Chapter 3: The First Memory Fragment

324 23 69
                                    

Maagang nagising si Dr. Tod na nagkaroon ng masarap na tulog kagabi. Tila ba nakakaganda sa balat ang sapat na oras ng pahinga. Lalong lumitaw ang pagiging magandang lalaki niya. Aakalain ng mga tao na estudyante pa lamang siya at hindi pa lisensyadong doktor. Ipinagtimpla niya ako ng mainit na gatas. Iniabot niya ang baso ng gatas sa akin na may matamis na ngiti sa kanyang labi. "Magandang umaga."

Pinapanood ko siya habang nalagok ako ng manit at malinamnam na gatas na siya mismo ang nagtimpla. Hindi katamisan, sakto lamang ang kanyang timpla. Inayos niya ang kanyang mga gamit at inilagay itong lahat sa kanyang bag.

Tumingin siya sa akin at ngumiti, "Baka naman matunaw na ako sa tindi ng pagtitig mo sa akin."

Napakalambing ng kanyang boses, napakasarap pakinggan habang nakapikit. Pagkatapos namin uminom ng gatas ay nakita ko siyang nag-eempake ng kanyang mga gamit.

"Saan ka pupunta?"

"Sa clinic natin." Ngumiti siyang muli sa akin at nagpatuloy sa pag-aayos ng kanyang gamit.

Nabanggit sa akin ng anghel na siya ay ang tanging kaibigan ko noong nabubuhay pa ako.

"Sino si Dr. Tod sa buhay ko?"

"Siya ang pinakamatalik at tanging kaibigan mo noong nabubuhay ka pa."

"Iyon lang?"

"Hanggang doon lamang ang puwede kong sabihin sa iyo."

Siguro dapat Tod na lang ang itawag ko sa kanya kung matalik pala kaming magkaibigan. Para maiwasan na rin na magduda siya sa mga ikinikilos ko. Nang makatapos ayusin ang kanyang gamit ay nagpaalam na siya sa akin. Maingat niyang isinara ang pinto habang nakangiti sa akin at nakaway.

Umuwi siya saglit para asikasuhin ang clinic kung saan siya mismo nagtatrabaho. Noong una, akala ko ay doktor lamang siya sa ospital na ito ngunit hindi lang pala rito kundi pati sa isang maliit na clinic na pag-aari raw namin.

Kakaalis lamang ni Tod nang saktong dumating si Angela. Walang tigil ang pagtawa ni Angela habang itinuturo ang naglalakihan at nangingitim kong mga eyebags. Maaga siyang dumalaw sa aking kuwarto at ito na talaga ang pinaka-unang bagay na ginawa niya sa akin. Medyo nakakasakit ng kalooban.

"Parang kahapon lamang ay sobra ang pag-aalala mo sa akin. Umiiyak ka pa nga ngunit ngayon pinagtatawanan mo na lamang ako." Biro ko sa kanya na may halong katotohanan ang pagtatampo ko sa kanya.

"Kasi naman, bakit hindi ka natulog?" Naluluha na ang kanyang mata sa kakatawa. Masisisi niya ba ako kung hindi ako makatulog kakaisip sa kailangan kong gawin.

Hindi ko na rin maiwasang matawa. Hindi sa kanya kundi sa sarili ko.

Ayon sa batang anghel may lihim akong pagtingin kay Angela, paano kaya kung ang mahalagang bagay na hindi ko nagawa noong nabubuhay pa ako ay ang umamin sa nararamdaman ko para sa kanya. Tumigil ako sa pagtawa at sinubukang mag-ipon ng sapat na lakas ng loob. Kung gusto kong matapos agad ang misyon ko, kailangan kong sumugal. Bahala na kung ano ang susunod na mangyayari.

"M-mahal kita," ang mabilis ngunit kabado kong pagtatapat. Bumagal ang oras ngunit walang kasing bilis ang tibok ng aking puso.

Napatigil sa pagtawa si Angela. Naiwang nakabuka ang kanyang bibig at nagsimulang mamula ang kanyang magkabilang pisngi. Walang pasabi na tumakbo palabas ng kwarto si Angela habang ako ay naiwang palinga-linga sa paligid, naghihintay na mayroong mangyayari. Bakit walang nangyayari? Hindi pa ba iyon ang mahalagang bagay na kailangan kong gawin?

Mamaya-maya ay biglang sumulpot ang batang anghel sa aking harapan. Kung butas ang dibdib ko malamang tumalon na ang puso ko palabas dahil sa gulat ko.

"Hindi iyon ang mahalagang bagay na kailangan mong gawin para sa misyon mo. Pero kabawasan na rin sa mga bagay na pinagsisihan mo na hindi mo ginawa noong nabubuhay ka pa."

Dr. SterbenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon