UNTI-UNTI kong iminulat ang aking mga mata kahit parang ang bigat ng aking talukap. Maingay sa paligid. Mga boses ng tao at sirena ng ambulansiya ang naririnig ko. Masakit ang buong katawan ko pero si Sky ang agad na hinanap ko. “S-sky…” tawag ko sa aking nobyo.
Nang igala ko ang aking mata ay nalaman kong naroon pa rin kami sa nakataob na owner type jeep at may naaamoy akong gasolina. Nakita ko si Sky na walang malay. Duguan ang mukha niya dahil sa mga bubog na nakabaon doon. Kapwa kami nakabitin dahil sa seatbelt na nakakabit sa katawan namin. Nag-aalala ako dahil iyong isang kamay niya ay parang nakaipit sa unahan ng sasakyan. Dahil siguro sa pagpapagulong-gulong ng sasakyan kaya iyon nangyari. Gusto ko siyang abutin at gisingin pero walang lakas ang kamay ko. Hindi ko man lang iyong maigalaw.
“Sky, g-gising…” ani ko sa paos na boses.
Nagkakagulo ang mga tao sa paligid namin. Kahit papaano ay kampante na ako dahil may tutulong na sa amin ni Sky. “Sir, tumagas iyong gasolina kaya kailangan na nating maialis ang dalawang sakay niyon!” Narinig kong sabi ng isang lalaki.
Medyo nakakaramdam ako ng pagkaantok at nilalabanan ko iyon. Ayokong makatulog ulit. Gusto kong gising ako hanggang sa makaalis kaming dalawa dito ni Sky. Gusto kong makasiguro na maililigtas nila kami. Hindi nga nagtagal ay may mga kamay na humahawak sa akin. Pilit nilang tinanggal ang seatbelt na nakalagay sa akin at nailabas na nila ako.
“Nailabas na 'yong babae. 'Yong lalaki, mahirap. Nakaipit ang kamay niya!” Kinabahan ako sa narinig ko.
“Ilabas niyo si Sky… Parang awa niyo na. Iligtas niyo siya…” Nanghihina kong pakiusap sa kanila. Hindi ko alam kung naiintindihan ba nila ako dahil kahit nagsasalita ako ay parang puro ungol lang ang lumalabas sa bibig ko.
Inihiga na ako sa stretcher at ipinasok na sa loob ng ambulansiya. Gusto kong bumaba para ako na mismo ang mag-alis kay Sky sa loob ng sasakyan pero wala talaga akong lakas. Iyak na lang ako nang iyak hanggang sa lagyan ako ng oxygen sa bibig at ilong.
Mas lalo akong natakot nang magsigawan na ang mga tao at narinig kong may biglang nagliyab sa likuran ng sasakyan. “Layo kayo! Sasabog iyan!” Tila himala na nagkaroon ako ng lakas at nagawa kong alisin ang oxygen at nakaupo ako sa kinahihigaan ko nang marinig ko iyon.
Panay naman ang pigil sa akin ng babaeng nurse na kasama ko sa ambulansiya. “Sky! Si Sky! Iligtas niyo siya!” Mula sa loob ng ambulansiya ay kitang-kita ko kung paano lamunin ng apoy ang owner type jeep. Kasunod niyon ay isang pagsabog ang nangyari. Para akong mababaliw nang sa mismong harapan ko ay nakita kong sumabog ang sasakyan kung saan naroon ang aking boyfriend.
“Sky!!!” Malakas na sigaw ko at tuluyan nang bumigay ang katawan ko. Nawalan ako ng ulirat at wala na akong naalala pa sa mga sumunod na nangyari. Ngunit kahit hindi na kaya ng katawan ko, alam ng Diyos na pilit kong nilalabanan ang panghihina ko para lang makasiguro ako ng ligtas din si Sky. But I guess, I failed…
BINABASA MO ANG
Diyan Ba Sa Langit?
RomanceTrahedya at pag-ibig. Magkakambal na daw ang dalawang salita na iyan. Ngunit ano nga ba ang mas masakit? Ang mauna ang pag-ibig bago ang trahedya o trahedya muna at pagkatapos ay pag-ibig? Ito ang kwento nina Heaven at Sky... Ano nga ba ang plano ng...