ako sa labas at kahit papaano ay nakita ko ang maaliwalas na kalangitan. Ang unahang bahagi kasi ng shop ay yari sa glass kaya nakikita ko ang labas.
BINABASA MO ANG
Diyan Ba Sa Langit?
RomanceTrahedya at pag-ibig. Magkakambal na daw ang dalawang salita na iyan. Ngunit ano nga ba ang mas masakit? Ang mauna ang pag-ibig bago ang trahedya o trahedya muna at pagkatapos ay pag-ibig? Ito ang kwento nina Heaven at Sky... Ano nga ba ang plano ng...