CHAPTER 2

5.3K 61 13
                                    

CHAPTER 2

“DADALAWIN na ba ako ng toothfairy mamaya, Miss Charlotte?”

“Yep. Kaya mag-toothbrush kang mabuti. Sundin mo lang lahat ng itinuro sa iyo ni Doc Cutie, okay?”

Kinindatan ni Charlotte ang pitong taong gulang na si Rezeree habang tinutulungan niya itong makababa mula sa dental chair. Kabubunot pa lamang ng ipin nito.

“Is the tooth fairy as pretty as you, Miss Charlotte?” kinakapa-kapa nito ang nabunutang bahagi ng gilagid nito. “Tutubo pa po ba uli ang tooth ko? It feels weird feeling my glands.”

Napapangiting ginulo niya ang buhok nito.

Ang mga bata talaga, hindi marunong magsinungaling.
“Tutubo pa ulit iyan, Rez. Just brush your teeth regularly para hindi ka na ulit magka-cavities.” Inabot niya ang isang colourful magic pencil na binili talaga niya para sa mga pasyente niyang bata saka iyon ibinigay dito. “Here. For being such a good girl.”

“Thank you, Miss Charlotte.” Napangisi na lang siya nang ngitian siya nito. Rezeree looked really cute even with one tooth missing .

“Hi baby.” Bati ng kapapasok lang na ama nito. “How’s your tooth?”

Mabilis na lumapit dito ang anak saka nagpakarga. “It’s gone na, Daddy. But Miss Charlotte said that the tooth fairy will come and visit me para palitan ang tooth ko.”

“Really?” kinindatan din niya ang ama nito. Richard knotted his forehead in question. Nginisihan lamang niya ito. “That’s great then.”

“Just don’t let her eat too much sweet, Chard.”

Naging kaklase ito ng Kuya Maverin niya. Nagtataka nga siya kung paanong napaamo ito ng asawa nitong taklesa. Samantalang sa pagkakatanda niya, ito ang klase ng taong nunca na papansin ng ibang nilalang maliban sa sarili nito.

“Wala na ba siyang kailangang inuming gamot? Antibiotics?” tanong nito nang maupo sa visitor’s chair sa harap ng mesa niya. “Hindi na ba mamamaga ang ipin niya?”

“Chill out, Chardy Boy. Masyado ka namang praning diyan. At anong mamamaga ang ipin niya? Wala na siyang ipin, ano pa ang mamamaga riyan?”

“Nagsisiguro lang ako.” Inayos nito ang pagkakakandong ng anak nito rito saka siya muling binalingan. “Resha is asking about you. Hindi mo na raw siya binibisita sa bahay.”

“Hay, naku. Ang asawa mong iyon kahit kailan, adik. Nagkita lang kaya kami nung nakaraang linggo?”

“Last week pa iyon.”

“What? Don’t tell me pati ikaw nahawa na sa ka-praningan ng misis mo?”

“Pagbigyan mo na si Resha. Ikaw ang sisishin no’n ‘pag nakunan siya.”

Nasamid siya sa narinig. “What?! Buntis na naman si Resha? Ang sipag mo ‘teng!” natawa na lang siya sa nakitang reaksiyon nito. Nilapitan na lang niya ito saka tinapik sa balikat. “Congrats!”

Lalo lang namang nangunot ang noo nito. Tila marami pa itong gustong sabihin ngunit sa huli ay ipinasya nitong manahimik na lamang. Tumayo na ito karga ang anak na tahimik na nakayakap sa leeg nito.

“Just send me the bill.”

“Hindi ka pa magbabayad dito? Wala na akong kapera-pera. Naghihikahos na ako kaya mabuti pa, bayaran mo na iyan sa sekretarya ko. Para naman umasenso ang  ekonomiya ng Pilipinas.”

“Anong kinalaman ng ekonomiya ng Pilipinas sa pagbabayad ko?”

“Malaki. Kaya sige na. Bayaran mo na ang bill mo’t mapuputulan na ako ng tubig, kuryente at LPG.”

“Hindi pinuputol ang LPG.”

Tatawa-tawang itinulak na lang niya ito palabas ng klinika niya. “Send my regards to Resha. Pakisabi dadalawin ko na lang siya minsan para naman may mapaglihian siyang diyosa.”

Kunot-noong nilingon siya nito habang tulak-tulak niya. “Huwag mong i-impluwensiyahan ang mga anak ko. Wait, hindi mo na rin pala kailangang dalawin si Resha. Tama na ang isang virus sa buhay ko.”

“Kung hindi dahil sa virus na ito,” sinalo pa niya ng kamay ang kanyang mukha. “Hindi sana ganyan kagaganda ang mga ipin ng mga tao sa bansang ito.”

“Mga tao lang sa village na ito ang mga pasyente mo, paanong nadamay ang buong sambayanan?”

“Ba’t ba ang dami mong tanong? Basta magbayad ka na, para naman mapakinabangan ka ng kagandahan ko.”

Iiling-iling lang itong lumapit sa sekretarya niya. Iling na napalitan ng amusement nang mapatingin ito sa may pinto. Sinundan niya ang tinutumbok ng mga mata nito. Kahit siya ay napanganga nang makita kung sino ang nakatayo ngayon sa pinto ng klinika niya.

“Ahm, hi.”

Tinaasan lang niya ng kilay si Seishiro saka muling binalingan si Richard. “Ingat kayo.” Nag-unahan sa pagtaas ang mga kilay niya nang makitang nangingiti ito. “Kailan ka pa natutong ngumiti?”

“Since the day I fell in-love with your cousin.” Nakangiting sagot nito saka lumipad ang tingin kay Seishiro. “Now, I know what to tell Resha. Hindi naman pala masasayang ang pagpunta ko rito.”

“And what’s that supposed to mean?”

“Nothing. We’ll go ahead.” Tinanguan pa nito si Seishiro bago tuluyang lumabas ng klinika niya.

“Jadis, siningil mo ba ng tax at VAT iyong si Richard?”

“Naniningil na rin ba tayo ng VAT at tax ngayon? Hindi ko yata alam iyon? Hindi ba pangingikil na iyon?”

“Marunong ka pa sa akin? Sibakin kaya kita?”

Nahihintakutang ibinaling na lang nito sa mga inaayos na records ang pansin nito. Mukhang nahalata na nito na hindi na maganda ang trip ng mood niya. Kabisado na rin kasi nito ang ugali niya. Kapag asar siya, asar siya.

Pumasok na siya sa loob ng opisina niya nang hindi pinapansin ang nakatayong si Seishiro. Tahimik lang din naman kasi itong nagmamasid sa kanya. Akala niya ay lalayas na lang ito kapag dinead-ma niya kaya naman talagang nagulat siya nang sa pagbaling niya sa likuran niya ay bumangga siya sa malapad nitong dibdib.

The moment she breathed in his masculine scent, nagrigodon na naman ang puso niya. Kaya mabilis na lumayo na siya dito. Baka kung ano na namang kademonyuhan ang maisip niya.

“Anong ginagawa mo rito? Bawal rito ang hindi pasyente.” Pagtataray niya rito.

Walang imik na lumayo ito sa kanya. Parang gusto na niya itong batuhin ng paper weight nang lumayo ito. Akala niya ay lalabas ito at aalis. Ready na nga ang sapatos niyang ibabato rito. Nagpapakipot lang naman siya, hindi pa siya pinatulan. Samantalang ang hitad na si Hedi, obvious namang nagpapa-cute lang, sinunggaban.
Napakunot-noo siya nang maupo ito sa dental chair na naroon. Tiningala pa siya nito saka hinubad ang suot na salamin.

“Seishiro, what are you doing?”

“Sabi mo, bawal dito ang hindi pasyente.”

“Oo nga. Pero anong ginagawa mo riyan?”

“Magpapatingin na rin ako. Natutuluyan na yatang lumabo itong mata ko.”

Hinampas niya ang braso nito. “Dentista ako. Ipin ang ginagamot ko, hindi mata. Umalis ka nga riyan.” Ngunit hindi ito tuminag kahit na anong hatak niya rito. “Seishiro, hindi bagay sa iyo ang maging makulit.”

“Are you still mad at me, Charlotte?” malambing na tanong nito.

She felt something touch her heart. Napakalambing naman kasi ng pagkakasabi nito ng pangalan niya. It was like a sweet caress. Paano pa siyang mananatiling asar sa gaya nitong nuknukan ng sweet?

Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya, kukurutin ba niya ito? Hahampasin? Sasakalin? Yayakapin? Hahalikan?

Sa sobrang frustration niya, hinatak na lang niya ang tenga nito. Kahit paano, nabawasan na ang frustration na nararamdaman niya. Hindi naman kasi ito nagreklamo.

“Tumayo ka nga riyan. Hindi naman bagay sa iyong maupo diyan. You have a perfect set of teeth.”

Nakangiting tumayo naman ito saka sumunod sa kanya nang maupo siya sa likod ng mesa niya.

“Busy ka ba?” tanong nito habang nakaupo sa gilid ng mesa niya.

“Hindi naman. Wala naman na rin akong pasyente.” Kinuha niya ang paper weight na pinagugulong nito sa ibaabw ng mesa niya. “Bakit?”

Nagkibit-balikat ito saka kinuha ulit sa kanya ang paper weight. “Wanna take a walk? Maaga pa naman.”

“Walk? Wala ka bang sasakyan? Tinatamad kasi ako.” Inilayo na nito sa kanya ang paper weight nang tangkain muli niyang kunin iyon. “Seishiro, hindi na ako asar sa iyo. Pero hindi ko pa rin ma-take na nangungulit ka ng ganyan. Napapraning ako.”

“Diyan lang naman sa paligid ng village.”

Napalabi siya nang maalala ang impaktitang si Hedi. “Ayoko nga. Baka habulin pa ako ng aso.”

“Walang asong nanghahabol dito.”

Ay, ang slow. “Baka dumugin tayo ng fans mo.”

Akala niya babanat na naman ito kaya nagtaka siya nang bigla na lamang itong manahimik. When she looked up at him, nakatingin lamang ito sa kanya. She could see something in his brown eyes. Ngunit hindi niya mabasa kung ano iyon. But somehow, it seemed like…longing?

Kapag-kuwa’y bumuntong-hininga na lamang ito saka ibinaba ang paper weight na kanina pa nito pinaglalaruan.

“Okay,” he said with clear disappointment in his handsome face. Ipinamulsa nito ang mga kamay sa suot nitong pantalon. “Next time na lang siguro.”

Nakonsiyensiya siya kaagad sa nakita niyang reaksiyon nito. He looked like he was really looking forward to taking her out for a walk. Siya naman na walang konsiyensiya, hindi na nahabag.

“See you later then, Cha.” Nagsimula na itong maglakad patungo sa pinto ng opisina niya.

He was about to turn the door knob when she called out to him again. Kaagad namang lumingon ito sa kanya. Kamuntik na niya itong lundagin nang makita ang guwapong mukha nito na lalong na-emphasize ng tila pagpapaawa effect nito.

She let out a dreamy sigh. “Bibilinan ko lang sandali si Jadis.”

JAPANESE KA ba?”

Biglang napalingon kay Charlotte si Seishiro sa tanong niyang iyon. Mula kasi kanina nang umalis sila sa klinika niya nang yayain siya nitong maglakad-lakad, hindi na ito kumibo pa.

“Bakit mo naitanong?” alanganing ngingiti o kukunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya.

“Wala lang. Five minutes na kasi tayong naglalakad, pero parang wala kang planong magsalita. Ayoko ng  tahimik. Maloloka ako.” Malakas na ikinagat niya ang kanyang mga ngipin nang makaramdam ng panggigigil. “Matagal ka na ring nakatira sa village na ito pero wala pa akong masyadong alam tungkol sa iyo.”

Saglit muna siyang pinagmasdan nito bago bumuntong-hininga. Nakangiti na ito nang muli siyang balingan. “Yes. I’m half Japanese and half Filipino. Japanese ang Mama ko, Filipino naman ang Papa ko.”

“Ah, kaya ba Japanese ang pangalan mo?” kunot-noong tanong niya rito. Hindi na kasi niya mapigil ang panggigigil na nararamdaman niya. “’Seishiro’. Bagay sa iyo ang pangalan mo. Napaka-gentle ng dating. Parang ikaw.”

“Really?” tumingala ito saka marahang tumawa. “Thank you.”

“Bakit ka naging vet?”

“Ikaw, bakit ka naging dentist?” balik-tanong nito sa kanya.

“Kasi nung bata pa ako, nagka-cavity ang Kuya ko. Wala siyang ginawa nu’n maghapon kung hindi umiyak. Eh, sa pamilya namin, siya ang palaging nakangiti. Nakakahawa ang ngiti niya pero nung nagka-cavity siya, ni hindi na niya magawang ngumiti.” Dinukot na niya ang ballpen niya sa bulsa ng suot niyang slacks. “Kaya sabi ko, paglaki ko, gusto kong maging toothfairy. Aalisin ko lahat ng cavities sa mundo. I want to see everybody happy.”

Naaalala pa niyang nagtatalon sa tuwa ang Kuya niya nang mabunot na ang sirang ngipin nito. Mula noon, ipinangako na niya sa sarili niyang magiging doktor siya ng mga ngipin.

“Wow. Daig mo pa pala ang politiko.”

“Ano ba iyan? Ang dami namang pwedeng ihalintulad sa akin, bakit pulitiko pa? Eh, daig pa ng mga pulitiko ninyo ang mga cavities na nagsusumiksik sa ngipin ng mga pasyente ko.”

“Oo, sabi ko nga.” Natatawang wika nito.

“So, bakit ka nga naging vet?” ulit niya sa tanong niya kanina.

“Law dapat ang kukunin ko.” Panimula nito. “Nasa New York ako noon para mag-aral. Naglalakad-lakad ako sa paligid ng university na pinapasukan ko nang may makita akong pusa na hina-harass ng mga senior students doon.” Kitang-kita niya ang galit sa mga mata nito kasabay ng pagtatagis ng mga bagang nito. “They were making fun of the kitten.” Nakakuyom ang kamay na wika nito. “I rescued the cat and took it home. Habang ginagamot ko siya, tinanong ko ang sarili ko kung law ba talaga ang gusto ko. Right there and then, sinagot ako ng sarili ko. And the answer was a big ‘no’.”

“Kaya mas pinili mong maging vet?” lalo niyang pinanggigilan ang ballpen na nakapasak sa bibig niya.

“I’ve always loved animals. Noong bata pa ako sa bahay namin sa Japan, lagi akong pinapagalitan ng lolo ko. Lagi kasi akong nag-uuwi ng mga napupulot kong stray animals.”

“Ginagawa mong Huspicio de San Jose ang bahay ninyo?”

“Not really.” Natatawa nang sagot nito. “I guess iyon na talaga ang nakasulat sa tadhana ko. Ang maging isang dakilang beterinaryo.”

“Parang si Doc Aga?”

“Doc Aga?” nagtatakang tanong nito.

“Iyong guwapong beterinaryo sa Okidokidok. Madalas ko iyong panoorin noon. Ang cute naman kasi ni Doc Aga. Parang ikaw.”

“Yes. Parang si Doc Aga.” Malapad na malapad na ang pagkakangiti nito habang nakamasid sa kanya. “Cha, are you alright?”

Napansin na pala nitong kanina pa niya pinanggigigilan ang ballpen na nadampot niya sa kanyang bulsa.

“Ha? Ah, oo. Bakit?” patuloy siya sa pagngata ng pobreng ballpen.

“If you’re hungry, we can go and grab something to eat.” Narinig niyang tumikhim ito. “You know, you look really, really cute doing that.”

Nakasulpak pa sa kanyang bibig ang ballpen nang balingan niya ito. Natatawang tinanggal naman nito iyon sa kanyang bibig saka marahang napailing nang makitang lukot-lukot na ang takip niyon.

Nakaramdam naman kaagad siya ng hiya nang makita ang estado ng kaawa-awang ballpen. Mabilis na hinablot niya iyon dito. Kahit naman papaano ay nabawasan na ang panggigigil na nararamdaman ng mga lintik na ngipin niya.

“Pasensiya na. It’s just one of my silly habits.” Pasimple niyang ipinunas ang dulo ng ballpen sa kanyang slacks bago iyon muling ibinulsa.

“Silly habits?” kunot-noong tanong nito sa kanya.

“Yeah. May mga times na nakakaramdam ng sobrang panggigigil ang mga ngipin ko. So to satisfy them, humahanap ako ng kahit na anong mapanggigigilan ng ngipin ko. This pen, for example.” Tinapik pa niya ang bulsa ng slack pants na suot niya.

Tumatangu-tango namang nagkamot ito sa baba na tila pinag-iisipan pang mabuti ang kanyang sinabi.

“Para ka pa lang bata na tutubuan ng ngipin.”

Humalakhak lang ito nang hampasin niya ang braso nito.
“Sige, tama iyan. Pagtawanan mo ako. Maka-karma ka rin. Kapag sumakit iyang mga ngipin mo, hinding-hindi kita gagamutin. O kaya naman, iru-root canal na lang kita.” Nalukot na ang kanyang mukha nang hindi pa rin ito tumigil sa pagtawa. “Nang walang anesthesia.” Babala niya.

Naaasar na nag-martsa na siya pabalik sana sa kanyang klinika ngunit nahagip nito ang braso niya. At hindi niya inaasahan ang naging reaksiyon niya sa ginawa ntong iyon.

She felt all her nerves come alive. Pakiramdam niya, lahat ng himaymay ng kanyang mga ugat ay biglang nagising sa ginawa nitong iyon. Halos kapusin siya ng hininga sa bilis ng tibok ng puso niya. Wala na siyang ibang naririnig at nararamdaman maliban sa nakakabinging tibok ng kanyang puso at ang kakaibang init na hatid ng palad nito.

Lalong hindi niya inaasahan ang naging reaksiyon ng puso niya nang tingalain niya ito at salubungin siya ng napakaamong mukha nito. Parang bigla na lamang tumalon ang puso niya.
Bigla siyang nataranta. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kanya ngunit natagpuan na lamang niya ang kanyang sariling nagpupumiglas mula sa pagkakahawak nito.

“Charlotte, calm down.”

When she felt his arms gently wrap around her, bigla siyang nakalma na naalarma. Ano bang nangyayari sa kanya? Daig pa niya si Sisa.

“Seishiro.” Tawag niya rito habang bahagyang humihingal. Nakaka-ubos ng energy ang naramdaman niya kanina. Pilit niyang kinalma ang kanyang sarili saka bumuntong-hininga. “Okay na ako. You can let go of me now.”

Naramdaman niya ang pag-aatubili nitong pakawalan siya. He deliberately took his time letting her go.

Naplunok pa siya nang sumayad ang mga labi nito sa kanyang buhok.

“Ahm…” tumikhim muna siya bago ito hinarap. Ang problema, hindi na niya ito matingnan nang diretso sa mga mata. “Sorry. Tinamaan ako ng ka-praningan.”

“Are you sure you’re okay?” nagulat pa siya sa nakita nang magka-lakas siya ng loob na tingnan ito. Nakaguhit sa mukha nito ang matinding pag-aalala.

“O-oo. Nakalimutan ko lang inumin ‘yong vitamins ko kanina. Grabe, it’s so hot ‘no?” ipinaypay pa niya sa kanyang sarili ang isang kamay. “Seishiro, ‘wag mo akong titigan ng ganyan. Napa-praning ang beauty ko.”

“Cute,” wika nito saka marahang idinampi sa dulo ng ilong niya ang hintuturo nito.

Pinakiramdaman niya ang sarili. Naroon pa rin ang mabilis na pag-arangkada ng puso niya. Pambihira naman talaga. Kung hindi nga lang siya nag-aalalang mapagkamalan siyang nawawala sa sarili, baka dinibdiban na niya ang sarili niya. On second thought, baliw na nga yata siya.

“Oo na, oo na. Seksi na rin ako at nag-uumapaw sa sex appeal. ‘Wag mo nang ipangalandakan.”

Hindi niya napigil ang sariling mahawa sa ngiti nito. Man! He looked so damn handsome grinning like that!

Para silang mga tangang nakatingin lamang sa isa’t-isa sa kahabaan ng desserted na kalsada ng village nila. Hindi pa mababasag ang nakakabinging katahimikan nila kung hindi pa tumunog ang celphone nito. He answered the phone without breaking their eye contact.

“O, Arthur, problem?” pinakinggan nito ang nasakabilang linya. “I see. Okay, I’ll be there.”

Bumuntong-hininga muna ito bago bumaling sa kanya. Kitang-kita ang frustrations sa mukha ng binata. She didn’t know why but she suddenly felt the urge to touch his handsome face. Naipilig na lamang niya ang kanyang ulo sa napag-ii-isip niya.

“Problem?” tanong niya rito kahit parang alam na niya ang sasabihin nito.

“Yeah…” napahawak ito sa batok saka nag-aalangang nginitian siya. “May problema sa isa sa mga zoo na hawak ko. My assistant said they couldn’t handle it on their own.”
Kahit nakaramdam siya ng panghihinayang ay nauunawaan niya ito. Tawag nga naman kasi iyon ng trabaho. Pinilit na lamang niya ang sariling ngumiti kahit nagkukukot ang kanyang kalooban.

“Sure. Next time na lang uli natin ituloy ang naudlot na namang date natin.”

Biglang nagliwanag ang mukha nito. “Really? You’ll go out with me again? I mean, hindi na dito sa paligid ng village.”

“Saan? Sa kabilang village naman?”

Sabay na lang silang natawa sa sinabi niyang iyon.

“Ihahatid na kita pabalik sa clinic mo.” Prisinta nito.

“Hindi na.” tanggi niya. “Puntahan mo na iyong pasyente mo. Hindi naman kalayuan dito ang clinic ko.”

“You sure?”

Natatawang itinulak na lamang niya ito. “Sige na, kaya ko na ang sarili ko.”

“See you later, then.” Nakangiting wika nito.

“Ingat.” She was walking backwards dahil ayaw pa niya itong mawala sa kanyang paningin. Weird.

Kinawayan muna siya nito bago ito nagmamadaling tumalikod saka tumakbo pabalik sa klinika nito. Bago ito lumiko sa kanto, muli siyang hinarap nito saka muling kumaway.

“Hay, Seishiro. Ano bang ginagawa mo sa aking lalaki ka? Alam kong praning na ako noon pa, pero kapag kasama kita, pakiramdam ko, lalo akong lumalala.”

Malakas pa rin ang tibok ng puso niya habang malapad ang pagkakangiting naglalakad pabalik sa klinika niya. Hindi niya alam kung ano ang itatawag sa bagong damdaming iyon pero isa lang ang nasisiguro niya.
She liked the feeling.

Definitely.

Loving The Charming PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon