Habang naghihintay ako ay mayroong isang lalaking pasyente ang dumating sa clinic. Maraming palatandaan na makikita sa kanya para masabing may katandaan na siya. Kitang-kita ito sa pagkakulubot ng balat niya at halos puti na ang bawat hibla ng buhok niya. Sa tingin ko dati na siyang pasyente dito dahil kilala niya ako.
Hindi ko alam kung ano ba dapat ang gawin ko dahil wala akong naaalala lalo na sa panggagamot ng pasyente. Nasaan ba si Samara? Kung kalian naman kailangan ko ng tulong mula sa anghel na iyon, saka niya naman ayaw magpakita.
"Nakakatuwa naman at nandito ka na Dr. Sterben," ang nakangiting pagbati sa akin ng matandang lalaki. Luma na ang kanyang suot na mga damit. Nasabi ko iyon dahil kupas na ang nakaimprentang disensyo sa kanyang damit.
"Salamat po. Kalalabas ko lamang sa ospital." Maingat na sagot ko.
"Kung ganoon, hindi ka pa muna dapat magtrabaho. Nasaan ba si Dr. Tod? Bakit hinayaan ka niyang magtrabaho kaagad?"
"Lumabas lamang siya saglit. Ayos lang ba kung hihintayin mo siyang bumalik?" Kailangan kong maging maingat sa mga gagawin at sasabihin ko. Kalusugan ng matandang ito ang nakasalalay. Hindi ako pwedeng mamali sa diagnosis ko sa kanya.
"Hihingi lamang ulit ako ng reseta ng gamot, naiwala ko kasi ang reseta ko noong nakaraang araw. Dr. Sterben, maaari bang sayo na lamang ako humingi ulit ng isa pang kopya."
"Saglit lamang po, hahanapin ko lamang ang gamot ninyo."
Paano na ito? Ano ang gagawin ko? Hindi ko alam kung anong gamot ang nireseta ko sa kanya dati. Iniwan ko muna siya panandalian para hanapin ang records niya sa clinic.
Mayroon akong nakitang kabinet sa isang sulok sa loob ng opisina ng clinic. Isang drawer na mayroong nakasulat na files ang binuksan ko, at sakto naman na nandoon ang mga records ng pasyente. May mga litrato na nakalagay sa bawat record kaya hindi ako nahirapan hanapin ang record ng pasyenteng kausap ko kanina. Tiningnan ko ang huling gamot na nireseta ko sa kanya at kung gaano kadami. Nakalagay sa record niya na pinaiinom ko siya ng Amlodipine para sa madalas na pagtaas ng kanyang blood pressure at bahagyang pagkalula na nararamdaman niya dahil lagi siyang high blood.
Tila may mali noong nabasa ko kung gaano kadami ang ipinaiinom ko sa kanyang gamot na Amlodipine. Kahit walang maalala ang utak ko nararamdaman kong mali ang dosage na ibinigay ko sa kanya. Sobra-sobra ang 2 maximum dose per day na nasa 10mg para sa kanyang kalagayan at edad. Paglipat ko ng pahina ay biglang may nahulog na papel. Pinulot ko ito at lubos akong nabahala sa aking nabasa sa papel na iyon. Nakasulat dito ang pangalan ng pasyente na nanghihingi ng reseta, at mga bagay tungkol sa pribado niyang buhay. Isa siyang dating drug addict at dati nang nakulong dahil sa pang-aabuso sa asawa niya.
Nag-uumpisa na namang lamunin ng galit ang aking puso sa hindi maipaliwanag na dahilan, mula sa aking nabasa. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung saan nanggagaling ang poot na ito. Bawal dapat ang mga ganitong bagay sa aming propesyon, kung ganoon bakit mayroon kami nito? Kapag nasiwalat itong ginagawang anumalya ng clinic mawawalan kami ng lisensya at maaari kaming makulong.
Tiningnan ko ang iba pang mga record ng mga pasyente ng clinic namin at lahat sila ay mayroong mga hiwalay na papel na naglalaman ng mga pribadong detalye ng buhay nila. Biglang pumasok sa isip ko iyong isang pag-uusap naming dalawa ni Tod habang nasa ospital ako.
"Napakabait nung isang bagong pasyente. Kahit matanda na siya inuuna pa rin niyang isipin ang mga anak niya. Sabi ko sa sarili ko, tama lang na buhayin ko ang pasyente na ito." Nakangiti siya habang nagkukwento ngunit biglang nagdilim ang ekspresyon ng kanyang mukha at tila ba biglang naging seryoso. "Hindi tulad ng ibang pasyente na nararapat lang talagang mamatay."
"Kung magkakaroon ka ng pasyente na isang masamang tao, bilang isang doktor ililigtas mo pa rin ba ang buhay niya?"
"Ikaw, sa tingin mo dapat ba silang iligtas?"
"Anong desisyon mo, Sterben." Ang boses na iyon hindi ako nagkakamali si Samara iyon. Lumingon ako at nakita ko siyang nakatayo sa likod ko. Malungkot siyang nakatitig sa akin habang naghihintay ng sagot.
"Bakit ngayon ka lamang nagpakita! Alam mo bang gulong-gulo na ang aking isipan! Hindi ko na alam ang dapat kong gawin!"
"Tandaan mo nasa iyong mga kamay pa rin ang magiging kahihinatnan ng misyon mo, gabay lamang ako at ikaw ang dapat makatuklas ng mga bagay-bagay tungkol sa sarili mo."
"Walang kwenta!"
Nagtatalo ang kalooban ko kung ano ang dapat kong sabihin o kung ano ang dapat kong gawin. Nararapat bang mabuhay ang isang drug addict na nananakit ng kanyang asawa o nararapat lamang siyang mamatay?
Walang imik akong naglakad pabalik sa mesa kung saan naghihintay ang pasyente. Sinulatan ko siya ng reseta na hinihingi niya.
"Anong ginagawa mo Sterben?" Sinusubukan akong pigilan ni Samara ngunit patuloy lang ako sa pagsusulat. Kumakapit siya sa laylayan ng aking coat pero baliwala lamang ang kanyang pagod. Iniabot ko ang reseta sa pasyente, pagkatapos ay nagpasalamat na siya at umalis na.
"Hahayaan mo ba talagang mamatay iyong pasyente na iyon?" Pumunta sa harapan ko si Samara. Nakita niya ang maluha-luha kong mga mata habang pinipilit kong itago ang nararamdaman kong pagkalito. Sinubukan kong punasan ang aking luha gamit ang manggas ng aking coat. Noong una yung kanan sa luha sa kanang mata papunta sa kaliwa. Pagkatapos iyong kaliwang manggas naman ang ipinunas ko mula sa kaliwang mata papunta sa kanang mata.
Ang iniabot kong reseta sa pasyente ay mayroong bawas na dosage kumpara sa orihinal na reseta sa kanya. Labag man sa loob ko at mayroon man na halong pagkalito sa puso ko, pinili kong bigyan siya ng pagkakataon. Sa tingin ko ay nagbago na ang pasyenteng ito at pilit na itinatama ang kanyang mga pagkakamali sa buhay. Kaya naman pinili ko siyang bigyan ng isa pang pagkakataon sa buhay katulad sa kung paano binigyan ni Angela ang kanyang ama ng pangalawang pagkakataon at kung paano ako binigyan ng langit ng ikalawang pagkakataon.
"Binabati kita Sterben, nabawasan ulit ang mga bagay na pinagsisihan mo. Nagsisisi ka na hindi mo nagawang bigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga pasyente ninyo." Pagbati sa akin ni Samara.
"Kailangan kong humingi ng tawad sa ginawa ko sa ama ni Angela."
"Hinihintay ko lamang na sa iyo mismo manggaling ang mga salitang iyan." Ngumiti siya sa akin na tila ipinagmamalaki niya ako.
Hindi ko alam kung bakit hindi ako masaya sa sinabi ni Samara. Hindi tulad ng naramdaman ko noong nagawa kong magtapat ng aking pagmamahal kay Angela, pakiramdam ko ay hati ang nararamdaman ng puso ko. Pakiramdam ko ay may parte akong nagsasabing hindi ko dapat ginawa iyon.
"Kung ganoong konektado ang nagawa ko ngayon sa mga pinagsisisihan ko dati, nasaan na ang gamit na naglalaman ng memory fragment?" ang tanong ko kay Samara.
"Makukuha mo rin iyon, pero sa tingin ko dapat ihanda mo na ang sarili mo sa mga alaalang nakapaloob sa memory fragment na iyon." Bakas sa mukha niya ang pag-aalala.
"Pinakakaba mo naman ako." Biro ko habang pinipilit ngumiti at itago ang aking nararamdamang takot sa pwede kong malaman.
Ayaw ko man aminin sa sarili ko, pero sa tingin ko ay mayroong kung anong mali sa clinic na ito at sa aming dalawa ni Tod. Kailangan ko ulit makausap si Tod tungkol sa bagay na ito. Hindi ko maialis sa isip ko na isang mamamatay tao ang kaibigan kong si Tod, at ako ang kasabwat niya.
May biglang nagbukas muli ng pinto ng clinic. Isang taong hindi ko inaasahang makikita kong muli.
"Maaari po ba akong mag-apply bilang sekretarya," ang sabi ng isang malambing na boses ng babaeng hinahanap ko. Nililipad ng hangin ang magandang at maalong kulay pula niyang buhok. Hinawi niya ito sa likod ng kanyang tenga.
"Catherine. . ."
BINABASA MO ANG
Dr. Sterben
Bí ẩn / Giật gânSterben died in a car accident and then finds himself in the middle of nowhere, surrounded by pure darkness. A nameless little angel suddenly shows up to deliver him the good news. Sterben was informed by the angel that he is a lost soul who was giv...