Chapter 9: Angela's Warning

156 12 14
                                    

Parang pinagsakluban ako ng langit at lupa sa aking narinig. Napuno ang puso ko ng labis na pagkalito. Sino ba talaga ako? Sino si Genesis? Ako ba talaga si Sterben? Samara, sagutin mo ang tanong ko! Pakiusap!

Gusto kong sumigaw, gusto kong ilabas ang lahat ng nag-uumapaw na emosyon sa puso ko ngunit pinigilan ako ni Samara. Hinawakan niya ang likod ko at hinimas ito nang marahan.

"Kumalma ka, Sterben. Nandito lamang ako sa tabi mo. Kailangan mong magpakatatag at kayanin ang pagsubok na ito."

Pero paano? Paano ko gagawin iyon?

"Maaari ko bang malaman kung bakit mo hinihingi ang impormasyon tungkol kay Tod?" sabi ni Sister Isabella na walang ideya sa ginagawang pagpapakalma sa akin ni Samara. Sinubukan kong huminahon at nang sa tingin ko ay kaya ko na, sumagot na ako sa tanong niya.

"Kaibigan ko po si Tod, bago pa siya mapunta dito. Gusto ko lamang po na malaman kung bakit bigla siyang nawala." Tumigil ako saglit at saka huminga nang malalim.

"Iyon pala ay dinala siya dito. Umaasa po ako na magkikita kaming muli." Nagsinungaling ako, sa harap pa talaga ng isang madre. Patawarin sana ako sa kasalanang nagawa ko at payagan pa rin sana akong makapunta sa langit.

Sa ngayon, ito lamang ang naiisip kong paraan para ikuwento sa akin ni Sister Isabella ang tungkol kay Tod. Hindi nagduda si Sister Isabella sa sinabi kong dahilan at nagpatuloy siya sa pagbibigay ng impormasyon.

"Dinala rito si Tod dahil namatay ang kanyang mga magulang. Naaksidente ang sinasakyan nilang kotse. Nahulog ito sa bangin at tanging si Tod ang nakaligtas."

Namatay na rin ang mga magulang niya? Malaki ang pagdududa sa puso ko kung aksidente nga ba talaga ang dahilan ng pagkamatay ng mga magulang ni Tod. Masyadong nakapaghihinala kung paanong nagkataon na pagkatapos kong dalhin dito, ay dinala na rin dito si Tod sa parehas na dahilan.

Ano ba itong ginagawa ko? Patuloy kong pinagdududahan si Tod sa kabila ng ginawa niyang pagdamay at pagtulong sa akin palagi!

"Ano po ang masasabi mo sa ugali ni Tod noong nandito siya sa ampunan?"

Nagkaroon ng panandaliang katahimikan habang nag-iisip si Sister Isabella ng isasagot hanggang sa naisip na niya ang kanyang sasabihin.

"Si Tod ay isang masigla at matalinong bata. Marami talaga ang gustong mag-ampon sa kanya. Hindi lamang siya naampon dahil sa kagustuhan niyang isama si Genesis. Kabaliktaran naman ni Tod ang ugali ni Genesis."

Napatingin ako kay Samara nang mag-umpisa nang magkuwento si Sister Isabella ng mga bagay tungkol kay Genesis.

Ayos lang ba iyon?

"Oo, walang nalabag na patakaran. Wala kang intensyon hingiin sa kanya ang bahagi ng nakaraan mo. Kusa niya itong ibinigay," sabi ni Samara.

"Malambing din naman ang batang si Genesis, ngunit masyado siyang mahiyain. Mayroon sanang isang pamilyang mag-aampon na dapat sa kanya dati, bago pa man dumating si Tod sa ampunan."

"Ano po ang nangyari? Bakit hindi natuloy?"

"Umatras sila dahil sa isang dahilan na ako man ay hindi makapaniwala na gagawin ni Genesis. Sinabi ng mag-asawa na lalapitan sana nila si Genesis, ngunit sobrang nakakakilabot ito kung tumitig na tila ba ay galit na galit."

Magtatanong pa sana ulit ako tungkol sa nangyari ngunit hinawakan ni Samara ang kamay ko. Napatingin ako sa kanya.

"Sterben, lalabagin mo na ang patakaran sa gagawin mong iyan. Tandaan mo hindi mo pwedeng alamin ang sarili mong nakaraan sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga nakakakilala sa iyo," paalala ni Samara sa akin.

"Ngunit ako si Sterben hindi ba? Si Genesis ang pinag-uusapan dito. Ang ibig sabihin mo ba sa paalala mong iyan ay ako talaga si Genesis? Kung ganoon nga bakit mo ako pinaniwala na ang pangalan ko ay Sterben!"

Umiwas ng tingin si Samara at nanatiling tahimik. Iniwasan niyang sagutin ang tanong ko sa kanya. Wala siyang binigay na kahit na anong tugon sa akin.

Sa kalagitnaan ng aming pag-uusap ni Sister Isabella, biglang mayroong tumunog sa aking bulsa. Noong kinapa ko ang bulsa ng aking pantalon ay nakuha ko ang isang cellphone. Nang tingnan ko kung sino ang tumatawag, nakita kong si Angela pala. Nagpaalam ako saglit kay Sister Isabella para lumabas at sagutin ang tawag ni Angela.

Nang nasa labas na ako ng opisina ni Sister Isabella ay kaagad akong sinalubong ng maiingay na mga bata. Sabik na sabik at sabay-sabay nilang tinatanong sa akin kung kamusta ang pag-uusap namin ni Sister Isabella. Nginitian ko lang sila at marahan kong hinawi sa tabi para makadaan ako. Sumunod sa akin si Samara palabas.

Noong wala na ang mga nangungulit sa akin na mga bata, ay matagal kong tinitigan ang cellphone na hawak ko. Tumingin ako kay Samara.

"Paano nga ulit gamitin ang bagay na ito?"

"Bakit ako ang tatanungin mo, anghel ako hindi kami nagamit ng bagay na iyan," sagot niya.

Mula sa malayo ay natanaw ako ni Maria, iyong batang sumalubong kaagad sa akin kanina. Mabilis siyang tumakbo palapit sa akin. Bahagya pa siyang hinihingal nang nagtanong na siya kaagad sa akin. "Mister . . . kanina pa po tunog nang tunog ang cellphone mo. Bakit ayaw mo pong sagutin?"

Alam ng batang ito na cellphone ang bagay na hawak ko. Magtanong kaya ako sa kanya kung paano? Baka mas may mapala ako sa kanya kaysa kay Samara. Pagkatapos kong maisip ang bagay na iyon ay nahuli kong inirapan ako ni Samara. Napabuntong-hininga na lamang ako.

"Maria, alam mo ba kung paano gamitin ang bagay na ito?"

Tumango siya at sumagot sa akin. "Opo."

Inabot ko sa kanya ang cellphone ko. Pinindot niya lamang ito at ibinalik na kaagad sa akin. Maririnig mula sa cellphone ang boses ni Angela na tila ba ay nanginginig.

"Hello! Hello! Sterben!"

"Hello, bakit?"

"Hello, Sterben! Nasaan ka ngayon?"

"Nasa isang ampunan ako ngayon." paliwanag ko. "Bakit?"

"K-kagagaling lamang dito ni Tod. Galit na galit siyang sumugod sa bahay ko, hinahanap ka niya. Akala niya ay magkasama tayo."

Maaaring nalaman niyang nawawala ako sa bahay naming at napansin niya sigurong pinakielaman ko ang librong naglalaman ng litrato namin sa ampunan.

"Nasaan na siya ngayon? Nandiyan pa ba siya?" ang tanong ko kay Angela dahil sa pag-aalalang baka saktan siya ni Tod.

"Wala na. Ano ba ang nangyari, Sterben?"

"Ayos ka lang ba? Hindi ka ba niya sinaktan?"

"Hindi naman. Ano ba ang nangyari, Sterben?"

"Sa susunod ko na lang ipapaliwanag. . ."

"Mahal kita. . . at sorry." Pahabol ko.

"Mahal din kita," sagot ni Angela. Sa tono niya ay bahagya nang napanatag ang kanyang kalooban at ganoon rin ako. Sadya nga talagang mapagpatawad si Angela.

Tumingin ako kay Maria at inabot ko sa kanya ang cellphone. "Pakibaba na ang tawag."

Narinig ito ni Angela, "Saglit lang Sterben, huwag mo munang ibaba. Nasaan ka? Sino iyong kausap mo . . ."

Dr. SterbenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon