Chapter 2: The Mission

456 23 41
                                    

Wala akong magawa kundi ang hintayin bumalik ang babaeng una kong nakita sa pagmulat pa lamang ng aking mga mata. Habang naghihintay ay sinubukan kong gumalaw-galaw. Napagtanto ko na hindi ko maikilos ang aking binti at bahagya ko na lamang maigalaw ang aking mga braso dahil sa sakit.

Napagpasyahan kong magtanong sa anghel ng ilang mga bagay patungkol sa babaeng umiiyak at yumakap sakin kanina, "Sino siya?"

"Siya si Angela, may lihim kang pagtingin sa kanya," sagot niya sa akin na wala nang paliguy-ligoy pa, "ipapaliwanag ko sa iyo ang mga bagay-bagay tungkol sa misyon mo, subalit may limitasyon kung hanggang saan lamang ang pwede kong sabihin sa iyo."

Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman sa pagkakataong ito. Aaminin kong may kakaibang kiliting naramdaman ang puso ko ngunit hindi ito mapagtanto ng isipan ko. Kay simpleng sabihin na may pagmamahal ako para kay Angela ngunit kay hirap paniwalaan kung wala akong maalala na kahit ano tungkol sa kanya.

Nagsimulang libutin ng anghel ang kuwarto. Itinaas niya ang kanyang hinlalaki. "Una, dapat mong malaman na limitado ang oras mo para makumpleto ang misyon mo. Mayroon ka lamang na isang buwan para matuklasan ang mahalagang bagay na hindi mo nagawa noong nabubuhay ka pa at tapusin ito."

Kakaiba siyang magbilang. Kadalasan ang hintuturo ang unang inuunat na daliri kapag magbibilang ng isa at ang hinlalaki naman ang ginagamit sa bilang na lima. Samantalang ang pagbibilang ng anghel na ito ay nagsimula sa hinlalaki.

"Ngunit ano ang mahalagang bagay na iyong tinutukoy?"

Itinaas niya ang kanyang hintuturo. "Ikalawa, hindi ko maaaring sabihin sa iyo. Kailangan na ikaw mismo ang makatuklas sa bagay na iyon. Ako ay gabay lamang sa iyong misyon dito sa lupa. Mayroong mga espesyal na gamit ang naglalaman ng mga bagay na kung tawagin ay memory fragments. Sa oras na mahawakan mo ang isang memory fragment, babalik sa iyo ang mga alaalang nakapaloob sa bagay na nagtataglay ng memory fragment. Makakatulong ang mga gamit na iyon para malaman mo kung ano ba ang mahalagang bagay na hindi mo nagawa noong nabubuhay ka pa."

"Ikatlo, bawal ka magtanong sa mga tao sa paligid mo tungkol sa nakaraan mo. Ngunit maaari silang magkuwento ayon sa sarili nilang kagustuhan at hindi dahil itinanong mo ito sa kanila." Itinaas niya sa pagkakataong iyon ang kanyang hinlalato.

Itinaas niyang sunod ang kanyang palasingsingan. "Ikaapat wala kang maaaring pagsabihan tungkol sa misyon mo o sa kung ano ang pinagdaanan mo para makabalik sa mundo ng mga buhay."

Itinaas niya ang kanyang hinliliit, "Ikalima at ang huling bilin ko sa iyo. Hindi magiging madali ang pagkuha ng mga memory fragments. May mga masasakit at masasamang alaala ang maaaring magbalik."

Naputol ang aming pag-uusap ng batang anghel nang biglang pumasok sa kuwarto ang isang lalaking doktor, kasunod niya si Angela. Medyo kinabahan ako sa pag-aakalang nakita nila ang kausap kong anghel. Pero parang wala lamang sa kanila ang anghel na nasa kanilang harapan.

Marahil ang lalaking doctor na kasama ni Angela ay si Dr. Tod, ang tinatawag ni Angela kanina noong paglabas niya. Sa tingin ko nasa edad 30 na siya. Matikas ang kanyang pangangatawan at may kagwapuhan ang kanyang itsura, marahil dahil na rin sa malaporselana niyang kutis. Bakas sa kanyang mukha ang masaya niyang mga titig sa akin. Lumapit siya sa akin at nagsimulang kamustahin ang kalagayan ko. Tiningnan niya ang mga monitor ng apparatus na nakakabit sa akin para masigurong nasa maayos na akong kalagayan. Sinubukan kong bumangon pero pinigilan niya ako at inalalayan pabalik sa aking pagkakahiga.

"Huwag ka munang masyadong gumalaw. Kamusta na ang pakiramdam mo? May nararamdaman ka pa bang masakit sa katawan mo?" ang sabi niya sa akin.

Ngayong nabanggit na niya, nakararamdam nga ako ng bahagyang pananakit sa ilang parte ng aking katawan. "Medyo masakit pa ang ilang bahagi ng katawan ko tulad ng kanang braso at kaliwang binti."

Dr. SterbenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon