Constant 17

112 14 3
                                    


Para bang binalik siya ng tadhana sa oras at mukha siyang walang alam sa nangyayari. Nilibot ni Sidine ang tingin sa paligid at pinasadahan ng tingin ang mga taong naroon. Nandito ang mga magulang niya, si Dylan, si Jude, at si Brent. Paparating pa raw ang iba, sabi ng mama niya. Huminga siya nang malalim at pinigilan ang sariling umirap sa paulit-ulit nilang tanong.

"Naririnig mo ba ako, Sidine?"

"Naalala mo ba ang nangyari sa iyo?"

"Kilala mo ba kami?"

Paikot sila sa kama niya at para na siyang maso-suffocate sa rami nila. Kaso, wala siyang lakas para ibuka ang bibig at magsalita. Hindi rin niya kayang igalaw ang ulo o ang katawan pwera sa mga daliri. Nakahinga siya nang maluwag nang mawala ang mga ito sa paningin niya at pumalit ang isang lalaking nakasuot ng white coat. May ilaw na tumama sa mata niya pero imbes na masilaw ay tumitig siya roon.

"Iha, naririnig mo ako?" mahinahong tanong ng lalaki. "Igalaw mo ang daliri kung naririnig mo ako."

Sinunod niya ito. Ngumiti ang lalaki sa kaniya. "Very good. Kailangan mo lang kumalma dahil unti-unting babalik ang pakiramdam mo. Relax lang." Ngumiti pa ulit ito bago nawala sa paningin niya. Pinikit na lang niya ang mga mata at pinakinggan ang paligid gaya ng ginagawa niya tuwing nagigising siya sa hagulgol at usapan ng mga taong nasa loob ng silid.

"Dok, pumikit -"

"Maayos lang siya, Misis. Kailangan lang niya nang kaunting oras para muling bumalik ang lakas ng kalamnan niya. Patuloy lang sa pagpapalakas ng loob ng pasyente dahil nakakatulong ito sa recovery process niya."

May narinig siyang pagbukas at pagsara ng pinto. May yabag. May nag-uusap. May ingay ng cellophane at kalansing ng metal. Dumilat siya at nakita si Jude na matamang nakatitig sa kaniya. Tumitig ito sa mga mata niya at para bang nangungusap ang mga mata nito.

Natigilan siya nang marinig ang boses ng ama.

"May himalang nagbayad ng hospital bill. Ang sabi ng cashier, pwede nang ilabas ng ospital si Sidine kapag pumayag na ang doktor."

"A-ah, mabuti naman kung gano'n."

"Hindi pinaalam sa akin kung sino ang nagbayad. Pero kung sino man siya, isa siyang bayani na dapat hangaan."

"O-oo nga. Wala na pala tayong dapat alalahanin sa bill." Mahinang natawa ang mama niya. Pero hindi nakaligtas sa pandinig niya ang panginginig sa tawang iyon.

Gusto niyang bumangon at itanong kung bakit nagawa nitong paikutin ang ama niya sa loob ng maraming taon. Walang ginawa ang ama niya kung hindi mahalin ang mama niya pero nagawa pa rin nitong lokohin ang ama niya. Anong klase siyang asawa? Anong klase siyang ina? Hindi ba siya nakokonsensiya na pati anak ay pinaikot niya?

Nanlabo ang paningin niya. Napatingin siya kay Jude nang mapansin sa gilid ng mata ang pag-abot nito sa mukha niya. Kahit hindi niya ramdam ay alam niyang pinahid nito ang luha sa gilid ng mata niya. When she saw him, he stared at her with so much tender.

Pinikit niya ang mga mata at pinilit ang sariling muling matulog, gaya ng palagi niyang ginagawa sa nakalipas na mga linggo. It's as if she found haven in sleeping the pain away.

Hindi niya alam kung bakit mas ginusto niyang 'wag munang magising sa magulong mundo. Siguro dahil natatakot siyang humarap sa realidad. Isang realidad na pilit niyang binabago sa bawat araw at pilit inaalis sa isipan. Isang katotohanang binalik sa kaniya ng tadhana.

Ang katotohanang hindi siya mahal ng kaniyang ama. Na kahit pinapakita nitong pinahahalagahan siya nito, sa loob-loob niya, naroon ang damdaming kumukuwestiyon sa katauhan niya. Kung bakit nagawa ng ama niyang ikulong siya sa kabinet nang bata siya, kung bakit iba ang pakikitungo nito sa pagitan niya at kay Dylan, kung bakit ni minsan ay hindi ito um-attend sa recognition niya kahit pa siya ang pinakamatalino sa klase niya. Lahat ng pagdududa at paghahangad ng atensiyon ay binuhos niya sa pag-aaral at pagiging leader sa paaralan.

At ngayon... alam na niya kung bakit.

Siguro nga ay hindi nito alam na anak siya sa labas pero naroon pa rin ang kawalan ng pakiramdam ng pagiging ama sa kaniya. Iyon nga siguro ang dahilan kung bakit mayroong pader sa pagitan niya at ng kaniyang ama. Siguro nga.

At lahat ng iyon ay dahil sa ina niya.

Bakit... bakit nagawa nitong ilihim ang katauhan niya?







SHE LOOKED LIKE A WRECK. Magulo ang buhok niyang itim at namumula pa ang mata niya dahil kagigising lang. Gusto pa sana niyang matulog pero naalala niyang lunes na pala at babalik na siya sa Tyrant. Dalawang linggo na rin siyang naburyo sa loob ng bahay. Humikab siya at nag-unat-unat bago bumangon para tumungo sa banyo.

Alas-sais na nang bumaba siya sa hagdan. Una niyang nakita ang ina niyang nagwawalis sa sala. Tiningnan siya nito bago muling binalik ang atensiyon sa pagwawalis.

"Nakahanda na ang baon mo riyan sa mesa. Kumain ka na at mali-late ka na."

Hindi siya umimik. Dumalo siya sa hapag at para bang pagong na kumain. Natapos na ang ina niya sa pagwawalis pero hindi pa siya tapos kumain.

"Sidine, halos alas-siyete na. Mali-late ka na niyan."

"Maintindihan naman siguro nila," aniya at sumubo ng kanin.

"Ewan ko ba sa 'yong bata ka. Noong una naman ay hindi ka naman ganiyan. Takot kang ma-late tapos ngayon?" Inilagay ng mama niya ang walis sa gilid. "Basta bilisan mo riyan."

Nagkunwari siyang ngumunguya. Tumango na lang siya at nagbaba ng tingin sa sariling pinggan. Naiiling na umalis sa kusina ang mama niya. Napabuntonghinga siya. Simula noong malaman niya ang totoo, hindi na niya alam kung paano pakikitunguhan ang mama niya, pati ang papa niya, at si Dylan. Pakiramdam niya ay hindi siya kabilang sa pamilyang ito at kahit pa walang nagbago sa pakikitungo ng mga ito sa kaniya, lumalayo siya sa mga ito. Unti-unting may namumuong pader sa pagitan niya at ng pamilya niya.

At iyon ang nakakalungkot.

Nawalan na siya ng gana sa kinakain kaya inilagay na lang niya sa lababo ang pinggan. Isinilid niya sa lagayan ng tira ang natirang kanin at hinugasan ang pinagkainan. Matapos niyon ay kinuha na niya ang baon sa mesa at nagmartsa papunta sa sala. Nagpaalam siya sa ina at lumabas ng bahay bago pa man ito makapagsalita.

Pumara siya ng jeep nang hindi alam kung anong madadatnan sa Tyrant. Kung may magbabago o wala... hindi niya alam.

#012420.9.1P

Constant (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon