Chapter 4: Who is Catherine?

19 1 9
                                    

Habang hinihintay ang eksaktong araw ng aking paglabas sa ospital ay napagdesisyonan kong maglibut-libot muna sa hardin na matatagpuan sa labas ng ospital. Sinubukan kong magpaalam ngunit ayaw nila akong payagan na lumabas nang walang bantay dahil sa pagsubok kong tumakas dati.

Wala akong nagawa kundi ang pumayag na samahan ako ng isang nurse doon sa ospital. Isa siyang magandang babae na mukhang mas bata sa amin nina Tod. Maganda rin ang hubog ng kanyang katawan at ang kanyang postura. Maalon ang kanyang maputlang kulay pulang buhok na abot hanggang bewang.

Hindi ko mapigilang mamula sa tuwing natititigan ko ang kanyang makislap na mga mata na puno ng pag-aaruga kung makatingin. Patawarin ako ni Angela kung hindi ko mapigilang humanga sa ganda ng nurse na kasama ko ngayon. Si Angela pa rin naman ang nag-iisang laman ng puso ko, lalo na at nagbalik na sa akin ang mga alaalang magkasama kaming dalawa. Hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit parang may kakaiba sa akin.

Naglalaro ang mga bata sa malawak na damuhan sa hardin ng ospital. Marami ring mga matatanda ang nagpapahinga sa mga batong upuan. Ang iba ay naglalakad-lakad hawak-hawak ang kanilang mga saklay. Meron din naming nagpapakain ng tinapay sa mga kalapati.

"Sterben, kanina ka pa nakatingala sa akin. May nais ka bang sabihin?" ang kanyang sabi habang itinutulak ang sinasakyan kong wheelchair.

"A-Ah wala yun. Sinusubukan ko lang tingnan yung nameplate mo," nangangatal na sagot ko.

Bahagya siyang tumawa at ngumiti sa akin, "Sana itinanong mo na lang sa akin ang aking pangalan."

Ang kanyang mahinhin na tawa ay maikukumpara sa nakakakalmang awit ng mga ibon sa paligid namin ngayon. Tumigil siya sa pagtulak sa aking wheelchair at hinawi ang kanyang nakalaylay na buhok sa likod ng kanyang tenga.

"Nahihiya kasi ako." Umiwas ako ng tingin sa kanya at ibinaling sa ibang bagay ang aking atensyon. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ang bilis ng tibok ng aking puso.

"Ano gusto mo pa ba malaman ang pangalan ko?" ang sabi niya sabay takip sa nameplate sa kanyang dibdib. Lubhang nakakaakit ang kanyang ngiti. Ang mga mata niya ay kumikislap tulad ng dagat sa tuwing masisinagan ng araw. Sumayaw ang kanyang buhok sa bawat pag-ihip ng hangin.

"Maaari ko bang malaman ang pangalan mo?"

Inilapit niya sa aking mukha ang kanyang mukha at pagkatapos ay ngumiti, "Catherine."

Pagkatapos noon ay bigla akong inantok bigla sa hindi malamang dahilan. Paggising ko nasa kuwarto na ulit ako ng ospital. Napabalikwas ako, wala na si Catherine. Nananaginip lamang ba ako kanina?

Biglang bumukas ang pinto at pumasok si Tod na mukhang galit sa akin. "Mabuti naman at gising ka na."

"Tod, may kilala ka bang nurse na ang pangalan ay Catherine? Dito siya nagtatrabaho. May maganda siyang pulang buhok."

Nagsalubong lalo ang kilay ni Tod matapos niyang marinig ang tanong ko. "Sterben, ikaw ba talaga iyan?"

"Bakit?"

"Wala iyon. Kalimutan mo na ang sinabi ko." Tumalikod siya at bago siya tuluyang lumabas muli ng kuwarto ay sinagot niya ang aking katanungan. "Wala akong kilalang nurse na nagngangalang, Catherine."

Nakakapagtaka rin ang mga ikinikilos ni Tod. Hindi ko maintindihan, nananaginip lang ba talaga ako kanina? Nasaan na ba yung batang anghel sa mga panahon na katulad nito? Kung kailan ba naman siya kailangan saka naman ayaw magpakita sa akin.

Mamaya-maya ay may pumasok na isang nurse sa loob para ibigay sa akin ang aking mga gamot. Sa isa pang pagkakataon ay sinubukan ko muling magtanong tungkol kay Catherine.

"May katrabaho ka bang nurse na ang pangalan ay Catherine?"

"Sir, inumin niyo na po ang gamot mo." Nagmamadali niyang inabot sa akin ang dala niyang gamot.

Bakit ganoon? Parang iniiwasan niya ang aking tanong. Sinubukan ko muling ibalik ang paksa tungkol kay Catherine.

"Siya iyong sumama sa akin sa hardin ng ospital. Siya ang nagtutulak sa wheelchair ko, hindi ba?"

"Sige po sir, aalis na po ako. Pakiinom na po ang inyong gamot bago ito lumagpas sa oras ng pag-inom." Balisa at nagmamadaling lumabas ng kuwarto ang nurse na pinagtanungan ko.

Sinubukan kong mag-abang ng nurse na dadaan sa pasilyo ng ospital sa tapat lamang ng aking kuwarto. Hindi talaga ako matahimik sa kakaibang ikinikilos ng lahat sa paligid ko. Hanggang sa may dumaan nang isa, kaagad kong binuksan ang pinto at hinarang siya.

"Maaari ba kitang makausap kahit saglit lang? May itatanong lamang ako sayo."

"Okay po sir, ano iyon?"

"May kilala ka bang nurse na ang pangalan ay Catherine? May kulay pulang buhok at asul na mga mata."

"Ah opo si Cath. Bigla po siyang nag-resign sa hindi malamang dahilan. Pero bali-balita po na pinilit lang po siyang mag-resign."

Biglang napatigil ang pag-uusap naming noong dumating si Tod. Hinawakan niya sa balikat ang nurse na kausap ko at ngumiti. "Ako na ang bahala sa pasyente. Ipagpatuloy mo na ang gagawin mo."

"A-a opo Dr. Tod." Namula ang kanyang pisngi at pagkatapos ay umalis kaagad ang nurse na tila kinikilig.

Pagkaalis ng nurse ay sa akin naman ngumiti si Tod. "Ano ang pinag-uusapan ninyo?"

"Wala iyon." Umiwas ako ng tingin kay Tod.

Hindi pwedeng malaman ni Tod ang nalaman ko tungkol kay Catherine. Sa tingin ko ay may kinalaman siya sa mga nangyayari. Kaibigan ko si Tod, ang sabi ng batang anghel siya lamang ang tanging kaibigan ko. Pero bakit ko siya pinagdududahan ngayon?

"Matulog ka na at magpahinga, bukas ay makakalabas ka na ng ospital." Inalalayan ako ni Tod papunta sa aking kama. Kinumutan niya ako at pagkatapos ay naupo sa upuan sa tabi ko kung saan lagi siyang natutulog nang nakaupo.

"Simulan mo kaagad bukas na gawin ang misyon mo." Biglang sumulpot sa harap lang mismo ng aking mukha ang batang anghel. Mabuti na lamang at napigil ko ang sarili kong humiyaw, kundi nagising na sana si Tod.

"Bakit ba ngayon ka lang nagpakita? Kalagitnaan na ng gabi!"

"Pinapaalalahanan lang kita. Tsaka tungkol kay Catherine, huwag mo munang pagtuunan ng pansin ang nangyari kanina. Mas mahalaga sa ngayon ay ang misyon mo," paliwanag ng anghel. "Darating muli ang pagkakataon na magkakausap kayong muli kung itatadhana iyon para sa iyo."

Hindi ko maintindihan, ano ba ang espesyal tungkol kay Catherine kung bakit iniiwas nila ako sa kanya? Isang malaking palatandaan ang pagkatao niya at kung bakit sobra akong apektado sa kanya.

Dr. SterbenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon