Penpen de Sarapen: Takot

64.4K 913 353
                                    

Penpen de Sarapen: Takot

Ako si Penpen, nakatira kami malapit sa tabing dagat, malayo sa mga kabahayan. Bibihira lang ang mga batang nakikipaglaro sa akin simula ng lumipat kami sa probinsiya, kaya madalas kong kalaro ay aking laruan na si Sarapen. Malaki man ang aming bahay ay punong-puno ito ng kalungkutan. Dahil madalas wala sila Mama at Papa. Abala kasi sila sa kani-kanilang negosyo. Hindi naman nakikipaglaro sa akin ang aming katulong. Katulong na akala mo ay siya ang may-ari ng aming bahay. Madalas ako ang gumagawa ng kaniyang mga gawain tulad ng paglilinis ng bahay at paghuhugas ng pinagkainan. Sinasaktan niya rin ako, kaya kapag nagsusumbong ako kanila mama at papa ay hindi sila naniniwala sa akin. Si Sarapen lang ang aking kinakausap, hindi ko mawari kung bakit mas pinaniniwalaan pa nila ang aming katulong na si Toyang.

Umaga na naman at kailangan ng umalis nila mama at papa. Humingi pa ng paumanhin sa akin si mama dahil sa madalas silang wala sa bahay at wala silang oras para sa akin. Dahil ayaw nilang masalisihan sa negosyo. Tumango na lang ako at sumagot ng okay sa kanya.

Napansin ni papa na nagtatampo ako kaya sinabi nito sa akin na mamamasyal kaming tatlo nila mama. Gusto kong matiyak na totoo ang sinasabi nila sa akin, kaya tinanong ko kay papa kung sigurado na mamamasyal kami. Subalit hindi siya sumagot sa tanong ko, agad silang tumalikod sa akin. Pero kahit na ganoon, masaya pa rin ako dahil sa sinabi ni papa na mamamasyal kami. Hindi na ako makapaghintay na makasama sila, sa wakas. Pagkalipas ng maraming taon at makakasama ko na ulit sila. 

Hawak hawak ko noon ang laruan ko na si Sarapen, tuwang-tuwa akong sinabi sa kanya ang magandang balita ni papa sa akin--na lalabas kami at mamamasyal. Napapatalon pa ako sa tuwa ng mga sandaling 'yon. At habang masaya akong kinakausap si Sarapen, biglang sumingit si aling Toyang.

"Sus Penpen, naniwala ka naman agad sa papa mo? Pang-ilang beses na ba niyang sinabi sayo na mamasyal kayo? Hindi mo pa rin ba nabibilang?" natatawang sabi niya sa akin.

Hindi ko na lang pinansin ang sinabing 'yon ni aling Toyang. Iniwanan ko siya at naglakad ako kasama si Sarapen at pumunta kami sa paborito naming tambayan at palaruan. Nang makarating na kami sa aming palaruan na duyan, damang-dama ko ang lamig ng hangin na nanggagaling sa dagat. Tumingin ako kay Sarapen na nasa kabilang duyan at tinanong siya kung hindi ba siya nilalamig, pero dahil sa laruan nga siya, hindi siya makakasagot sa tanong ko. Kaya ang ginawa ko ay kinuha ko siya at nilagay ko siya sa aking hita.

Kandong-kandong ko si Sarapen habang inindayog ko ang duyan. Ang lamig ng hangin, nakakawala ng problema. Sana kasama ko sila mama at papa dito. Mas lalo sanang magiging masaya kung kaming apat ang naglalaro sa duyan.

"PENPEN!!" sigaw ni aling Toyang.

"Bakit po?"

"Pumanik ka na at maggagabi na. Lalabas na ang mga multo diyan!" Pananakot nito.

"Tara Sarapen, akyat na tayo. Baka abutan tayo ng mga multo dito at kainin tayo."

Sa sinabing 'yon ni aling Toyang, nakaramdaman ako ng takot. Dahil hindi ko alam kung anong itsura ng isang multo. Tapos sinabi pa nito na nangangain ang multo kaya, agad ko siyang sinunod at umuwi na kami ng bahay. Limang taon pa lang ako noon ng ikwento sa akin ni aling Toyang ang nangyari sa isang bata. Mga isang kilometro ang layo sa aming bahay. 

Hindi ako makapaniwala sa ikinuwento ni aling Toyang. Kaya simula no'n ay hindi na ako nagpapaabot ng gabi sa labas dahil nakatatak sa isip ko na baka maabutan ako ng multo at makain ako. Hindi ko na makikita sila mama at papa kapag nangyari 'yon.

Pagkaakyat ko ng bahay ay natatawa itong si aling Toyang. Hindi ko mawari kung bakit pero hindi ko na lang pinansin at nagtuloy-tuloy ako sa paglalakad--paakyat sa aking kwarto.

PENPEN de SARAPEN (My first horror story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon